You are on page 1of 6

KABANATA I ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO 1.

Introduksyon Ang pagtutuos, kontadurya, o


akawnting ay ang larangan at pamamaraan ng pagsusuri ng mga ari-arian at mga pananagutan, pati
na ng pagtutuos ng mga kita, resulta, at kalagayan o katayuan ng isang negosyo. Tinatawag na
tagapagtuos, kontador, o tenedor de libro ang taong bihasa sa larangang ito (Gaboy). Ang
kasaysayan ng pagtutuos ay kasing tanda ng sibilisasyon. Ito ang pinakamahalagang kasanayan sa
ekonomiya at pag-unlad ng kultura. Ang mga nagtutuos ang umimbento ng sisitema ng pagsusulat,
gumawa ng pera at pagbabangko, at nagpasigla sa Italian Renaissance (www.wikipedia.com). Ito ay
unang nakita sa panahon ng pag-usbong ng Mesopotamia. Nilikha ng mga ekonomista ng panahong
iyon ang larangang ito upang gamitin sa pagpapaunlad ng sistema ng kalakalan at piskal. Nakita rin
ang larangang ito sa mga banal na aklat gaya ng Quran at New Testament of the Christian Holy
Bible (Crest Capital). Noong 1494, sinulat ni Luca Pacioli, isang Italyanong monghe, ang Summa de
Arithmetica. Ito ang kauna-unahang libro na isinapubliko na nakatuon sa pag-aaral ng double-entry
bookkeeping. Ito rin ang nagbunsod ng malawakang paglaganap ng sistema ng pagtutuos sa buong
mundo. Dahil dito, siya ang itinuturing na Father of Accounting. Maituturing na napakahalaga ng
pagtutuos sa ating lipunang ginagalawan. Dahil dito, mabisang nailalahad ang tunay na kalagayan
ng isang negosyo, malaki man o maliit, at ng ekonomiya, Sa tulong ng mga tagapagtuos,
naihahanda ang mga ulat pampinansyal ng mas malinaw, kumprehensibo, makatotohanan, at
kumpleto. Ngunit upang maipasa ang asignatura o kursong ito, ang bawat mag-aaral ay dapat
munang makalampas sa ibat ibang pagsusulit. Dito ay sinusubok ang kakayahan ng mga mag-aaral
kung ano ang mga natutunan nila sa larangang ito.
Samantala, may mga kagamitang ginagamit sa pag-aaral ng pagtutuos na
may kanya-kanyang kahalagahan, hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi maging
sa mga guro. Mga ito ay tulad ng ibat ibang uri ng papel gaya ng journal
at worksheet, lapis, bolpen, mga libro, kwaderno, pisara, mga makabagong
teknolohiya tulad ng calculator at computer (Valencia at Roxas, 2009).
Hindi din mawawala ang mga silya at upuan na pinakamahalaga sa isang
silid-aralan sa kahit anong antas at uri ng edukasyon (Hertz Furniture
System). Samakatwid, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang mga
suliranin sa pasilidad sa larangan ng Pagtutuos na unti-unti nang
umuusbong dahil ito ay maaaring maging sanhi ng hindi pagkatuto ng mga
mag-aaral at pagkawala ng kanilang interes sa nasabing kurso o asignatura.
2. Layunin ng Pag-aaral Ang pamanahong-papel na ito ay naglalayong magbigay ng impormasyon
ukol sa epekto ng paggamit ng kapos na desk sa pag-aaral ng asignaturang pagtutuos at
naglalayong matugunan ang mga sumusunod na katanungan: 1. Anu-ano ang mga opinyon,
hinaing, at saloobin ng mga estudyante ng pagtutuos sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela
hinggil sa kapos na desk na kanilang ginagamit? 2. Papaano nakakaapekto ang paggamit ng kapos

na desk sa pagkatuto ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong pagtutuos sa nasabing


Pamantasan? 3. Nabibigyan ba ng karampatang atensyon ang mga suliranin ukol dito? 4. Paano
matutugunan ang mga problemang ito?

