Ang pangalang Caloocan ay pinaniniwalaang nagmula sa salitang tagalog na lo-ok na tumutukoy sa mga bahaging katubigan (ng look ng Maynila) na kung saan tinatayang matatagpuan ito o di naman kaya ay sa istratehikong lokasyon nito na sulok, sa pagitan ng mga lumang bayan ng Tondo at Tambobong. (ngayon ay Malabon) Ang mga Espanyol ay tinatawag ang maliit na barrio bilang bahagi ng Tondo na Aromahan o Espina. Ito ay matatagpuan sa mababang lugar na tinatawag na libis, kaya karaniwang itong tinatawag na Libis Espina. Ang bahagi nito na may matabang lupa ay pag-aari ng mga paring Agustino at inukupahan ng tinatayang 500 naninirahan. Karamihan sa mga taong ito ay sa pag- aani ng pananim ang kinabubuhay, ngunit sa lapit nito sa katubigan, marami ang naging mangingisda, kaya tinawag ng isang alkalde ng lungsod na si Alejandro Fider na ang mga taga rito na, Sons of the Fishermen. Noong 1765, ang mga paring Agustino ang nagtatago ng unang simbahang Katoliko Romano sa may baryo pero, ang pamunuang pangrelihiyon ng Caloocan ay inilipat sa mga Recolletos noong 1814. Noong 1802, ang Caloocan ay nakikitaan ng pag-unlad kaya ng ito ay gawing bayan noong 1815, ang poblasyon o bayan ay naidugtong ito mula sa kanlurang bahagi ng look hanggang sa kasalukuyan nitong nasasakupan. Mayroong dalawang pangkabuhayang pag-unlad ang naging dahilan sa pag-usbong ng Caloocan. Una ay ang kalakalang Manila-Akapulko o Kalakalang Galyon. Kahit na masasabi nating agrikultura ang pangkabuhayang pinagmumulan ng pag-unlad ng Caloocan noong panahon ng mga Espanyol, marami sa mga naninirahan dito ay natuto ng ibat ibang pankomersyong- gawain gaya ng pagbuburda, paggawa ng lubid, pagmimina, at paggawa ng mga paso o mga banga. Ang mga produktong ito ay ginagawang panluwas at kumikita ng malaki sa Mexico sa pamamagitan ng Galyon. Ikalawa, ay ang pagbubukas noong Pebrero 23, 1892 ng Manila Railroad Companys Manila patungong Mabalacat, Pampanga na ruta ng tren at nang lumaon ay tumuloy patungong Dagupan sa may Pangasinan noong Nobyembre 23, 1982. Ang mga halagang probinsya ay naging malapit sa Caloocan, ang paglabas at pagpasok ng ibat-ibang produkto at mga tao ay naging mabilis at ang mga oportunidad na trabaho ay dumami. Ang pag-unlad ng Caloocan ay patuloy na umuusbong. Dalawang pangyayari pa ang nagbunsod para maging malubha ang epekto sa Caloocan. Noong ang mga Ingles ay sinakop at nanatili sa Maynila noong 1762, binuksan nila ang mga pinto ng bilangguan ng Intramuros at hinayaang makatakas ang mga preso nito. Base sa record ng kasaysayan, ang mga preso Kasama ang mga masasamang elemento ay nagkuta sa matataas na lugar ng Caloocan. Ito ay nagbunsod sa Caloocan upang dumanas ng kaguluhan at nagbunsod sa maudlot ang pag-unlad ng ekonomiya ng Caloocan. Ang Caloocan bago sumiklab ang Rebolusyon 1896 ay nagsilbing daanan ng mga rebolusyunaryo patungong halagang bahagi ng Luzon at ito din ay nagsilbing taguan ng mga katipunero dahil sa istratehikong mga burol nito. Ang Caloocan ay naging kanlungan ng mga Katipunero noong panahon ng rebolusyon, ilan sa mga katipunerong anak ng Caloocan ay sina Lorenzo Lupa at Andres Bato. Noong mabunyag ang Katipunan noong Agosto 19, 1896, si Andres Bonifacio ay ipinatawag ang kanyang kasama para sa pangkalahatang pagpupulong sa may Balintawak. Sila ay nagkita kita sa bahay na pag-aari ng anak