You are on page 1of 1

NOV.

16, 2011 DATE

NR # 2589B
REF. NO.

Mandatory universal healthcare para sa lahat ng pinoy, isinusulong sa Kamara


Nanawagan ngayon si Rep. Winston Castelo (2nd District, Quezon City) sa Mababang Kapulungan na agad isabatas ang panukalang naglalayong mabigyan ng mandatory universal healthcare coverage ang lahat ng Pilipino. Batay sa House Bill 5177 na isinumite ni Castelo, magkakaroon ng automatic entitlement ang bawat Pilipino na may edad 18 taong gulang pataas ng universal health care system program. Ayon kay Castelo ang pondo na gagamitin para sa universal coverage ay manggagaling sa mga korporasyon na pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Dagdag pa ni Castelo, ang PAGCOR at PCSO ay mga korporasyon na pinatatakbo ng pamahalaan at kumikita ng malaking halaga sa buong taon. Ayon pa kay Castelo mayroong malaking pangangailangan na agad aksiyunan ang hinggil sa kalusugan ng bawat Pilipino dahil ito ang pangunahing kayamanan ng bansa. Ang panukalang ito ay may dalawang nais matugunan at bigyang pansin, ang service provision at ang health financing na itinuturing na dalawang importanteng sangkap upang maipatupad ang batas na ito, ani Castelo. Pagsusog din umano ang panukalang ito sa programang nais ipatupad ni Health Secretary Enrique Ona na naglalayong magbigay ng universal access sa serbisyong pangkalusugan. Ayon kay Castelo mayroon na ring apat na kahalintulad na panukala na ang naisumite sa Kamara at ito nasa Committee on Appropriations upang pag-usapan kung saan manggagaling ang funding provisions nito. Ang mga panukalang ito ay ang House Bills 3544, 1628, 87 at 937 na inihain nina Reps. Ma. Theresa Bonoan-David (4th District, City of Manila), Eufranio Eriguel (2nd District, La Union), Juan Edgardo Angara (Lone District, Aurora) at Susan Yap (2nd District, Tarlac). (30) sb

You might also like