3. Kahalagahan ng Pag-aaral Ang pananaliksik na ito ay mahalaga, hindi lamang para sa mga
estudyanteng kumukuha ng kursong Pagtutuos, kundi pati na din sa mga estudyanteng nag-aaral ng
asignaturang pagtutuos. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, malalaman ang epekto ng paggamit
ng kapos na desk sa mga mag-aaral ng kursong Pagtutuos sa nasabing Pamantasan. Sa tulong din
nito, mapapalawak ang kaisipan ng mga mambabasa ukol sa mga problemang kalimitang hindi
pinapansin at pinagwawalang bahala. Dito din mailalabas ng mga estudyante ng kursong Pagtutuos
ng nasabing Pamantasan ang kanilang saloobin, opinyon, at hinaing hinggil sa paggamit ng kapos
na desk sa pag-aaral ng asignaturang pagtutuos. Bukod dito, magkakaroon ng ideya ang mga
mambabasa ukol sa angkop na sukat at hugis ng desk para sa pag-aaral ng asignaturang
pagtutuos. Sa kabuuan, inaasahan ng mga mananaliksik na mabuksan ang isipan ng mga
mambabasa ukol sa suliraning ito at mabigyan ng karampatang solusyon para sa kabutihan ng mga
estudyanteng nag-aaral ng asignaturang pagtutuos, hindi lamang sa kasalukuyan, kundi pati na rin
sa susunod pang henerasyon.
4. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral Ang pag-aaral na ito ay patungkol sa epekto ng paggamit ng
pasilidad na hindi epektibo, partikular na ng kapos na desk, sa pag-aaral ng asignaturang pagtutuos.
Ito ay sumasaklaw sa mga estudyanteng nasa una at ikalawang taon sa kursong Pagtutuos ng
Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela at sa ikalawang semestre ng akademikong taon ng 20102011. Nalimitahan ang pag-aaral na ito sa mga una at ikalawang taon lamang na kumukuha ng
kursong Pagtutuos sa nasabing Pamantasan sapagkat higit nilang kailangan ang maayos, epektibo,
at sapat na pasilidad na makatutulong upang kanilang malinang nang mabuti ang angking talino sa
larangan ng pagtutuos. Naniniwala ang mga mananaliksik na sa pamamagitan ng pag-aaral na ito,
mabubuksan ang isipan ng mga mambabasa sa suliraning ito na kalimitan ay hindi pinapansin. Sa
pamamagitan nito, umaasa ang mga mananaliksik na matugunan ang balakid sa mabilis na
pagkatuto ng mga mag-aaral sa asignaturang pagtutuos.
5. Depinisyon ng mgaTerminolohiya Upang mas lalong maunawaan ng mambabasa ang
pamanahong-papel na ito, narito ang ilang mga terminolohiya at ang kanilang kauukulang
depinisyon na binatay sa pagkakagamit: Ang chronic pains ay ang pagkirot o pagsakit ng parte ng
katawan ng paulit-ulit sa maiksing panahon (www.wikipedia.org). Ang desk ay isang uri ng mesa na
kadalasang ginagamit sa opisina para sa pagbabasa at pagsusulat. Ito rin ay kadalasang may
tukador upang paglagyan ng mga papeles sa opisina (www.wikipedia.com). Ang double-entry

bookkeeping ay isang paraan ng pagtatala ng transaksyon kung saan dalawang bagay ang
naganap; ang nakuha at ang ibinigay (www.investorsword.com). Ang journal ay isang pang arawaraw na talaan ng pangyayari sa negosyo. Ito ay may ibat ibang sukat. (www.wikipedia.com) Ayon
naman kay Charles Wriothesleys Chronicle (1538), ang ledger ang pangunahing talaan ng mga
transaksyon. Ito ay maihahambing sa isang bibliya sa isang simbahan na maaaring basahin
ninuman. Ang muscle spasm ay ang pangangalay o pulikat na nararamdaman ng isang tao na
lubhang masakit( www.medicinenet.com). Sa pagtutuos, ang worksheet ay isang papel na may ibat
ibang sukat. Ito ay ginagamit sa pag-uulat ng katayuan ng negosyo sa ekonomiya
(www.wikipedia.com).

