You are on page 1of 10

Maikling Pagsusuri ng Rebolusyon ni Rizal* Juan Carlo P.

Tejano BA Agham Pampulitika

Para sa maraming akademikong historyador at manunulat (Agoncillo, 1956; Constantino, 1970), si Dr. Jose Rizal ay isang tunay na repormistang nagtutulak ng mapayapa at legal na pagbabago tulad ng pagkakaroon ng kinatawan sa Kortes ng Espanya at pagpapairal ng isang progresibong sistema ng edukasyon sa kolonyal na Filipinas. Sa katunayan, gaya ng maraming ilustradong propagandistang kapanahunan niya, makikita mula sa mga makasaysayang dokumentong tinutulan ni Rizal ang malawakang rebolusyong sinimulan ng Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK sa ilalim ng tagapagtaguyod nitong si Andres Bonifacio (Agoncillo, 1956). Ayon sa makabayang historyador na si Renato Constantino (1970), ito ang nagmamarka ng pinagkaiba ni Rizal sa mga pangunahing bayani ng iba pang mga bansa tulad nina George Washington ng Estados Unidos at Mao Tse Tung ng Tsina: Hindi si Rizal ang namuno ng pambansang rebolusyon ng Pilipinas. Bukod pa rito, madalas ding ilarawan si Rizal ng kulturang popular bilang isang akademikong manunulat na tumututol sa kahit anong karahasan, kahit pa gamitin lamang ito bilang pamamaraan ng pagpapalaya sa mismong mga Pilipinong pinag-alayan niya ng kanyang huling hininga (Gillego, 1990). Sa kabila subalit ng ganitong paglalarawan, hindi naging tahimik si Rizal ukol sa konsepto ng rebolusyon bilang instrumento ng panlipunang pagbabago. Sa katunayan, masasabing rebolusyon ang pangunahing isyung pinapalibutan ng kuwento ng ikalawa niyang

Isusumite bilang bahagi ng pangkatang papel kay Prop. Jimmuel Naval para sa kursong Philippine Institutions 100 noong Unang Semestre ng Akademikong Taon 2011-2012. Ang kurso ay nasa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

nobelang El Filibusterismo. Sa nobela, naging malaki ang ginampanang papel ng mga katanungan ukol sa posibilidad, katwiran, katarungan, at moralidad ng rebolusyon. Sinisimbulo ang mga katanungang ito ng karakter ni Simoun, ang pangunahing tauhan sa nobelang nagbalik sa Filipinas matapos usigin ng mga awtoridad bilang dating si Don Crisostomo Ibarra at saka magpayaman sa kanyang mga paglalakbay sa mundo. Dalawa ang misyon ni Simoun sa kanyang pagbabalik sa Filipinas: Una, iligtas o bawiin si Maria Clara mula sa kanyang kumbento at, ikalawa, maghiganti sa mga umapi sa kanya. Sinubukan niyang gawin ang dalawang ito nang sabay sa pamamagitan ng pagpapasiklab ng isang rebolusyon, subalit hindi siya nagtagumpay dahil, sa mismong araw na dapat ay maguumpisa ang kaguluhan, nalaman niyang patay na ang dati niyang kasintahang si Maria Clara. Agad na nawalan ng layunin si Simoun para sa kanyang rebolusyon at, sa gayon, naudlot ito. Makalipas ang panahon, muling nabuhay ang rebolusyonaryong kaluluwa ni Simoun at sinubukan niyang mag-umpisa muli ng kaguluhan. Mas klaro at mas matibay na ngayon ang layuning sinasandigan ng rebolusyon ni Simoun; wala na siyang iba pang gusto kung hindi ang paghihiganti. Puno ng galit at pighati at ngayon ay mas madilim pa ang paningorin kaysa noong una siyang pinakilala sa nobela bilang isang multo ng ideyalismo, nagbalak si Simoun ng panibagong rebolusyong mag-uumpisa sa hudyat ng pagsabog sa pook ng pagtitipon para sa kasal nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez. Ang nagsilbing simbulo para sa panibagong rebolusyong ito ay ang nitro-gliserinang nakakubli sa lamparang regalo ni Simoun para sa bagong kasal na siyang ihahatid ng alalay ni Simoun na si Basilio. Pero sa kanyang kamalasmalasan, naudlot din ang rebolusyong ito ni Simoun dahil, nang malaman ni Isagani ang tungkol dito, agad na inagaw ni Isagani ang lampara para iligtas si Paulita. Hindi sumabog ang gusali, natuklasang si Simoun ang may pakana, at nabaril si Simoun habang tumatakas.

