You are on page 1of 5

Mga Karaniwang Tanong Tungkol sa Tripartite Review Process

1. Ano ang Tripartite Review Process at bakit ito isinagawa?


Ang Tripartite Review Process (TRP) ay isang mekanismo upang resolbahin ang
magkaibang pananaw ng Pamahalaan ng Pilipinas (GPH) at ng Moro National
Liberation Front (MNLF) ukol sa pagpapatupad ng Final Peace Agreement (FPA). Binuo
ang TRP batay sa resolusyon ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) noong
2006. Kalahok sa review process ang mga matataas na opisyal ng OIC, GPH at MNLF.
Nakasentro ang TRP sa paghimay sa naging implementasyon ng Phase II ng FPA dahil
makailang beses nang idineklara ng OIC na naisakatuparan na ng GPH ang mga
probisyon ng Phase I. Layunin ng TRP na 1) tukuyin ang mga balakid na nakakaapekto
sa pagsasakatuparan ng FPA at 2) bumalangkas ng mga panukala upang tuloy-tuloy na
maipatupad ang kasunduan.
Mula 2007, limang high-level na pagpupulong ang naisagawa. Noong Enero 25-26,
2016, sa panlima at huling sesyon, idineklara ng mga partido ang pagtatapos ng TRP.

2. Ano-ano ang mga naging resulta ng TRP?


Sa loob ng walong taon ng TRP, napagkasunduan ng mga partido ang mga
sumusunod:
a)
42 consensus points o ang mga panukalang pagbabago sa Republic Act 9054
upang iayon ang istruktura ng Autonomous Region on Muslim Mindanao (ARMM) sa
mga probisyon ng FPA
Sa pagsisimula ng TRP, inilatag ng MNLF ang kanilang 43 mga isyu ukol sa RA
9054 na hindi tugma sa nilalaman ng FPA. 42 sa mga ito ay napagkasunduan ng GPH
at MNLF na tinawag na 42 consensus points. Ang ika-43 usapin ay tungkol sa
strategic minerals na kalaunan ay naresolba din ng mga partido.
Ang 42 consensus points ay bahagi na ngayon ng panukalang Bangsamoro
Basic Law (BBL).

b)

Pagiging bahagi ng MNLF sa ARMM Governance Reform and Development

c)
Terms of Reference para sa pagtatayo ng Tripartite Implementation Monitoring
Committee (TIMC)

d)
Terms of Reference para sa pagbuo ng Bangsamoro Development Assistance
Fund (BDAF)

e)
Interim na kasunduan sa magkatuwang na pamamahala ng National
Government at Regional Government sa mga strategic minerals
Ang usapin tungkol sa strategic minerals ay ang ika-43 at huling isyu ng MNLF
sa RA 9054.

3. Ano ang papel na ginampanan ng OIC at ng kanilang Peace Committee on


Southern Philippines (PCSP) sa TRP?
Naging instrumental ang OIC sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at
MNLF. Noong 1974, nagpalabas ang OIC ng resolusyong 18 na nananawagan sa GPH
ng paglalatag ng komprehensibong solusyon sa Katimugang Pilipinas. Namagitan ang
OIC sa mapayapang paglutas ng kaguluhan sa Mindanao at sa naging pag-uusap ng
GPH at MNLF na nagbunga sa paglagda ng 1976 Tripoli Agreement at 1996 Final
Peace Agreement at pagsasabatas ng RA 9054 na lumilikha sa ARMM.
Noong 2007, itinatag ng OIC ang Peace Committee on Southern Philippines upang
patuloy na sumuporta sa pagtaguyod ng mga karapatan ng mga Pilipinong Muslim at
gumanap bilang tagapamagitan para sa kapayapaan at kaunlaran ng Katimugang
Pilipinas.

4. Sa roadmap ng TRP, ano-ano ang mga convergence points sa mga kasunduan


ng GPH sa MNLF at sa MILF?
Ang pagtatapos ng TRP at ang pagsasakatuparan ng mga napagkasunduang
resolusyon dito ang hudyat sa pagtatagpo o convergence ng dalawang kasunduang
pangkapayapaan. Ang BDAF na naglalayon para sa socio-ekonomikong pag-unlad ng
Bangsamoro ay nakatakdang ipatupad sa mga lugar na parehong tinutukoy sa mga
kasunduan sa MNLF at MILF. Ang TIMC ay may mandato na siguruhin na ang mga
partido ay tumutupad sa mga napagpasyahan sa TRP, kabilang na ang pagsunod sa
resolusyon ng OIC na pangangalagaan ang lahat ng resultang bunga ng 1976 Tripoli

Agreement, 1996 Final Peace Agreement at Comprehensive Agreement on the


Bangsamoro (CAB). Ang usapin naman tungkol sa co-management ng mga strategic
minerals ay nakapaloob sa CAB, gayundin sa BBL.

5. Paano makakaapekto sa convergence roadmap ng TRP ang hindi


pagsasabatas ng BBL?
Tanging mga politikal na bahagi lamang ng TRP ang apektado ng hindi pagpasa ng
BBL. Ito ay nakapaloob sa 42 consensus points na higit na pinagbuti pa simula nang
maisama ito sa BBL. Subalit ang pagtatatag ng BDAF at TIMC ay maaari nang isagawa
kahit wala pang BBL.

