You are on page 1of 5

BABY DINAGIT NG MOTORSIKLO GANG

Armida Rico
Sinaklot ng takot at hanggang ngayo’y labis pa rin ang pag-aalala ng isang mag-anak makaraang
harangin sila ng tatlong kalalakihan na magkakaangkas sa
motorsiklo at tinangay ang kanilang sasakyan pati na ang
isang taong gulang na sanggol kahapon ng madaling-araw
sa Las Piñas City.
Nagsumbong sa pulisya sina Robinson Ramirez at Janice
Karen dela Cruz, parehong nasa hustong gulang at mga
residente ng No. 35 Satorre St., Imus, Cavite, kaya agad
namang inatasan ni Southern Police District (SPD) director
Chief Supt. Jaime Calungsod ang kanyang mga operatiba
para magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa
nasabing insidente ng carnapping at kidnapping.
Batay sa reklamo nina Ramirez at Dela Cruz, mga kaanak
ng batang dinukot na kinilalang si Ashton Rykhel Ramirez,
naganap ang insidente dakong alas-2:40 ng madaling araw
sa kahabaan ng J. Aguilar Avenue, Las Piñas.
Ayon kay Dela Cruz, kasama nila ang naturang sanggol at
sakay sila ng kanilang kulay maroon na Toyota Revo na may plakang WRH 916 at habang
binabagtas ang nabanggit na lugar, bigla silang hinarang ng tatlong kalalakihan na
magkakaangkas sa kulay pulang motorsiklo na walang plaka.
Sapilitang pinahinto ng mga suspek ang sasakyan at mabilis na binuksan ang pintuan saka
tinutukan ng mga dalang baril at patalim ang mga biktima at pinababa.
Pinaiwan ng mga suspek ang sanggol sa loob ng sasakyan at sumakay ang dalawa sa tatlong
kalalakihan saka pinaharurot ang Revo.
Agad namang nagtungo sina Ramirez at Dela Cruz sa Las Piñas City Police at ini-report ang
insidente.
Sa naging salaysay ni Ramirez, hindi umano nila nakilala ang mga suspek dahil pawang mga
nakasumbrero at may nakatakip na panyo sa mukha ng mga ito.
Kaugnay nito, agad namang inatasan ni Calungsod ang kanyang mga tauhan para magsagawa ng
masusing imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
AMPATUAN NATAKOT MAIKAHON!
Boyet Jadulco at Nonnie Ferriol
Natakot lamang umano ang kampo ni Datu Unsay Mayor
Andal Ampatuan Jr. na ‘maikahon’ sa Maguindanao
massacre kung kaya’t hindi na ito maghahain pa ng counter-
affidavit sa kinakaharap na multiple murder case.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, hindi isang pagsuko kundi
taktika lamang ng abogado ni Ampatuan na huwag nang
magsumite ng counter-affidavit upang kontrahin ang mga
isinumiteng testimonya at ebidensiya ng prosekusyon.
“Kapag nagsumite kasi sila ng counter-affidavit at mayroon pa palang hahabol na mga witness
laban sa kanila, hindi na sila makakapagmaniobra, makakahon na sila doon,” paliwanag ni
Lacson.
Sinabi pa nito na hindi maituturing na sumusuko na ang abogado ni Ampatuan Jr., si Sigfrid
Fortun, at gagawing sacrificial lamb ang mayor ng Datu Unsay, Maguindanao dahil tactical
move lamang ang ginawa nito sa preliminary hearing kahapon sa Department of Justice (DOJ).
“Ang tunay na laban diyan sa Quezon City Regional Trial Court,” dagdag pa ni Lacson.
Kabilang sa mga ebidensiyang nalikom ng prosekusyon ay ang testimonya ng mga testigo, mga
narekober na high-powered firearms, amunisyon, mga sasakyan kabilang na ang ginamit na
backhoe sa paghuhukay ng pagbabaunan ng 57 kataong minasaker sa burol ng bayan ng
Ampatuan.
Hindi rin maiwasan ni Lacson na mainis sa ekspresyon ng mukha ni Ampatuan habang
nakasalang sa preliminary investigation ng DOJ dahil parang hindi nito pinagsisisihan ang
ginawa sa mga inosenteng tao, kabilang na ang tatlumpung mamamahayag.
Samantala, kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang gobyernong Arroyo dahil sa halip
umanong kasuhan na ang mga Ampatuan, sa nadiskubreng mga bulto ng matataas na kalibre ng
baril na may tatak pa na “Government Arsenal DND” at mga bala, ay halatang natatakot ang
Malacañang sa pagsasabing masusi pa nila itong sisiyasatin at isasailalim sa “paraffin test”.
“’Di na kailangan ng ‘paraffin test’ sa supplier ng mga armas na hawak ng mga Ampatuan,
malinaw na gobyernong Arroyo ang nagbigay gaano man nila baluktutin ang imbestigasyon,”
ayon sa pahayag ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Ayon sa KMU ang mga armas na nadiskubre sa mga Ampatuan ay malinaw na galing sa
gobyernong Arroyo at ito ay ibinigay bilang pasasalamat ng administrasyon sa pagpapanalo sa