Malaki at makabuluhan ang tanong ukol sa kung bakit hindi hinayaan ni Rizal na matuloy ang dalawang tinangkang rebolusyon ni Simoun; magiging mahalaga rin ang tanong na ito upang patunayan o pabulaanan ang pagmamarka kay Rizal bilang isang repormista. Subalit, bago pa man tayo tumungo sa diskurso ukol sa pinapaburang instrumento ng panlipunang pagbabago ni Rizal, mahalaga ring suriin ang estilong ginamit ng manunulat para sa partikular na pamamaraan ng rebolusyonaryong kaguluhan. Kapansin-pansing iisa ang estilong ginamit ni Rizal para sa dalawang rebolusyon sa kanyang nobela; sa parehong pagkakataon, may lumilitaw na padron o disenyo ng rebolusyong umaalinsunod sa tatsulok na balangkas ng kolonyal na lipunan sa Filipinas noong panahon ng Espanyol (Dibuho 1). Ang padrong ito ay maihahalintulad sa isang sapot (Dibuho 2) kung saan pinapalibutan si Simoun ng ibat ibang tao mula sa lahat ng antas ng lipunan: ang principalia , ang mga gitnang uri (creoles at mga Tsinong mestiso), at ang mga indio.

Principalia
Principalia

Creoles
Mga estudyante

Simoun

Mga Tsinong mestiso

(ilustrados)

Ibang gitnang uring naaapi

Indios bravos

Mga tulisan (indios bravos)

Dibuho 1 Panlipunang tatsulok sa Filipinas, panahon ng Espanyol

Dibuho 2 Sapot ng rebolusyon ni Simoun

Sa paglalarawang ito, nagiging mas klaro ang reseta ni Rizal para sa isang rebolusyon: Kinakailangang gamitin ang lahat ng antas ng lipunan para sa himagsikang bayan. Una, ginamit ni Simoun ang principalia para magsilbi bilang mga biktima ng sarili nitong mga polisiya at pagpapalakad ng lipunan. Ang principalia na siyang binubuo ng mga peninsulares, mga pulitikal na pinuno, at mga prayle ang may hawak noon ng pulitikal, ekonomiko, at panlipunang kapangyarihan sa kolonya ng Filipinas. Gamit ang mga koneksyong naitaguyod niya sa principalia, lalo na sa Gobernador Heneral at sa Simbahan, pinairal ni Simoun ang mga polisiyang gagalit at bubuhay sa rebolusyonaryong dugo ng mga mas mabababang uri tulad ng mga creoles, mestiso, at indios bravos. Sa gayon, mahalaga ang principalia para sa pagpapagalit sa mga mamamayan; kung wala sila, walang simbulo ng kasamaan at kalaunan ay walang mga biktima para sa rebolusyong binabalak ni Simoun. Ikalawa, ginamit naman ni Simoun ang mga nasa gitnang uri na siyang pinagmumulan niya rin bilang si Don Crisostomo Ibarra upang magsilbing mga bukal ng instrumento at ideyalismo para sa rebolusyon. Sa kanyang kaliwa, ginamit ni Simoun ang mga estudyanteng tulad nina Basilio at Isagani para bigyan ng aspeto ng adhikain ang kanyang rebolusyon; makikita mula sa nobela ang misteryosong pagpapaskin ng mga subersibong ideya ng mga estudyante. Sa kanan naman ni Simoun ay ang iba pang mga naaapi mula sa gitnang uri tulad ni Quiroga na isang Tsinong mestiso para magsilbing arsenal ng rebolusyon. Ginamit ni Simoun si Quiroga, halimbawa, para sa kanyang bahay na siyang nagsilbing imbakan ng mga sandata para sa kaguluhan. Huli sa lahat, ginamit din ni Simoun sa kanyang ilalim ang mga indios bravos o ang mga tulisang nagsilbing lakas-tao niya. Malaking masa ng mga tulisanes ang nabuo ni Matanglawin, dating si Kabesang Tales, mula nang mabigyan siya ng rebolber ni Simoun sa umpisa ng nobela. Dahil sa masang ito, naging posible ang rebolusyon ni Simoun at sa kanila rin dapat magmumula ang marahas na bigwas sa sentro ng

