You are on page 1of 5

Empamano, Andrea Francesca B.

2010-38948 Jose Rizal at Bayaning Third World: Isang Pagsusuri Isa sa mga unang itunuturo sa atin bilang mga estudyante ay ang kasaysayan ng ating bansa. Mahalagang malaman ang kasaysayan ng bansa upang maintindihan natin ng mabuti ang lipunan na ating ginagalawan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga pangyayaring umambag sa pagbubuo ng ating kultura. Isa sa mga pinakatanyag na tauhan sa kasasayan ng Pilipinas ay si Jose Rizal. Mas kilala natin siya bilang ating pambansang bayani na sumulat ng dalawang nobela: Noli Mi Tangere at El Filibusterismo. Ngunit, sino nga ba si Rizal at ano ang mga ginawa niya na itinuring siyang isang bayani? Maraming pelikulang ginawa na sinubukang ikwento ng buhay ni Rizal ngunit sa pagsusuring ito, bibigyan natin ng atensyon ang mga pelikulang Jose Rizal ni Marilou Diaz Abaya at Bayaning Third World ni Mike de Leon. Ang Jose Rizal ay isinulat nina Ricky Lee, Jun Lana, at Peter Ong Lim at idinirekta ni Marilou Diaz Abaya. Ipinalabas ito noong 1998 sa ilalim ng GMA Films. Ito ay isang byograpiko ni Jose Rizal na ginanap ni Cesar Montano. Nagsisimula ang pelikula kay Rizal sa loob ng kanyang kulungan sa Fort Santiago. Palapit na ang araw ng paghahatol sa kanya ng kamatayan at makikita siyang bumabalik-tanaw sa kanyang buhay mula sa kanyang pagkabata hanggang sa pagtanda habang kinakausap si Taviel de Andrade (Jamie Fabregas), ang unang tinente ng artilerya na nagsisilbing tagapayo niya. Sa pag-usad ng pelikula, makikita natin ang mga dahilan sa likod ng kanyang mga ginawa at isinulat niya at ang umusbong rebulusyon ng mga Katipunero na pinangunahan ni Andres Bonifacio (Gardo Versoza). Makikita rin natin ang kanyang paglaki bilang isang ilustrado na nakapag-aral at nakaranas ng buhay sa labas ng

Pilipinas at paano ito nakaapekto sa kanyang mga ideya at opinion sa mga pangyayari sa bansa. Bukod dito, makikita din natin ang ibat ibang tauhan sa mga nobela ni Rizal at paano nila pinapalarawan ang mga tao sa totoong buhay. Ang Bayaning Third World naman ay isinulat ni Clodualdo del Mundo, Jr. kasama si Mike de Leon na siya ring director ng pelikula. Ipinalabas ito noong 1999 sa ilalim ng Cinema Artists of the Philippines. Ang pelikula ay ukol sa dalawang filmmakers (Ricky Davao at Cris Villanueva) na nais gumawa ng pelikula na isang akmang representasyon ng buhay ni Rizal (Joel Torre). Sa simula ng pelikula, namomroblema ang dalawang filmmakers kung ano ang angulo na nais nilang gamitin at bigyan ng pansin. Pinag-usapan nila ang ibat ibang isyu tulad ng kasarian ni Rizal, ang kanyang pagkasal kay Josephine Bracken (Lara Fabregas), at ang kontrobesyal na retraksyon ni Rizal ng kanyang mga pananaw sa simbahang Katoliko na ipinakita sa kanyang dalawang nobela. Upang makakuha ng sapat na impormasyon, gumawa ng imbestigasyon ang mga filmmaker at nagsagawa ng mga interbyew sa mga makabuluhang tao sa buhay ni Rizal tulad ng kanyang ina na si Teodora Alonso (Daria Ramirez), mga kapatid na sina Paciano (Joonee Gamboa), Trinidad (Rio Locsin), and Narcisa (Cherry Pie Picache), Josephine Bracken, si Padre Ballaguer (Ed Rocha) na siyang pari na nakasaksi umano sa retraksyon ni Rizal, at siyempre si Jose Rizal mismo. Binigyan ng pansin ang pagkumpleto ng buong kwento sa likod ng kanyang retraksyon at pagpapakita ng ibang panig ng katauhan ni Rizal na iba sa karaniwan nating nababasa. Ang papel na ginampanan ni Rizal sa kasaysayan at pagbuo ng nasyonalismo ay mas binigyang diin sa pelikulang Jose Rizal. Pinahalagahan sa pelikula ang tamang paglarawan ng mga pangyayari sa buhay ni Rizal. Ang paglalarawan kay Rizal sa pelikulang ito ay ang karaniwan na pinag-aaralan sa paaralan. Mas nakasentro sa pelikula ang paglalahad ng mga