6. Ano ang magiging epekto ng pagtatapos ng TRP sa CAB?


Sa pagtatapos ng TRP, magkakaroon na lang ng isang Bangsamoro framework sa
ilalim ng CAB at, kalaunan, sa ilalim ng BBL kapag ito ay naisabatas na. Ang balangkas
na ito ay inklusibo at bukas para sa lahat ng mga lehitimong isyu ng Bangsamoro.
Matatandaan na inanyayahan ang MNLF na maging bahagi ng Bangsamoro Transition
Commission (BTC) o ang lupon na susulat ng BBL subalit sila ay tumanggi dahil sa
nangyayaring TRP. Sa pagtatapos ng TRP at batay na rin sa communiqu na inilabas,
ang MNLF ay magiging bahagi ng transitional authority na mangunguna sa pagtatatag
ng Bangsamoro Government kapag naipasa na ang BBL.

7. Kinikilala ba ng grupo ni Nur Misuari ang convergence ng mga kasunduan ng


MNLF at MILF na bunga ng Bangsamoro Coordination Forum na sinimulan ng
OIC? Lahat ba ng paksyon ng MNLF ay sang-ayon sa convergence?
Oo. Sa katunayan, ang paksyon ni Misuari sa MNLF ay bahagi ng ika-lima at huling
pagpupulong ng TRP. Ang Misuari faction ay kinatawan ninla Atty. Randolph Parcasio
at Dr. Samsula Adju. Kasama ang isa pang grupo ng MNLF na Sema faction sa ilalim ni
Muslimin Sema, lumagda sila sa isang Joint Communique upang ipahayag ang kanilang
pagsuporta sa convergence at maging sa CAB.

8. Kailan at paano sisimulan ang BDAF?


Ang BDAF ay maaari nang masimulan sa oras na makumpleto na ang Terms of
Reference nito mula sa Islamic Development Bank (IDB) at parehong sang-ayunan ito
ng GPH at ng MNLF.

9. Kailan at paano itatatag ang TIMC?


Batay sa Terms of Reference, ang TIMC ay kabibilangan ng tig-tatatlong kinatawan
mula sa OIC, GPH at MNLF. Kapag ang lahat ng mga partido ay nakapagtukoy na ng
kanilang mga representante sa TIMC, ituturing na itong naitayo na.

10. Ano ang tungkulin ng ARMM Regional Government sa pagpapatupad ng mga


kasunduan sa TRP?
Malaking papel ang nakaatang sa ARMM Regional Government, partikular sa naging
resolusyon ukol sa co-management ng strategic minerals at BDAF. Sa usapin ng
strategic minerals, ang Regional Government, bilang miyembro ng Oversight
Committee, ay magiging parte ng mga usapin tungkol sa devolution process o ang
proseso ng paglilipat ng mga tungkulin mula sa National Government patungo sa
Regional Government. Samantalang sa BDAF, magkakaroon ng isang kinatawan ang
Regional Government sa Fund Governing Board nito.

11. Sa ilalim ng TRP roadmap, ano ang magiging status ng FPA? Isasama na ba
ang FPA sa CAB o BBL?
Layunin ng TRP na ayusin ang mga balakid sa pagpapatupad ng FPA. Sa pagtatapos
ng TRP, masisiguro na ang pagsasakatuparan ng lahat ng probisyon ng FPA.
Ang CAB, sa kabilang banda, ay nakabatay sa mga nakaraang kasunduan gaya ng
FPA. Sa ilalim ng convergence framework, ang mga resulta ng FPA ay
pangangalagaan sa CAB at maging sa BBL.

12. Paano makakatulong ang mga resulta ng TRP sa mga Pilipinong Muslim?
Ngayong tapos na ang TRP, sisimulan na ang implementasyon ng mga naging
resolusyon dito tulad ng BDAF. Layunin ng BDAF na magtaguyod ng mga proyektong
socio-economic bilang suporta sa adhikain na mapaunlad ang Mindanao. Ngayong

nakasentro ang mga inisyatiba upang paunlarin ang mga lugar na dating apektado ng
hidwaan, ang mga residenteng dating nagsilikas ay maaari nang bumalik sa kanilang
mga iniwang komunidad at makinabang sa mga proyektong hatid ng BDAF.

13. Ano ang pananaw ng MILF sa pagtatapos ng TRP?


Noong 2015, lumagda sa isang joint declaration ang MILF at ang MNLF-Sema faction
sa Camp Darapanan, Maguindanao. Nilalaman ng joint declaration ang mga
sumusunod:
a)

Pagbibigay-diin sa pagsasakatuparan ng lahat ng probisyon ng FPA

b)

Pagsuporta sa convergence ng mga kasunduan

c)
Paghimok sa lahat na suportahan ang mga adhikain ng Pangulo at ng OIC para
sa mapayapa at pangmatagalang solusyon sa Bangsamoro.

Ang pagtatapos ng TRP at pagsisimula sa pagpapatupad ng mga napagkasunduan dito


ay simula ng buong implementasyon ng FPA na parehong minimithi ng MNLF at ng
MILF.

You might also like