KABANATA II MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA Marami nang nailunsad na mga


pananaliksik ukol sa epektong dulot ng paggamit ng mga pasilidad at kagamitan na hindi
nakatutugon sa pangangailangan ng mga tao sa ibat ibang larangan. Batay sa pagaaral ni
Penelope Trunk ng Brazen Careerist, isang ahensyang nag-uugnay sa mga malalaking kumpanya,
ang pagkakaroon ng maayos at maluwang na espasyo ay nakatutulong upang ang isang tao ay mas
makapag-isip. Sa isa pang pananaliksik na kanyang ginawa, lumalabas na ang mga nagtatrabaho
sa opisina na may malilinis at maayos na desk o workplace ang siyang kalimitang nagiging
matagumpay sa buhay. Ang istruktura at katangian ng isang workplace ay maaring makadagdag o
makabawas sa stress at pagod na naramdaman ng isang tao. Ang kaisipang ito ay nabanggit din sa
isang pag-aaral ng European Agency for Safety and Health at Work, isang grupo na
nakikipagtulungan sa gobyerno ng Europe upang masiguro ang kaligtasan ng mga trabahador ng
ibat ibang kumpanya. Ayon sa kanilang grupo, ang maayos at epektibong pasilidad ay may
positibong epekto sa pagiging produktibo ng isang tao. Ito rin ay nakatutulong upang malinang ng
isang tao ang kanyang kakayahan sa ibat ibang larangan. Ang mga prinsipyong ito ay may
kaugnayan din sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ayon sa Hertz Furniture Systems, isa sa mga
pangunahing furniture manufacturer sa buong mundo, ang pag-upo sa upuan at paggamit ng desk
ay bumubuo sa 78% ng kabuuang oras na inilalagi ng isang estudyante na may edad labingtatlo
(13) hanggang labingwalo (18) sa kanyang silid-aralan. Dahil dito, kinakailangan ang masusing
paggawa sa mga upuan at lamesa upang maging komportable ang mga gagamit nito. Kinakailangan
ding ikonsidera ang taas, lapad, at hugis ng lamesa na gagamitin ng mga estudyante dahil ito ang
magsisilbing workspace nila para sa isang buong akademikong taon. Tunay na mahalaga ang
pagkakaroon ng epektibong pasilidad sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang kakulangan nito ay
mayroong negatibong epekto sa pagkatuto ng mga estudyante ayon kay Professor Andam (2007) ng
Kwame Nkrumah University of Science and Technology. Sa kanyang pag-aaral, lumalabas na ang
mga mag-aaral sa paaralang may kakapusan sa maayos at angkop na pasilidad ay mayroon lamang
maliit na tsansa upang magtagumpay at makapasa sa mga pangunahing eksaminasyong
pangnasyonal. Ito ay tinalakay din ni K. May (2010) sa isa sa kanyang mga ulat. Ayon sa kanyang
pagaaral, ang pagkakaroon ng maliit na silid-aralan ay isang malaking problema ng mga guro.