kanila ng mga Ampatuan.
“Inamin na ito ng mismong berdugong si Maj. Gen. Jovito Palaparan, kaya ano pa’ng saysay ng
imbestigasyon nila?” ayon pa kay Solut
Pacquiao NP na!
(Boyet Jadulco/Bernard Taguinod)
Tinuldukan na ng Pambansang Kamao ang mga pahulaan kung kanino ito kakampi pagdating ng
2010 elections nang manumpa ito bilang
pinakabagong miyembro ng Nacionalista Party (NP)
na nagdadala sa kandidatura nina Sen. Manny Villar at
Sen. Loren Legarda.
Nagbunyi naman ang buong NP sa pagpili ni Manny
Pacquiao sa kanilang partido dahil malaki umano ang
maitutulong ng Pambansang Kamao sa kandidatura ni
Villar sa presidential race.
Pinanumpa na ni Villar si Pacquiao, kandidatong
congressman sa Sarangani kasama ang lokal na
partido nitong People’s Champ Movement, sa
mansion ng Pambansang Kamao sa General Santos kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-31
kaarawan nito na ginanap sa KCC Events and Convention Center na dinaluhan ng 2,000
panauhin kabilang si Villar.
“Manny Pacquiao, who has thrown his best punches to hoist our country’s pride and honor, is a
deeply valued partner in our campaign to help keep our people from being knocked out by
extreme hardships,” pahayag ni Villar.
Ipinaliwanag naman ni Pacquiao na kaya pinili niyang suportahan si Villar sa halip na ang
presidential bet ng administration party na si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, ay dahil
pareho silang galing sa mahirap na pamilya.
“Talagang nanggaling siya sa hirap, at kung tutuusin, galing din ako sa hirap gaya niya. Siya ang
karapat-dapat suportahan dahil alam niya ang damdamin ng mga mahihirap. Ito ay pabor sa atin,
ang damdamin ng mahihirap, alam niya ‘yan,” paliwanag ng Pambansang Kamao.
Sa kanyang pagsalita, ipinakilala ni Pacquiao si Villar bilang “upcoming president” ng Pilipinas
at pagkatapos ay hiniling nito sa NP standard bearer na siyang bumunot para sa winner ng brand-
new car na pina-raffle ng no. 1 pound-for-pound boxer sa mundo.
Kaugnay nito, kapwa inihayag nina NP spokesman Gilbert Remulla at Ilocos Norte Rep.
Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kasama rin ni Villar na dumalo sa birthday ng boxing icon,
na nakapahalagang personalidad ni Pacquiao sa kanilang partido.
“Manny Pacquiao, just like senator Manny Villar, came from very humble origins. Just like
Senator Villar crawled his way up to being a big success,” pahayag ni Remulla sa text message.
Para naman kay Marcos, panalo ang NP sa pagpili ni Pacquiao na sila ang sasamahan sa 2010
elections dahil inspirasyon ito, hindi lamang ng sambayanang Filipino kundi ng buong mundo.
Walang takot na hukom!
(JB Salarzon/Rose Miranda)
Hindi natatakot si Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes na
litisin ang mga kasong multiple murder laban sa
mga Ampatuan lalung-lalo na kay Datu Unsay,
Maguindanao Mayor Andal Jr., ang pangunahing
suspek sa pagmasaker ng 57-katao noong
Nobyembre 23.
“She considers this as one of her ordinary
cases...My understanding when Judge Reyes said
that she does not need any security, that’s an
absolute refusal,” ayon kay Honorable Vivencio
Baclig, 3rd Executive Judge QCRTC.
Si Baclig, kasama ni QCRTC 1st Executive Judge
Fernando Sagun ay nagsagawa ng inspeksyon kahapon sa Camp Crame sa posibleng pagdausan
ng pagdinig sa mga kasong murder laban sa mga Ampatuan.
Bagama’t buo ang loob ni Solis-Reyes, sinabi ni Baclig kanila pa ring irerekomenda sa kapwa
nila hukom na magkaroon ng security. “I will recommend especially so that she will be having
her staff also,” ani Baclig.
Sa Malacañang, hindi naman naitago ni Presidential Adviser on Economic Affairs Gary Olivar
ang paghanga sa lady judge dahil sa matapang nitong pagtanggap sa hamon na dinggin ang
nasabing kaso at pagtanggi sa security escorts.
“Well, it simply said that Judge Reyes is clearly more ready to face the risk, compared to the
judge who earlier begged off. So we wish the lady judge more power and good luck as she takes
in her new assignment. We are, we are especially impressed that she has already indicated that
she doesn’t think, she will be needing personal security so we take an auspicious heart to what
we hope will be a fair, impartial and speedy rending of justice on this event,” ani Olivar.