ni Melchora Aquino na kilala bilang Tandang Sora at isinagawa ang isang pagpapatunay na pagtutol sa pamumuno ng mga Espanyol. Pinunit nila ang kanilang Sedula at sumigaw na Mabuhay ang Pilipinas! Ito ang naging kilala sa kasaysayan na Sigaw sa Pugadlawin. Noong 1901, ang mga Amerikano ay ginawang bahagi ang Caloocan ng probinsya ng Rizal. Maraming programa ang isinagawa sa munisipalidad at ang pinakamalaki sa mga ito ay sa larangan ng Edukasyon. Ang pagdating ng unang mga Thomasite o mga gurong Amerikano at pagtatatag ng mga pampublikong paaralan ay nagpataas ng kasanayang sa pagsusulat at pagbabasa ng 79% noong 1918. Ang ikalawang Digmaang pandaigdig at ang pananakop ng mga Hapon ay sumira sa ekonomiya ng di lamang ng Caloocan ngunit ng buong bansa. Ang pagtatapos ng digmaan at muling pagbuo ng bansa ay nagpakita ng kagitingan ng mga mamamayan ng Caloocan sa panahon ng digmaan. Ang dalawang batas, una ang pagbuo sa Quezon City at ang pagpapalawak ng hangganang teritoryo nito ang naging dahilan sa Pagkawala ng malaking bahagi ng Caloocan na napunta sa lungsod ng Quezon. Noong Hunyo 17, 1961 ang kongreso ay nagpasa ng R.A 3278, o mas kilalalanin bilang lungsod ang Caloocan. Noong Nobyembre 14, 1961 isang plebisito ang isinagawa kung saan mayorya ng mga bumoto ay sumang-ayon sa pagiging lungsod ng Caloocan. Bilang resulta ng nasabing plebisito, ang komisyon ng Eleksyon ay ipinoroklama ang munisipalidad ng Caloocan sa may probinsya ng Rizal na isang lungsod na epektibo sa petsang Enero 16,1962. Noong Pebrero 14, 1962, Si Pangulong Diosadado Macapagal ay nagpalabas ng proklamasyon bilang 9 alinsunod sa mahalagang probisyon ng R.A 3278 na nagdedeklara bilang pormal na lungsod ang Caloocan sa petsang Pebrero 16, 1962. Sa kasalukuyan, ang Caloocan ay binubuo ng 188 na barangay, 16 na sona at nahahati sa dalawang bahagi: ang halagang Caloocan at timog Caloocan. Ilan sa mga kilalang istruktura sa lungsod ay ang monumento ni Gat. Andres Bonifacio sa Grace Park, kung saan noong Nobyembre 30, 1929 ay nagsagawa ng patimpalak para sa disenyo base na rin sa panukala ni dating Pangulong Sergio Osmena noong Mayo 15, 1916 na magpagawa ng monumento para sa Supremo at si Guillermo Tolentino, ang nagwagi (pumangalawa si Juan Nakpil) ang naatasang magsagawa nito. Kilala ang Caloocan ngayon bilang Motorcycle Capital of the Philippines sa dami ng tindahan ng motorsiklo. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking barangay sa Pilipinas, ang barangay 176 o Bagong Silang na may kabuuang sukat na 598 na hektarya. Ang sagisag panlungsod ay may talang: makasaysayang lungsod ng Caloocan dahil sa bahaging ginampanan nito sa Kasaysayan ng Pilipinas.
Mga Sanggunian
Joaquin, Agapito M. 2 Golden Decades. 1971. Caloocan City Government. Reyes, Edgardo G. Kasaysayan ng Kamaynilaan. 1984. Metro Manila Commission. Fider, Alejandro A. Caloocan-A Historical Perspective. 1977. Caloocan A Tourism Office Chartered City of the Philippines: 1970-1971 Caloocan City Tourism Office
Si Marlon Lopez Silvoza ay nasa ikaapat na taon sa kursong Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon sa Kasaysayan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Ang hilig at interes sa disiplina ay Pilosopiya ng Kasaysayan, Historyograpiya, Okupasyon ng mga Hapon sa Pilipinas, at mga isyu sa kasaysayan ng Pilipinas.