Professional Documents
Culture Documents
Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema
ko, siya ang tinatakbuhan ko. Yun nga lang, kapit sa patalim sabi nga nila. Para
akong isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag
nangangailangan.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at
naaawa. Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at
humahalina ay nabibili sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari
sa akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita ng mga anak ko, na
masasandalan nila ako maski ano pang mangyari.
Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay
namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa
Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. Yung iba ayaw umalis
sa akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali
ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din
ang dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi
ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos
di na kami makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa
ginhawa at sarap.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng
utang ko eh. Palaki pa ng palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking
puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka di na nila ako
balikan o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko,
madama lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko
ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang
bilib sa akin. Napapag-usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa
salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko
namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan
sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man,
nahihilaw pa.
Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay di kami naging
isang pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isat isa. IIlan ang gusto
magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging
masama ba akong nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?
Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong
may mga pinag-aralan pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid
nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno nanggaling ang kasikiman ng ilan sa
mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin.
Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos
mamatay sa hirap ng buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at
walang pagmamalasakit.
Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital
ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko.
Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang
kanilang hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang
nakakalula ang materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan?
Hindi ko maintindihan.
Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang
linggo pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang
usap-usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin. Gagamitin pa nila ang
kahinaan ng mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong
ganito ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may
magtanggol naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: Ina
ninyo ako! Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!
Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat
ha, pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating
nag-usap, di man lang ako nagpapakilala.
Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.
Pilipinas nga pala.