PILIPINAS TUMAPOS NA PANLIMA


VIENTIANE, Laos --- Magkahiwalay ng sinakyang eroplano
ang mga Filipino athletes nang magtungo rito. Ito’y bunga ng
hindi pagkakaunawaan ng mga lider ng Philippine Olympic
Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC).
Dala ng mga atleta ang agam-agam sa kanilang pagsabak sa
25th Southeast

Asian Games -- pero, sa kabila nito, ipinakita ng mga pambato


na hindi maaaring pumagitna ang alitan sa kanilang kampanya.
Sa halip, kinalimutan muna nilang may nagaganap na awayan
sa kanilang mga lider.
At sa kanilang pag-uwi ngayon (ang ibang atleta’y nagsiuwi na
kahapon), taas-noo pa rin ang mga pambansang atleta, dahil
bitbit nila ang 38 golds, 35 silvers at 50 bronzes at sapat para
tumapos na panlima ang bansa sa overall standings.
Ang Thailand ang overall champion sa kinanang 86 golds,
habang ang Vietnam ay nasa ikalawang puwesto (83 golds).
Ang athletics ang may pinakamalaking produksiyon sa
kinulektang 7 golds, 3 silvers at 4 bronzes. Umangat mula sa 5- Hinataw ni Cecil Mamiit ang
7-9 medal tally noong 2007 SEAG. bola pabalik sa kalabang
Kabilang sa mga humablot ng ginto sa athletics sina: Rene kababayang si Treat Huey sa
Herrera, 3,000-meter steeplechase (men); Arniel Ferrera, finals ng men’s singles tennis
hammer throw (men); Rosie Villarito, javelin throw (women); match ng 25th SEA Games sa
Danilo Fresnido, javelin throw (men); Marestella Torres, long Vientiane. (AFP)
jump (women); Jho-An Banayag, marathon (women) and
Eduado Buenavista, marathon (men).
Mula naman sa nakakadismayang one-gold performance noong 2007 sanhi ng pagwo-walkout ng
men’s team, bumawi ang boxing team at sa pagkakataong ito’y sumuntok ng 5 golds, 1 silver at
3 bronzes. Tatlo sa mga ginto ay mula sa women boxers sa katauhan nina Annie Albania
(flyweight), Alice Aparri (light-fly) at Josie Gabuco (pinweight). Habang sina Bill Vicera at
Charly Suarez naman sa men’s division ang gold medalists.
Umangat din ang taekwondo mula sa isa’y naging apat, mula kina Tshomlee Go, featherweight
(men); Alexander Briones, heavyweight (men); Rani Ann Ortega, Camille Alarilla, Janice
Lagman, poomsae team (women) at Mary Antoinette Rivero, welterweight (women).
Mayroon ding apat na silver at 4 bronze medals ang taekwondo bets.
Apat na ginto lamang ang nalangoy ng RP swimmers mula sa 2007 na walo. Dalawa mula kay
Miguel Molina (200 at 400m IM), may isa si Ryan Arabejo (1,500m freestyle) at isa rin mula
kay Daniel Coakley (50m freestyle).
Nanggulat naman ang wrestling dahil sa kontribusyon nitong 3-2-3 gold-silver-bronze medals.
Sumablay ang mga pambato sa men’s 9-ball billiard events, gayunpaman, tumumbok pa rin ng 3
golds, 1 silver at 2 bronzes. Ang golds ay mula kina Rubilen Amit (9 at 8 ball) at Ronnie Alcano
sa men’s 8-ball.
At panghuli, may tig-dadalawang golds ang wushu, judo, golf at tennis.
Mayweathers puro daldal
Zaldy Perez

