You are on page 1of 7

Federalism in the Philippines?

Usap-usapan ngayon hindi lang sa mga sulok ng Pilipinas kundi maging sa ibang
bansa ang kontrobersyal na GRP-MILF Memorandum of Agreement on Ancestral
Domain at ang plano ng gobyerno na baguhin ang sistema ng pamahalaan tungo sa
Federalismo para maisaayos ang mga gulo sa Mindanao.

Hindi kasi tanggap ng mga kapatid nating Muslim, mga lumad, at iba pang mga
tribu sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng ating bansa ang imperyal na
pamamahala ng gobyerno sa Maynila, kaya naisip ng ilang mga pulitiko at mga
sektor na nagnanais na maayos na ang gusot sa Mindanao ang Federalismo.

Sa Federalismo, magkakaroon ng kontrol sa kanilang pamahalaan ang ibat ibang


rehiyon sa Pilipinas, lalo na ang rehiyon ng Mindanao na matagal nang sinisingil
mula sa gobyerno ng mga kapatid nating Muslim.

Pero ano nga ba talaga ang Federalismo? Ang ibig sabihin nito ay ay pagkakaroon
na ng mga hiwalay na estado o regional government, mapupunta na sa bawat
rehiyon ang kontrol sa kanilang ekonomiya at pulitika nang hindi na maaaring
pakialamanan ng sentrong pamahalaan sa Maynila.

Maganda ito para sa Mindanao kung saan napakalaki ng ekonomiya roon lalo na sa
larangan ng agrikultura, minahan at iba pang mga industriya. Ganoon din para sa
mayayamang rehiyon gaya ng Metro Manila, Calabarzon at iba pa.

Subalit para roon sa mahihirap na rehiyon gaya ng probinsyang Samar-Leyte, ang


parte ng Pilipinas na pinakamahirap sa bansa at iba pang katulad nito ay
siguradong talo sa sistemang Federalismo.

Sa sistemang Federal kasi, trabaho na ng regional government ang mangolekta ng


buwis mula sa mga negosyo at taumbayang nasasakupan nito. Paanong makapaguumpisa ng maganda ang mga mahihirap na rehiyon kung wala nang perang
manggagaling sa pamahalaan sa Maynila? Alangan namang ang mga buwis na
ibinabayad ng mga mamamayan ng Maynila eh gagamitin pa rin para sa mga tagaMindanao kapag kanya-kanya na ang sistema ng pamamahala.

Isa pang mahirap gawin sa ilalim ng sistemang Federal ay paano palalakasin ang
kuturang Pilipino bilang kabuuan at hindi lamang bilang mga Ilokano, Bikolano,
Cebuano, Tagalog, Waray at iba pa?

Sa totoo lang, ang kulturang pambansa ang pinakamahirap na isaayos sa ganitong


sistema. At dahil dito ay marami ang natatakot na sa ganitong padalus-dalos na
kilos at pagpapasya ay lalo lamang mapapabilis ang pagkaka-hiwalay-hiwalay ng
Pilipinas gaya ng pagkakahati sa isang pie.

Ngunit para sa mga sakim sa kapangyarihan, gagawin nila ang lahat para sa
kanilang pansariling ambisyon kahit pa ikasira ng bansa.

FEDERALISMO
Ano ba itong Federalismo na isinusulong ni Mayor Duterte? Magkwentohan tayo
Ihalintulad natin ang gobyerno sa isang bahay. Ang may ari ng bahay ay tayo mga Pilipino.
Maraming tanim na halaman at gulay (Pera ng Bayan) sa paligid ng bahay. Itong bahay na ito
(gobyerno ng Pilipinas) ay walang bakod kaya naman malayang nakakapasok ang mga ligaw na
hayop (Corrupt na pulitiko) at sinisira at kinakain ang mga tanim. Dahil sa mabibilis at tuso ang mga
ligaw na hayop (mga Corrupt na pulitiko) di mahuli huli ng may ari ng bahay ang mga ito. Kadalasan
kalahati nalang kanyang napapakinabangan sa kanyang tanim. Ganito ang problema ng may ari
simulat simula pa. Isang araw nakaisip sya ng ideya lalagyan nya ng MATIBAY NA BAKUD
(FEDERALISMO) ang paligid ng bahay upang harangin at di na makapasok ang mga ligaw na hayop
na syang sumisira sa kanyang tanim!
Lets go Federal! Run duterte Run!

Federalismo sa Pilipinas!
Maugong na balita sa buong sulok ng Pilipinas ang plano ng ilang tumatakbong
pulitiko sa Halalan 2016 na baguhin ang sistema ng pamahalaan tungo sa
Federalismo para umunlad ang bansa at maisaayos ang gulo sa Mindanao.

Tayo na at kilalanin kung ano ba ang Federalismo!


Ayon sa Wikipedia, ang Federalismo ay isang pulitikong konsepto na inilalarawan
ang mga gawain na kung saan ang mga miyembrong nasasakupan ay nakapaloob
sa isang kasunduan na siyang pinamumunuan ng mga gobernador ang mga estado
o probinsya sa isang bansa. Dagdag pa, ang sistemang ito ay binibigyang
kapangyarihan ang isang estado na maging malaya at makapag-desisyon sa sariling
nasasakupan. Dahil dito, ang mga etado ay maaaring magpa-tupad ng kanilang
mga sariling batas.