himagsikan. Sa gayon, pasok na pasok ang rebolusyon ni Simoun mula sa gitna ng lipunan: Ginamit niya ang lahat ng antas ng lipunan at uri ng tao para maisakatuparan ang isang malaking kaguluhang wawasak sa panlipunang sistemang kolonyal mula mismo sa loob nito tulad ng pagpapaigting sa kanser ng isang pasyente para pabilis ang kanyang pagkamatay. Sa gayon, tinotoo nga ni Simoun ang balak niya mula pa sa umpisa ng nobela gamit ang henyong disenyong ito para palalain at palaganapin ang sakit ng lipunan: Kailanganin ko mang magpadanak ng luha at dugo, nagbalik ako ngayon upang wasakin ang sistemang ito, madaliin ang pagkabulok, ihagis sa bangin na buong kahangalan nitong tinutungo Hinatulan na nito ang sarili, at hindi ko ibig mamatay hanggat hindi ko nakikitang nagkadurog-durog ito sa kailaliman ng bangin! (Rizal, 1891, p. 48) Makikita ang indibidwal na katangian ng ganitong estilo ni Simoun kapag hinambing sa ibang mga uri, porma, at estilo ng rebolusyon. Halimbawa, matingkad ang pinagkaiba ng rebolusyon ni Simoun sa rebolusyong Marxista-Leninista-Maoista na sinusulong mula pa noong dekada ng 1960 hanggang sa ngayon ng pambansa-demokratikong koalisyon ng Partido Komunista ng Pilipinas o PKP gamit ang Bagong Hukbong Bayan nito. Una, sa ideyolohiya: Kung komunismo o pambansang demokrasya (national democracy) and tinutulak ng PKP, makikitang malaanarkista at kontra-praylokrasya ang ideyolohiya at ideyang gumagabay sa rebolusyon ni Simoun. Lumilitaw na ang tanging nais ni Simoun sa kaguluhang binabalak niya ay ang wasakin ang sistemang panlipunan at ang pamumuno ng mga prayle, subalit wala siyang panukalang panibagong sistemang papalit dito. Sa katunayan, hindi pa nga ganoon katumpak na sabihing may ideyolohiya ngang tinutulak ang rebolusyon sa Fili dahil ang kalakhan ng dahilan ng mga tinangkang himagsikan ni Simoun ay hindi nakabatay sa pag-aaral ng lipunan bagkus ay

nakabatay ito sa emosyon ni Simoun bilang dating si Ibarra. Ikalawa, ukol sa pagmumulan ng rebolusyon: Makikita, mula sa diskusyon sa taas, na ang rebolusyon ni Simoun ay nagmumula o nagsisimula mula sa kanyang sariling kapasidad at sinasama niya ang lahat ng antas ng lipunan para sa kaguluhan habang ang rebolusyon ng PKP ay nagmumula sa mga batayang masa sa pamumuno ng isang Leninistang partidong vanguard. Sa gayon, kung ang rebolusyon ng PKP ay mula sa baba, ang rebolusyon ni Simoun ay mula sa gitna mula sa isang misteryosong puwersang nanghihimasok sa lahat ng sulok at kabuuan ng panlipunang tatsulok. Huli, kung ang pamamaraan o direksyon ng rebolusyon ni Simoun ay ang pagpapaigting ng tunggalian ng ibat ibang elemento ng lipunan hanggang sa umabot ito sa marahas at rebolusyonaryong kaguluhan, mas malinis at mas ginagabayan ng ideyolohiya ng Maoistang pag-iisip ang pamamaraan ng Bagong Hukbong Bayan ng PKP. Kapag hinambing ang pamamaraan ni Simoun na nailatag na sa itaas, makikitang ibang iba ito sa pamamaraan ng Maoistang digmaang gerilya kung saan may tatlong klarong hakbang: a) pulitikal na mobilisasyon at organisasyon sa kanayunan; b) paghasik ng takot at pagpuksa sa tiwala sa gobyerno sa pamamagitan ng pag-atake sa mga galamay ng estado gaya ng mga mahihinang yunit ng pulisya; at, huli, c) paglarga ng mabangis na bigwas sa kapital ng estado (Grant, 2005). Bukod pa sa mga maliliit at partikular na pagkakaibang ito, makikita ring ibang iba ang diwa ng rebolusyong pinangarap ni Simoun. Tulad ng nasabi na, mas nakabatay sa emosyon at hindi sa rasyunal na kalkulasyon ang himagsikang tinangkang pasiklabin sa nobela; sa katunayan, makikitang parang sinadya ni Rizal na pumalpak ang mga rebolusyon dahil mismo sa mga emosyon. Nang malaman ni Simoun na patay na si Maria Clara, hindi natuloy ang unang rebolusyon; nang dahil sa pag-ibig din ni Isagani para kay Paulita, inagaw niya ang bombang