emosyon at mas seryoso ang pagkasalaysay nito. Ginawa ang paglalahad ng mga pangyayari sa pamamagitan ng mga flashback ni Rizal sa ibat ibang bahagi ng kanyang buhay at pag-iisip niya sa mga ginawa niyang nobela. Magkaiba ito sa Bayaning Third World kung saan mas nakapokus ito sa mga isyu at kontrobersiya ng retraksyon na naganap sa buhay ni Rizal. Mas makikita ang pag-usisa sa mga desisyon ni Rizal at kung ano ang pinapahiwatig ng mga ito sa kanyang pagkatao. Mas pinahalagahan ng pelikula ang pagunawa sa pagkatao ni Rizal kaysa sa kanyang papel sa lipunan. Pagdating sa paraan ng pagsalaysay ng pelikula, mas magaan ito kumpara sa Jose Rizal at nilagyan ito ng mga eksena at linya na nakakatawa. Iba rin ang paglarawan kay Rizal dahil pinakita dito ang Rizal na nakikita sa isipan ng mananalaysay. Ang ibang pang karakter sa pelikulang Jose Rizal ay hindi masyadong binigyang diin dahil mas nai-highlight si Rizal. Pinakita ang papel ng kanyang pamilya bilang bukal ng suporta. Pinakita ang kanyang ina bilang isang mabait at maamong ina at ang kanyang kapatid na si Paciano (Pen Medina) bilang isang kapatid na sumusuporta at nagtitiwala kay Rizal. Pinakita rin si Taviel na siyang kinausap Rizal sa kanyang selda. Makikita sa pelikula na unti unting siyang naging katiwala ni Rizal. Maliban sa mga tao sa buhay ni Rizal, pinakita rin ang mga karakter sa kanyang mga nobela. Ang pinakamatinkad na karakter ay si Crisostomo Ibarra (Joel Torre) na nilikha ni Rizal ngunit siya rin ang sumasalamin sa kanya. Magka-iba ito sa mga karakter sa pelikulang Bayaning Third World kung saan binigyan ng importansya ang panig ng bawat isa. Hindi lamang opinyon ni Rizal ang tiningnan para mabuo ang kwento kundi ang opinyon ng lahat. Pinakita rin ang ibat ibang personalidad ng mga tauhan tulad ni Donya Lolay na lagi ng galit sa mga panayam. Pinakita rin ang mga papel na ginampanan nila sa buhay ni Rizal. Binigyang pansin ang papel ni Bracken sa buhay ni Rizal at sa nangyaring retraksyon at inusisa

