You are on page 1of 3

MGA DAPAT MALAMAN SA

KAHALAGAHAN NG PAGPAPASUSO
Tuesday, 29 April 2014 10:55
Section: Gabay -
Gabay


GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
Ang salitang suso o dede ay tumutukoy sa pangharap na rehiyon ng pang-itaas na bahagi ng
katawan. Mayroong glandulang mamarya ang mga suso ng katawan ng mga babaeng
mamalya, naglalabas ng gatas na nagsisilbing pagkain ng mga sanggol sa pamamagitan ng
laktasyon.
Ang unang gatas, na tinatawag na colostrum(medyo kulay dilaw), ay kakaunti lang pero iyon
ang tamang dami para sa bagong sanggol. (Ilang kutsarita lang ang kayang lamnin ng
kanilang sikmura). Mayroon itong antibodies mga sangkap na galing sa katawan ng nanay
na magpoprotekta sa sanggol mula sa impeksiyon. Ito ay mahalaga para sa sanggol kumpara
sa anumang gamot.

Ang gatas ng ina ay mahalaga at pinakamahusay na uri ng gatas kayat nararapat lamang na
ito ay ibigay sa sanggol mula pagkasilang hanggang anim(6) na buwan na walang halong
pagkain, tubig o maging bitamina man. Itoy matipid, palaging presko, mainit-init at agad na
maiinom. Taglay ang lahat ng nutrisyon o sustansya na kailangan sa pagkahubog ng utak at
ibat ibang sistema ng katawan ng sanggol.
Tumutulong na protektahan ang mga sanggol laban sa pagtatae, pulmonya, at iba pang mga
sakit. Nagbibigay ng matagalang proteksiyon laban sa diyabetis, at mga kanser sa kalaunang
bahagi ng buhay ng sanggol. Mababawasan ang pagkakataon na magkaroon ng sakit sa tenga,
sipon at allergies at makakatulong laban sa SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ang gatas
galing sa suso ng ina ay madaling tunawin sa sikmura ng sanggol kumpara sa gatas galing sa
lata. Kaya ang mga napasusong sanggol ay hindi gaanong tinitibi o nagtatae kumpara sa mga
sanggol na nabigyan ng gatas galing sa lata. Ang mga napasusong sanggol ay hindi rin
gaanong nagkakaproblema sa pagsasalita at ang mga ipin ay diretso.
Ang pagpapsuso ay nakakatulong sa mga nanay para magpapayat ng mabilis, makakatulong
sa matres lumiit para bumalik sa dating sukat bago ng pagbubuntis, at tumutulong pahintuhin
ang pagdudugo pagkatapos ng panganganak. Tumutulong umiwas sa pagbubuntis sa ilang
buwan matapos manganak. Nagpoprotekta laban sa mga kanser at nakakabawas din ng
panganib na magkaroon ng osteoporosis (pagbabaluktot ng gulugod) at pagkabali ng
balakang sa darating na araw.
Ang pagpapasuso ay ang natural na paraan upang pakainin ang iyong sanggol. Nilalagay ang
sanggol na ligtas at mainit-init katabi ang nanay. Mas pinaglalapit ang nanay at sanggol na
magkaroon ng matibay at mapagmahal na relasyon. Magpasuso ng matagal para sapat na
mabigyang-kasiyahan ang iyong sanggol. Habang mas madalas ang pagpapasuso ng iyong
sanggol, maging mas marami ang iyong gatas. Madalas na pasusuhin ang iyong sanggol,
nang hindi kukulang bawat dalawang oras sa parehong araw at gabi sa mga unang ilang
linggo. Gamitin ang magkabilang suso sa bawat pagpapasuso. Malalaman mo kung sapat
ang nakakain ng iyong sanggol kapag mayroon siyang hindi kukulang sa 5 basang lampin
bawat araw, hindi kukulang sa 2 pagdumi bawat araw at ang iyong suso ay lumalambot
pagkatapos ng pagpapasuso. Dapat ipagpatuloy ang pagpapasuso hanggang dalawang(2) taon
o higit pa kasabay ng pagbibigay ng mga pagkaing may sangkap na masustansya at bitamina.
Ang mga botelya at mga pacifier ay nakakabawas sa dami ng gatas na magagawa mo.
Mahirap din itong linisin kaya kumakapit ang mikrobyo na sanhi ng pagtatae.
Ang mga sanggol na hindi napasuso ay may 10-15% ma-ospital bago dumating ang kanilang
unang kaarawan, at mas mataas ang panganib ng pagkataba, tipong 1 at tipong 2 na diyabetis,
kanser sa dugo (leukemia) at ang SIDS. Ang mga ina na hindi nagpasuso ay mataas ang
panganib na magkaroon ng kanser sa suso, sa matres, tipong 2 na diyabetis, atake sa puso at
metabolic syndrome (tanda ng mga sakit sa katawan).
Sa napakadalang na mga kaso na kulang ang nagagawang gatas ng nanay o kaya mahiwalay
ang nanay sa sanggol, puwedeng hilingin sa ibang nanay na pasusuhin ang sanggol.
Kailangang mag-HIV test siya para malaman kung ligtas gawin dahil naipapasa ang HIV sa
pagpapasuso. Puwede rin na gumawa ng timpla mula sa gatas ng hayop.
Ang inang nagpapasuso ay mas madalas mauhaw. Kaya uminom ng maraming tubig, juice at
gatas araw-araw. Limitahan ang mga inumin na may caffeine tulad ng kape, tsaa at mga soda
na may caffeine. Kumain ng sapat at masustansyang pagkain. Bawal ang droga, alak at
tabako. Kung kailangang uminom ng gamot, tanungin muna ang iyong doctor. Magpahinga
ng madalas.
Pananakit, pamamaga, pagbabara o impeksiyon sa suso. Minsan nababarahan ng gatas ang
duct (mga maliit na tubo sa loob ng suso na dinadaluyan ng gatas). Nagiging maga, mapula,
mainit, matigas at masakit ang suso habang nagpapasuso. Di kalaunan magkaroon ng lagnat
at puwedeng magsimula ang impeksiyon ng baradong daluyan.
Makakatulong ang mainit-init na basang damit o mainit na tubig pampaligo. Painit-initan ang
suso ng 15-20 minuto, ng di bababa sa 4 na beses bawat araw. O kaya maglagay ng may
kalamigang damit o dahon ng repolyo sa suso para maibsan ang pamamaga. Magpahinga at
damihan ang iniinom. Magpasuso ng di bababa sa tuwing 2 oras. Ligtas sa sanggol ang
pagsuso kahit may impeksiyon sa suso at ito ang pinakamainam na paraan na mapalabas ang
impeksiyon. Tiyakin na maganda ang posisyon sa pagpapasuso. Unahin muna ang
namamagang suso at hayaan ang sanggol na ubusin ang laman nito.
Sa bawat pagdaloy ng patak ng gatas na nagmumula sa ina, katumbas nitoy pintig ng
puso na nagbibigay buhay sa isang sanggol ani ni Kristine Mae Ledda (kmledda.blogspot.it)
- ni:Loralaine R. - FNA Rome
Sources: www.wikipedia.org, www.hmhb-hawaii.org, www.care1st.com,
www.fil.hesperian.org

You might also like