Halos araw-araw may inilalabas na isyu ang kampo ni Floyd


Mayweather Jr. na ewan kung apektado naman si Manny
Pacquiao.
Sa halos araw-araw na ginawa ng “Diyos” eh may hinihiling
ang mga Mayweather mula nang aprubahan ni Pacquiao ang
laban nila na itinakda sa March 13.
Ang lugar na pagdarausan ng laban ay hindi pa
napagpapasyahan kung sa $1.2 billion Dallas Cowboy’s
stadium o sa MGM Grand sa Las Vegas.
Although kahapon nga may lumabas sa mga pahayagan na
tila pinapaboran ng Pacquiao at Mayweather camps ang Las
Vegas.
Anyway, ang unang hiling ng Mayweather camp ay
sumailalim sa isang Olympic-type drug testing si Manny,
dahil sa pagpupumilit ni Floyd Sr. na tumitira ang world’s
best pound-for-pound ng performance enhancing drugs.
Ewan ko dito sa matandang Floyd kung bakit ganoon na
lamang ang pagdududa, gayung ilang ulit nang napatunayan
bago at matapos ang laban na negatibo si Manny sa kanyang ibinibintang.
Eto pa ang isang matindi, nanakot pa si Floyd Jr. na hindi itutuloy ang laban dahil sa weight
issue.
Matatandaan na pumayag si Pacquiao na itaya ang kanyang WBO welterweight title sa catch
weight na 147 pounds.
Kung sosobra sa nasabing poundage si Mayweather ay magbabayad siya ng mas malaking
halaga kesa sa binayaran nito na $600,000 noong maglaban sila ni Juan Manuel Marquez.
Gusto daw ni Floyd Jr. na magkaroon na maluwag na pamantayan sa weight issue.
Naku ha! Sabi nga ng Team Pacquiao sa pangunguna ni trainer Freddie Roach, ano bale?!
Bukod dito nagsuhestyon pa nga daw ang Mayweather camp na magkaroon ng in-between fights
sa Marso, na kung saan sasagupain ni Pacquiao si WBO light middleweight champ Yuri
Foreman at si Mayweather naman kontra kay Matthew Hatton na kapatid ni Ricky Hatton.
Ewan ko ba dito sa mga Mayweather, eh naitakda na ang laban nila ni Pacquiao pero kung anu-
ano pa ang gustong mangyari.
Sa totoo lang, sa mga pinaggagagawa ng Mayweather camp, lalo tuloy silang nahahalata na
mamamatay sila sa takot kay Pacquiao.
Aba, eh nanakot pang hindi itutuloy ang laban! Kung ako kay Pacquiao i-call ko ang kanilang
sinasabi nang makita nila ang kanilang hinahanap.
Eh si Pacquiao wala ng patutunayan sa boksing at pati sa pera ay sandamakmak na ang naipon ni
Pacman.
Kunwari pa ang mga lokotoy, gayung kanda-utal sila sa tumataginting na perang kanilang
kikitahin sa nakatakdang laban.

You might also like