Sa lahat ng bagay, mayroon isang taong palaging nandiyan
para tayo ay gabayan, alagaan at mahalin. Siya ang taong hindihinding tayo iiwan kahit ano man ang mangyari. Ito ang taong gagawin ang lahat para tayo ay makaranas ng kaginhawaan at mailayo sa sakit at pang-aabuso na hatid ng malupit na mundo. Buong puso niya tayong minamahal at walang alinlangang sumasakripisyo para sa ating kinabukasan kahit siya man ay nahihirapan. Siya ang ating ilaw ng tahanan. Hindi lang ang pagiging ina ang pinapamalas niya kahit nga minsan, siya ang ating kapatid, kaibigan at bayani ng ating buhay. Simulat sapul, ang ating mga ina ang ating kasangga. Siya ang dahilan kung bakit nandito tayo sa mundo. Tayong mga kabataan ang bunga ng kanyang pagmamahal, bunga na hinding-hindi niya kayang itakwil at ipagtabuyan. Sa unang pagkakataon na tayo ay umiyak, siyay nandiyan para tayo ay patahanin. Kahit sa simpleng pagsambit natin ng salita, tuwang-tuwa siya at ipinagmamalaki pa sa iba. Sa mga oras na tayo ay dumadaing ng ating mga problema, palagi niya tayong pinakikinggan. Binibigay niya ang kanyang buong atensyon para lang maipadama sa atin na tayoy hindi nagiisa. May karamay tayo, karamay na mula sa ating pinakamamahal na ina. May mga panahon din na tayo ay nagkakasakit, hinding-hindi siya nawawala sa ating paningin. Kahit ano ay kaya niyang gawin, kahit anong pagpapasakit ay kaya niyang tiisin. Ito ay dahil mahal niya tayo, isang pagmamahal na hindi natin mararamdaman sa iba. Ang pag-ibig ng isang ina. Pero paano kaya natin masusuklian ang mga sakripisyo at pagmamahal ng ating mga ina? Tayong mga anak ay may ugaling pagkamahiyain pagdating sa ating mga magulang. Kahit sa simpleng pagsabi ng mahal kita mama ay hindi natin magawa. Dahil nga sa makabagong panahon ngayon, tayong mga kabataan ay na iimpluwensyahan na ng mga bagay-bagay na nag-iiba ng ating pananaw sa ating mga ina. Kadalasan, ang pagbitiw ng mga salitang mahal kita ay masagwa na sabihin. Pero ang mga masagwang salitang ito ay sapat lamang para maipahatid natin ang ating pasasalamat sa ating mga ina. Makakapagpasalamat din tayo sa pamamagitan ng ating mga aksyon. Ang simpleng paghalik sa pisngi at paglambing ay sobra-sobra na para sila ay mapasaya. Alam naman natin na walang permanente rito sa mundo. Kahit ang mga bagay at taong ating pinapahalagahan ay pwedeng mawala. Ngayon, mamaya, bukas, ang Diyos lamang ang makakaalam kung kailan niya gustong kunin muli ang mga buhay na Kanyang pinahiram. Kaya habang may panahon pa, huwag natin itong aksayahin. Bawat oras ng ating buhay ay isang pagkakataon para
tayo ay makapagpasalamat sa mga taong minahal tayo nang lubusan.
Ito rin ay isang oportunidad para maipaalam natin sa ating mga ina na mahal natin sila. Sapagkat walang taong nabuhay kung hindi dahil sa pag-aaruga ng isang ina. Ayon nga sa isang personalidad, walang kasiguraduhan kung hanggang kailan tayo mabubuhay. Dahil diyan, isang payo ang gusto niyang ipahatid. Ito ay ang pagturing sa bawat araw ng ating buhay bilang kahuli-hulihang araw natin sa mundo para kahit ano man ang mangyari ay hindi tayo magsisisi dahil ginawa natin ang nararapat. Kaya, hindi huli ang lahat para ipakita sa ating mga ina na may nagmamahal sa kanila. Inalagaan nila tayo mula nung musmos pa, dapat natin itong suklian. Tayo naman ang mag-aalaga sa ating mga pinakamamahal na ina, ang bayaning hindi nakipaglaban o gumamit ng espada dahil ang tanging sandata niya ay ang kanyang pagmamahal.