Kinakailangan nilang masiguro na ang mga aktibidad na kaugnay ng kanilang aralin ay matagumpay
na maisasagawa sa desk ng bawat estudyante. Dahil rito, ang mga proyekto na nangangailangan ng
malaking espasyo na mas makakatulong sa mabilis na pagkatuto ng isang estudyante ay
isinasakripisyo. Bukod pa diyan, nahihirapan ang mga estudyante na ituon ang kanilang atensyon sa
talakayan kung ang kanilang mga silya ay lubhang magkakadikit. Sa Pilipinas, ang ganitong uri ng
problema ay laganap na. Sa isang ulat ni Marites Sison sa pahayagan ng Inter Press Service, isang
ahensyang naglalayong maipakalat ang mga suliranin ng ibat ibang bansa, inilahad niya ang
problema sa kakapusan ng mga gamit at pasilidad sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Sa
kanyang ulat, sa 405,973 bilang ng mga guro sa pampublikong paaralan na sinarbey, 45% sa kanila
ang nagsabing sila ay nagdadala ng sarili nilang lamesa at 43% naman ang nagdadala ng sarili
nilang upuan. Naisiwalat din sa kanyang ulat ang suliranin ng dalawamput anim (26) na mahihirap
na probinsya ukol sa dami ng libro ng bawat paaralan. Ayon sa kanya, mayroon lamang isang libro
sa bawat anim na estudyante sa elementarya at isang libro naman sa bawat walong estudyante sa
hayskul. Ang ganitong sistema ng edukasyon ay maraming naidudulot na negatibong epekto. Ang
problemang ito ay tinalakay din nina Igaya, et. al ng Angat National Highschool. Ayon sa kanilang
pananaliksik, napakahalaga para sa isang paaralan na magkaroon ng isang kumpleto at dekalidad
na pasilidad at kagamitan sapagkat kung wala ang mga bagay na ito, hindi magagawa at mapagaaralan ng mga mag-aaral ng mabuti ang kanilang leksyon. Kung ang isang paaralan ay mayroong
kumpletong pasilidad at kagamitan, tiyak na ang mga mag-aaral ay magkakaroon ng maayos na
pagkatuto.
Masasabing ang suliranin sa kakulangan ng pasilidad ay dapat pagtuunan
ng pansin. Ito ay nabanggit din ni Yvonne Chua, isang mamamahayag na
nagwagi ng Ninoy and Cory Fellowship Award for Journalism. Ayon sa
kanya, ang bulok na sistema ng edukasyon at ang kakulangan sa pasilidad
ang dahilan kung bakit karamihan sa mga fresh graduates ay hindi handa sa
komplikadong mundo.
Isa pang pangunahing problema ng mga estudyante ay inilahad ni M.K. Holder, Ph.D., Executive
Director ng Handedness Research Institute, isang samahang sumusugpo sa diskriminasyong
natatanggap ng mga left-handed students. Sa kanyang pag-aaral, 10% hanggang 30% ng mga
mag-aaral ay nakakaranas ng ibat ibang problemang kaugnay ng kanilang paggamit ng desk. Isa na
dito ay ang pagiging kaliwete ng isang estudyante. Dahil hindi pa laganap ang mga left-handed
desks sa buong mundo, ang mga estudyanteng kaliwete ay nagtitiyaga sa mga ordinaryong desk na
hindi angkop sa mekanismo ng kanilang katawan. Dahil dito, sila ay nakakaranas ng muscle spasm,
chronic back and head pains, at iba pang sakit. Nagiging balakid din ito upang matapos nila ang
kanilang pagsusulit dahil bumabagal magsulat ang mga kaliwete sa mga lamesang hindi angkop
para sa kanila. Ayon naman sa pananaliksik nina Khanam, Reddy, at Mrunalini ng Acharya N G

Ranga Agricultural University na pinamagatang Opinion of Students on Seating Furniture Used in


Classroom (2006), mula sa 10 respondente ng bawat kolehiyo na may kabuuang bilang na 100
respondente ng nasabing unibersidad, karamihan sa mga estudyante ang nagsabing hindi sila
komportable sa mga upuang may arm tablet. Pansinin ang susunod na larawan.
Larawan 1. Modelo ng isang upuang may arm tablet Ayon din sa kanilang pag-aaral, 80% ng mga
respondente ang nagsabing sila ay magiging komportable lamang kung ang arm tablet na kanilang
gagamitin ay may habang 300-305 milimetro o humigit-kumulang 12 pulgada. Dagdag pa nila,
karamihan sa mga gumagamit ng ganitong uri ng upuan ay nakakaranas ng muscle pain sa kanilang
balikat, siko, braso, at iba pang parte ng katawan. Bukod pa diyan, ang footrest ng ganitong uri ng
upuan ay hindi gamitin ng mga estudyante dahil ito ang nagsisilbing lagayan ng kanilang mga gamit
gaya ng libro. Samantala, 100% naman ng mga respondente ang nagsabing sila ay mas
komportable sa disenyong magkahiwalay ang lamesa at upuan. Pansinin ang sunod na larawan.
Larawan 2. Disenyo na magkahiwalay ang lamesa at upuan Mula sa kabuuang bilang ng mga
respondente, 90% ang nagsabing sila ay komportable sa ganitong disenyo na ang karaniwang sukat
ng lamesa ay 750 milimetro o 29 na pulgada ang lapad, haba na 690 milimetro o 27 pulgada at taas
na 755 milimetro o 30 pulgada. Sa ganitong disenyo, mas mababa ang lebel ng distraksyon at mas
maayos na nakakagawa ang mga estudyante batay sa kanilang pansariling karanasan. Sa
paglalahat, inilahad nila na karamihan sa mga classroom furniture ay hindi angkop sa mga
estudyante at kanilang inirekomenda na ayusin ang disenyo ng mga funiture upang ito ay maging
user-friendly. Mapapansin natin na ang mga pag-aaral na nabanggit ay patungkol lamang sa
epektong dulot ng paggamit ng mga pasilidad sa kalinangan ng tao, partikular na sa mag-aaral, sa
kabuuan. Wala sa mga nabanggit ang patungkol sa epektong dulot ng kapos na sukat ng desk sa
pag-aaral ng pagtutuos. Dahil dito, maari nating masabi na ang pananaliksik na ito ay isang
panimulang pag-aaral sa epekto ng paggamit ng kapos na sukat ng desk sa pag-aaral ng pagtutuos
sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.
KABANATA III DISENYO AT PARAAN NG PANANALIKSIK 1. Disenyo ng Pananaliksik Ang pagaaral na ito ay isinagawa ayon sa disenyo ng pamaraang deskriptib-analitik na pananaliksik.
Tinangkang ilarawan at suriin sa pag-aaral na ito ang damdamin at opinyon ng mga respondente
hinggil sa kakapusan ng sukat ng mga desks at kung ano ang epekto nito batay sa kanilang
pansariling pananaw.
2. Mga Respondente Ang mga piniling respondente para sa pag-aaral na ito ay ang mga mag-aaral
sa una at ikalawang taon ng kursong Pagtutuos sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela sa
ikalawang semestre ng taong-akademiko 2010-2011. Sa kasalukuyan, may dalawang (2) pangkat ng
mga estudyante sa nasabing kurso: tatlong grupo sa unang pangkat at isang grupo sa ikalawang
pangkat. Kumuha ng tig-dadalawamput limang (25) respondente sa bawat grupo sa unang pangkat
at dalawamput limang (25) respondente naman mula sa ikalawang pangkat sa pamamagitan ng
random sampling upang magkaroon ng pantay na representasyon ang bawat pangkat. Sa kabuuan,

