You are on page 1of 1

OCT.

18, 2011 DATE

NR # 2560
REF. NO.

Mas mabigat na parusa sa ilang election offenses, sinusugan sa Kamara


Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang naglalayong patawan ng mas mabigat na parusa sa ilang election-related offenses tulad ng karahasan, pamimilit, pananakot, paggamit ng lakas at pagbabanta. Sa inihaing panukala o House Bill 4145 nina Reps. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City) at Maximo Rodriguez, Jr. (Party-list, Abante Mindanao) layunin nito na amyendahan ang Sections 261 at 262 na may kinalaman sa Section 264 ng Omnibus Election Code of the Philippines, na nauna na ring amyendahan, at ang Section 45 ng Republic Act 8189 o ang The Voters Registration Act of 1996. Dapat siguraduhin ng Estado na mayroong pantay, tapat, maayos at payapang halalan, pangalagaan ang integridad at kabanalan ng mga balota at panatilihin na mangibabaw ang kagustuhan ng mga botante. Dapat lamang na patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga lalabag sa batas na kaakibat sa pagpapatupad ng malinis na halalan at hindi ito dapat pangibabawan ng pananakot, pamimilit, at karahasan, ani Rodriguez. Malaki rin umano ang maitutulong nito upang pigila ang sinumang naglalayong gumawa ng pananamantala at pagdaraya tuwing may halalang magaganap. Ang posibleng makasuhan at maparusahan sa ilalim ng panukalang ito ay yaong mga miyembro ng election inspectors, miyembro ng board of canvassers at/o mga opisyal ng Commission on Elections na magiging instrument, tutulong op sasali, direkta man o hindi sa pagsasagawa ng pandaraya sa halalan. Ilan sa mga kaparusahang maaaring ipataw sa mga mapapatunayang nagkasala na nasasailalim ng Section 46 ng R.A. 8189 na pagkabilanggong di bababa sa isang taon at hindi naman lalampas sa 12 at hindi maaaring mabigyan ng probation. Hindi na rin maaaring makapaglingkod sa pamahalaan sa habang buhay ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa batas hinggil sa halalan. Kasama rin sa maaaring maparusahan sa pamamagitan ng pagpapataw ng multang hindi bababa sa P500,000, ang mga political party kung saan miyembro ang mapapatunayang nagkasala. (30) sb

You might also like