You are on page 1of 1

Binging Tenga, Bulag na Walang Pagpapahalaga

By ASSOCIATE EDITOR

Ika-apat noon ng hapon, hayun ang mga tsismosang kapit-bahay, to d' max ang huntahan,
kabi-kabila nanaman daw ang patayan, karamihan ay kadalagahan—sa tulay may
natagpuan, hati-hating piraso ng katawan. “Aray! g*go ka, f**k you! Tama na!”, sigaw ni
gagsky sa Ama, gangster yan dito sa kanto, maraming hirap na ang pinagdaanan, lamog
na ang katawan—nahiwa ng bote ang talampakan, nasuot sa rayos ng bike ang paa,
inihagis sa ilog, nakatikim ng sandamakmak na latay, pero hayun, wala paring dala! At
ngayon, bugbog sarado nanaman siya, nanapak daw ng tambay! Ilang taon na nga ba si
Gagsky? Ah, labindalawang taong gulang!

Si Tinang, ginabi nanaman, rumampa daw siya dun sa dulo kaya busog nanaman ang
bulsa. Abot tenga ang ngiti ni aling Aning, malaki-laki kasi ulit ang pondo niya sa majong
at may pantaya pa sa jueteng at pamBingo, naolatz kasi siya nung nagdaang araw. Si
Tinang? Desi-sais anyos.

Wala na siyang ngipin, nalagas na ang natitirang dalawang bulok! Muntik na daw siyang
masalvage, buti nalang at nakatakas, napagkamalan kasing kriminal, wasted! Yan si
Felipe, maagang naulila kaya namuhay ng mag-isa, pakalat-kalat sa lansangan.... Si
Felipe? Ah, desi-siyete!

“Pun**ta kang bata ka, halika nga dito, manang-mana ka sa ama mong batugan! Pareho
kayong walang silbi!” Yan ang birada ni Klaring sa kanyang mga anak, mukha na siyang
losyang, ang anak ay tila hagdanan, sunod-sunod kasi, magkakaiba nga lang ng ama—
may negro, kano, hapon, at meron dins chinitong masikip ang bulsa. Pero matapos siyang
gawing palipasan ng sarap, ayun, inabandona, iniwan ang sangkatutak na anak. Dose pa
lamang siya ng magkaanak, maaga kasing lumandi ang bruha! Ngayon, bente dos na
siya!

Si Carding, bangag nanaman! Astig... Limang piso lang, may tsongke na siya, parang
shampoo lang diba? Yan ang HOBBY niya kapag walang magawa, it's worth a while daw,
yun nga lang, lagi siyang walang magawa. Miyembro rin siya ng mga sikat na samahan—
ang akyat bahay gang, sunog baga, at Philippine's most wanted. Si Carding? Trenta
anyos!

Noong isang linggo, kapapanganak lang ng asawa ni Carding, isang batang lalaki. Anong
propesyon naman kaya ang pipiliin ng batang iyon? Gangster na kagaya ni Gagsky?
Kapit-patalim na kagaya ni Tinang? Sugarol na gaya ni Aling Aning? Tambay na kahanay
ni Felipe? Pabrika ng bata na katulad ni Klaring? Adik na kagaya ng ama? O mas
hihigitan pa ito? Dug pusher ika nga? Hay... Ilang taon pa kaya?

You might also like