kung nagkaroon nga ba ng kasal sa pagitan nilang dalawa. Tiningnan kung totoo bang minahal niya si Rizal o inakit niya lamang siya dahil nagsilbi siyang espiya ng mga Kastila. Makikita sa dalawang pelikula ang kapangyarihan at hawak ng mga Kastila sa Pilipinas. Malinaw ang pagkakahiwalay ng ibat ibang estado ng lipunan kung saan ang mga purong Kastila ang nasa itaas. Kapansinpansin ang kapangyarihan ng Gobyerno ngunit natatapatan at minsan nalalampasan ito ng simbahang Katoliko dahil sa lawak ng impluwesiya nito. Litaw ang mga kawalan ng hustisya sa lipunan. Sa kabila nito ay makikita pa rin ang pagbabago ng mga relasyon ng produksyon sa unti-unting pagkamulat ng mga indio sa mga pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga Kastila. Nagkakaroon na ng mga Pilipinong nakakapag-aral at nakakalabas ng bansa, isang pahiwatig na tumataas ang estado nga mga Pilipino sa lipunan. Makikita ang paghinto ng pagtitiis na ang mga indio sa paraan ng pamamalakad ng mga dayuhan at nagsisimulang umalsa sa pagtatag ng Katipunan. Magkaiba ang dalawang pelikula sa mga mensahe na nais nilang ipaabot sa mga manonood. Sa pelikulang Jose Rizal, binigyan ng importansya ang historikal na representasyon ng buhay ni Rizal. Pinakita si Rizal bilang isang estudyante, doktor, makata, at Pilipino. Pinaliwanag ng mabuti ang mga dahilan ng pagsulat niya ng mga nobela at pinakita ang importansya ng edukasyon at nasyonalismo. Sa huli, pinakita ang pagkamatay ni Rizal sa Bagumbayan at pagsilbi nito bilang inspirasyon sa rebolusyon ng mga Katipunero. Sa pelikulang Bayaning Third World naman ay mas binigyan ng importansya ang pagbuo ng sanhi ng retraksyon ni Rizal bago siya mamatay. Pinakita ang kabilang panig ni Rizal na kadalasang hindi natin nakikita. Hindi pinakit ang ilustradong matatag ang prinsipyo sa halip ay isang taong may mga pagkukulang at hindi perpekto. Sa huli, walang nakuhang malinaw na dahilan sa likod ng

kanyang retrasyon at marami pang tanong na hindi maisasagot kaya hindi natuloy ang paggawa ng pelikula ukol kay Rizal. Pagkatapos mapanood ang dalawang pelikula ay masasabi ko pa rin na si Rizal ang pambansang bayani. Maganda na naipakita ang pagiging tao lamang ni Rizal na nagkakaroon ng mga problema at pagkukulang. Pinakita na tao lamang siya katulad nating lahat ngunit ang nakapaghiwalay sa kanya sa karaniwang tao ay ang kanyang dakilang pagmamahal sa Inang Bayan at ang kanyang determinasyon na maipamulat sa kanyang mga kababayan ang nasyonalismo. Makikita natin na mahalaga ang mga ginawa ni Rizal dahil ang mga suliranin na ipinakita niya noong panahong iyon ay ang mga suliranin pa rin ng lipunan ngayon. Bukod sa pagiging isang inspirasyon ng pagsasakripisyo ng sarili sa para sa kanyang mga kababayan, hinahamon rin tayo ni Rizal. Kapag gusto natin baguhin ang lipunan ay kailangan sa atin mismo manggagaling ang pagbabago. Tayo lamang ang may kakayanan na lumitas sa mga suliranin ng lipunan at gibain ang malawakang hating kultural na humihuwalay sa ating mga Pilipino sa isat isa. Sa pelikulang Jose Rizal, may isang matingkad na linya na hindi ko makakalimutan ay ang sinabi ni Ibarra na Mamamatay kayo bago pa man dumating ang inyong kamatayan.

Hinahamon tayo ni Rizal na hindi maging pipi na tinatanggap nalang ang mga nangyayari sa lipunan at umasa sa iba na lulunas sa mga problema. Hinahamon tayo na magkaroon ng boses at iparinig ito. Kapag hindi natin ito nagagawa, magiging alipin pa rin tayo sa lipunan na ating ginagalawan.