lampara at hindi natuloy ang ikalawang rebolusyon. Sa ganitong pagtingin, ano ang sinasabing mensahe ni Rizal ukol sa ugnayan ng rebolusyon at emosyon? Klaro ang mensahe: Hindi puwedeng nakabatay ang rebolusyon sa simpleng emosyon. Kailangang may mas malalim itong dahilan at kailangang naiintindihang mabuti ng mismong mga puwersa at kasamang tao sa pag-uumpisa ng himagsikan ang dahilan ng kanilang pag-aalsa. Tulad na nga rin ng sabi ni Padre Florentino kay Simoun sa bandang huli ng akda: Ginoo, kung hindi pa handa ang ating bayan, kung inilalahok lamang sila sa pakikibaka sa pamamagitan ng panlilinlang o pamimilit, walang malinaw na pagkaunawa sa kanilang ginagawa, mabibigo ang kahit pinakamatalinong balak. (Rizal, 1891, p. 301) Subalit, napakahalaga ring tanungin: Bakit may ganitong reseta si Rizal ukol sa rebolusyon kung talagang tunay siyang repormista at kalaban ng mga rebolusyonaryo? Ano nga ba ang masasabi ni Rizal ukol sa rebolusyon sa kanyang akdang El Filibusterismo? Sa umpisa, animoy isang tunay na rebolusyonaryo si Rizal. Makikita ito sa pagdusta ni Simoun sa mga repormistang mag-aaral sa pag-uusap nila ni Basilio sa ikapitong kabanata ng Fili: Ngunit nang malapit ko nang mapangasim ang kamandag mula sa pinakamalubhang pagkabulok ng pinakamalubhang basura ng pinaghalo-halong mga bagay na karimarimarim, nang tulad sa isang matandang babaeng ginulantang ng sunog ay hinahablot na ng pinalalang kasakiman, sa labis na kalituhan, ang lahat ng maabot ng kaniyang kamay, bigla kayong sumipot na humihiyaw ng Espanyolismo, umaawit ng pagtitiwala sa Gobyerno, sa mga bagay na hindi magaganap. Para kayong lamang pumipintig sa init at buhay, wagas, bata, malusog, sumisikdo sa dugo, sa kasiglahan, biglang lumitaw upang tulad ng isang sariwang pagkain ay maialay nang panibago ang sarili

Humihiling kayo ng pagkakapantay sa batas, Espanyolisasyon ng inyong mga kaugalian, hindi ninyo nakikitang ang hinihingi ninyo ay ang inyong kamatayan, ang kapariwaraan ng inyong pagkabansa, ang pagkapawi ng inyong bayan, ang pagpapabanal sa kalupitan! Magiging ano kayo sa hinaharap? Isang bayang walang katangian, isang nasyong walang kalayaan. Pawang hiram ang lahat ng inyo, maging ang inyong mga kasiraan. (Rizal, 1891, pp. 49-50, akin ang diin) Sa gayon, klaro at malapropeta pa nga ang posisyon ni Simoun sa diskurso ng reporma laban sa rebolusyon: Hindi ito magdudulot ng tunay na kalayaan. Kailangang tuluyang mabulok ang sistema at mawasak ng sarili nitong kanser, kailangan ng rebolusyon, para sa tunay na panlipunang pagbabago. Pero hindi tinapos ni Rizal ang nobela sa simpleng deklarasyong ito. Hinayaan din niyang magsalita si Padre Florentino sa pangwakas niyang kabanata ukol sa rebolusyon: Ang karangalang maging tagapagligtas sa isang bayan ay hindi dapat makamtan ng isang nagdagdag sa kapahamakan nito. Inakala ninyo na maaaring mapadalisay at mailigtas ng isang krimen at kawalang-katarungan ang isang nabatikan at nabaluktot dahil sa isang krimen at kawalang-katarungan. Mali. Walang nalilikha ang poot kundi mga halimaw; ang krimen, mga kriminal. Pag-ibig lamang ang tanging nakapagliligtas! Kung lalaya sa hinaharap ang ating bayan, hindi ito dahil sa bisyo at krimen, sa pagsira sa kaniyang mga anak, sa paglinlang sa ilan, sa pagbili sa iba. Hindi. Ang katubusan ay nangangailangan ng kabutihan, kabutihan, pagtitiis at pagtitiis, pag-ibig! (Rizal, 1891, p. 298) Sino ang mas paniniwalaan natin bilang tunay na boses ni Rizal sa akda, si Simoun o si Padre Florentino? Makikita natin marahil ang kasagutan sa pamamagitan ng pagsusuri kung ano rin