may pitumput limang (75) respondente mula sa unang pangkat at dalawamput limang (25)
respondente mula sa ikalawang pangkat na bumubuo sa isandaang (100) respondente. Pansinin
ang kasunod na talahanayan:

Talahanayan 1 Distribusyon ng mga Respondente Seksyon Unang Taon Ikalawang Taon Kabuuang
Dami 1 25 25 50 2 25 --- 25 3 25 --- 25 Kabuuang Dami 75 25 100
Pinili ng mga mananaliksik ang mga respondente sa una at sikalawang semester sapagkat sila ang
pinakamadaling makatutugon sa mga pangangailangan sa pamanahong-papel na ito at upang
magkaroon ng pantay na representasyon ang bawat taon. Sa kasalukuyan, wala pang ikatlo,
ikaapat, at ikalimang taon mag-aaral sa kursong Pagtutuos sa Pamantasan ng Lungsod ng
Valenzuela dahil katatatag pa lamang ng nasabing kurso noong taong 2009.
3. Instrumentong Pampananaliksik Ang pag-aaral na ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng
pagsasarbey. Ang mga mananaliksik ay naghanda ng isang sarbey-kwestyoneyr na naglalayong
makapangalap ng mga datos upang malaman ang damdamin at opinyon ng mga respondente
hinggil sa kakapusan ng sukat ng mga desks na kanilang ginagamit sa pag-aaral ng asignaturang
pagtutuos. Nilalayon din nitong malaman ang epekto ng kakapusan ng sukat ng mga desks batay sa
pansariling pananaw ng mga respondente. Nagsagawa din ng pangangalap ng mga impormasyon
ang mga mananaliksik sa ibat ibang hanguan sa aklatan katulad ng mga aklat at pamanahongpapel upang makakuha ng mahahalagang impormasyon at makatotohanang datos. Kumuha rin ang
mga mananaliksik ng ilang impormasyon sa internet.
4. Tritment ng mga Datos Dahil ang pamanahong-papel na ito ay isang panimulang pag-aaral
lamang at hindi naman isang pangangailangan sa pagtatamo ng isang digri tulad ng tisis at
disertasyon, walang ginawang pagtatangka upang masuri ang mga datos sa pag-aaral na ito sa
pamamagitan ng matataas at kompleks na istatistikal na pamamaraan. Bilang o dami lamang ng
mga pumili sa bawat pagpipilian ng bawat aytem sa kwestyoneyr ang inalam ng mananaliksik.
Samakatwid, ang pagta-tally at pagkuha ng porsyento lamang ang kinakailangang gawin ng mga
mananaliksik. Dahil sa hindi kalakihang bilang ng mga respondente, naging madali para sa mga
mananaliksik ang pag-tally at pagkuha ng porsyento.

You might also like