You are on page 1of 2

MGA 'DUGAS' SA CUSTOMS, ILALAGAY SILA SA IMBURNAL NG KASAYSAYAN!

SAAN maaaring itapon ang mga sindikato ng mga pekeng kawani ng Bureau of Customs na nabisto ni Commissioner Ruffy Biazon na dahilan ng maraming uri ng korapsiyon at kabulukan sa kawanihan? Ito ay sa imburnal ng kasaysayan. Sa ganitong mapait na katapusan ang maaaring hantungan ng isang sindikato ng hao shiao sa BoC na binuwag ni Biazon bunga ng walang hintong pag-iimbestiga niya sa lahat ng uri ng katiwalian at kabulastugan sa loob ng BoC. Hindi pinangalanan ni Biazon ang pitong tao na dinakip at ngayon ay nasa kustodya ng pulisya at isinasailalim sa isang mahigpit na imbestigasyon. Ayon kay Biazon, ang pagkabuwag ng sindikatong ito ay patunay sa pagsunod ng BoC sa utos ng Pangulong Aquino na ipatupad ang lahat ng uri ng pagbabago sa kawanihan at walisin dito ang mga taong nakasisira sa magandang imahen ng gobyerno. Idinagdag ng komisyoner na "tumuga" o isiniwalat na ng mga dinakip kung sino-sino ang kanilang mga protektor sa BoC na nalamang kasapi sa isang malaking sindikatong sangkot sa maraming katiwalian at ismagling sa loob ng marami nang taon. Isang opisyal ng Customs Intelligence ay sinabi na "hindi na magtatagal, atin ding kikilalanin ang mga kasabwat ng mga pekeng kawani na ito sa BoC. Bago sila nabuwag at nadakip, sinabi sa Manila SUN, na ang mga hao shiao o pekeng kawani ay nagdadala ng mga pekeng identification cards mula sa Office of the Commissioner, at dalawa sa kanila ay natuklasan din na mga pekeng empleyado at mga broker ng isang bantog na brokerage firm. At ang nakagugulat, sabi ng isa pang opisyal ng BoC, may sariling opisina sa loob mismo ng Customs ang sindikato, at may mga ginagamit pang computer at iba pang gamit sa mga ilegal na transaksiyon sa Kawanihan. Gulat na gulat na sinabi ng isang opisyal: It looks like a legitimate office but theyre ran by fake BoC employees." Natuklasang ang opisina ay ginagamit ng sindikato para kausapin ang mga importer at broker na nais na magpasok ng mga kontrabando sa bansa.

Nauna rito, iniutos ni Biazon na agad na dakipin ang isang Nilo Penaflor na ipinakikilala ang sarili na anak siya ng isang hepe sa BoC sa tuwing may ginagawang negosasyon at transaksiyon sa loob ng Aduana. Kasong usurpation of authority ang isasampa sa pitong dinakip na pekeng kawani ng BoC, at kasunod nito, muling ipinangako ni Biazon na hindi sila titigil sa pagtugis at pagdakip sa mga "dugas" na mga opisyal at kawani ng BoC. Sabi ng isang opisyal ng BoC: "Hindi namin sila tatantanan hanggang hindi namin sila nadadakip, nakakasuhan at naipakukulong... dapat niyang pagbayaran ang kanilang kasalanan sa bayan."

You might also like