ang naging tadhana ng mga pangyayari sa loob ng nobela. Kapansin-pansing hindi hinayaan ni Rizal na matuloy ang anumang rebolusyong binalak ni Simoun. Mahuhugot mula rito ang simpleng mensahe ni Rizal: Hindi gagana ang rebolusyon kung pinapaandar ito ng emosyon. Subalit, paano kung hindi na emosyon ang nagpapaandar sa rebolusyon bagkus ang tunay na panlipunang kamalayan ng mga naaapi, nasasantabi, at walang kapangyarihan? Papaburan ba ni Rizal ang rebolusyon? Hindi agad-agad. Mula sa kasaysayan, alam nating tinanggihan ni Rizal ang pamumuno, pagsali, o kahit pag-endorso man lamang sa rebolusyon ng KKK nang ipadala ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan kung saan ipinatapon si Rizal (Agoncillo, 1956). Simple ang naging dahilan: Hindi handa ang mga kawal ni Bonifacio dahil hindi sasapat ang armas nila laban sa armas ng mga Espanyol (Agoncillo, 1956). Paano kung handa na ang mga kawal para sa digmaang bayan? Papaburan na ba ni Rizal ang rebolusyon sa wakas? Hindi pa rin. Ayon kay Bonifacio Gillego (1990) sa kanyang pag-aaral sa rebolusyonaryong diwa ni Jose Rizal sa Requiem for Reformism: The Ideas of Rizal on Reform and Revolution, bagamat hindi agarang tinatanggihan ni Rizal ang rebolusyon, tinitignan niya lamang ang instrumentong ito ng panlipunang pagbabago bilang pinakahuling sandata. Ang unang sandata ay nararapat na mapayapang reporma pa rin. Sa gayon, maaari tayong magbalangkas ng sumusunod na mga pamantayan ni Rizal para sa panlipunang pagbabago mula sa itaas na pagsusuri: a) Mapayapang reporma muna at pagpapaigting ng panlipunang kamalayan gamit ang edukasyon; b) Kung hindi gumana ang mapayapang pakikitungo sa mga mapang-api, gamitin ang rebolusyon subalit gagamitin lamang ito kapag naisakatuparan na ang mga sumusunod na kundisyon:

1. Hindi ito pinapaandar ng simpleng emosyon; 2. May panlipunang kamalayan na at naiintindihan ng mga kasapi ng rebolusyon ang dahilan ng kanilang pag-aalsa; at 3. Handa na ang mga rebolusyonaryo at sapat na ang armas nila laban sa mga mapang-api.

Mga Batis Agoncillo, T. (1956). The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Quezon City: University of the Philippines Press. Constantino, R. (1970). Dissent and Counter-Consciousness. Manila: Erehwon. Gillego, B. (1990). Requiem for Reformism: The Ideas of Rizal on Reform and Revolution. Manila: Wall Street Communication & Marketing, Inc. Grant, T. (2005, June 24). Revolutionary Strategies: Maoism. Retrieved June 30, 2010, from Arms and Influence: The Political Uses of Violence, for Good or Bad: http://armsandinfluence.typepad.com/armsandinfluence/2005/06/revolutionary_s.html Rizal, J. (1891). El Filibusterismo. (V. Almario, Trans.) Quezon City: Adarna House, Inc.

You might also like