Ang sistemenag Federalismo ay pinamumunuan ng isang Presidente (Central


governing authority) na siyang namamahala para sa pangkalahatang
pangangailangan ng bansa. Hahatiin ang Pilipinas, kung saka sakali, at tatawagin
ang mga lugar bilang mga estado (constituent political units). Pinangungunahan ng
Switzerland, Germany, the United States of America, Canada, Australia at India ang
ganitong klaseng pamamalakad.
Ang kasalukuyang tanong sa sambayanang Pilipino, pabor ka ba o hindi na
isakatuparan ang ganitong sistema sa bansang Pilipinas?

Si Sakuyang Damgo ay isang blogger at sumulat ng isang article patungkol sa


Federalismo. Nakapaloob sa kanyang sinulat ang mga negatibong epekto kung
saka-sakaling mabago ang paraan ng pamumuno ng bansa. Mayroon siyang tatlong
punto na inihayag. Una, mahihirapan ang mahihinang rehiyon gaya ng probinsyang
Samar-Leyte dahil hindi ito kagaya ng ibang karatig na lugar na kayang buhayin at
pagyamanin ng mga buwis na ibinabayad. Ika pa nga niya, Alangan namang ang
mga buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ng Maynila eh gagamitin pa rin para
sa mga taga-Mindanao kapag kanya-kanya na ang sistema ng pamamahala?
Pangalawa, Hihina at magkaka watak-watak ang Pilipinas bilang kabuuan. Pangatlo,
ginagamit lamang ng mga sakim na pulitiko ang ganitong propaganda upang sila ay
iboto ng mamamayan.

Mahihinuha mula sa article na isinulat ni Damgo na hindi siya pabor sa ganitong


paraan ng pamamalakad. Ang kanyang opinion ay sinagot rin ng isang blogger na si
Jdzla.
Ayon sa kanya, isang proseso ang paglilipat ng isang lugar tungo sa isang estado.
Inihalintulad niya ito kung ano ang nangyari sa Jura, Switzerland noon na kung saan
nagkaroon ng tamang distribusyon ng mga ari-arian. Kayat nakapag simula ang
estado at nang kalunanan ay naging maunlad din ito. Sabi niya ang Federalismo ay
isa ring pagdadamayan

Dagdag pa ni Jdzla, wala namang magbabago sa kultura pag pinairal ang nabanggit
na sistema. Mananatiling Bikolano ang taga Bicol, Cebuano ang taga Cebu atbp.
Mananatili at iiral pa rin ang pagiging isang Pilipino kayat malabong magkakawatak-watak ang Pilipinas. Para sagutin ang ikatlong punto ni Damgo, sinabi ni Jdzla
na ang makasariling interest ng mga pulitiko ay magbibigay ng benepisyo sa
mamamayang Pilipino. Kung gamitin ito nila sa kampanya at manalo, maaaring
maisakatuparan ang sistemang Federalismo. At kapag nangyari, sinabi niya na hindi
na magiging malayo sa pag-unlad ang bansang Pilipinas.

Ang sanhi ng kahirapan ay ang katamaran, korupt na pulitiko at kawalan ng


kaalaman sa edukasyon. Kasalukuyang sistema man o Federalismo, hindi uunlad
ang bansa kung tayo hindi tayo, mga Pilipino, magsisimula sa ating kani-kanyang
sarili.

Panganib ng Panukalang Federalismo sa Filipinas


Posted on 11/21/2008 by Roberto Aonuevo

Kailangang ihayag sa wikang Filipino ang Senate Joint Resolution No. 10, na nagpapanukala ng pagtatatag ng
kakatwang uri ng Federalismo sa Filipinas at nang masuri ng taumbayan ang niluluto ng mga politiko at kasapakat
nila sa lipunang sibil.
Ang nasabing resolusyon ay nilagdaan nina Aquilino Q. Pimentel Jr., Edgardo Angara, Rodolfo Biazon, Pia
Cayetano, Juan Ponce Enrile, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Francis
Pangilinan, Ramon Revilla, at Manuel Villar. Nananawagan ang resolusyon na magpulong ang mga mambabatas ng
kongreso para sa layuning baguhin ang saligang batas nang maitatag ang federal na sistema ng pamahalaan.
Ikinatwiran ng resolusyon na ang sentro ng kapangyarihan at pananalapi ay nasa Maynila, at naiwan ang malalayong
lalawigan ng bansa. Puta-putaki umano ang pag-unlad, at nakikinabang lamang ang ilang malapit sa administrasyon.
Ang ganitong kalagayan ay nagsilang ng malawakang kahirapan at armadong pag-aaklas sa buong bansa. Upang
malutas ito, iminumungkahi ang pagtatatag ng labing-isang estado bukod sa Metro Manila. Ang ganitong uri ng lohika
ay waring mula sa mga demagogong politikong Sebwano, na laging inaakusahan ang Imperyalistang Tagalog na
Maynila sa mga kapabayaan sa kanilang rehiyong sila rin ang may kagagawan.
Binanggit din sa resolusyon na may tatlong paraan para enmiyendahan ang Saligang Batas ng 1987. Una, sa
pamamagitan ng Kumbensiyong Pansaligang Batas (Consitutional Convention). Ikalawa, sa pamamagitan ng
Kapulungang Pansaligang Batas (Constituent Assembly). At ikatlo, sa pamamagitan ng pagkukusang popular
(popular initiative). Pinakaangkop umano ang pang-enmiyenda sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas,
at bagaman walang binanggit na dahilan, ay mahihinuhang ito ang pinakamabilis at pinakamatipid na hakbang
na papabor sa mga mambabatas imbes na sa taumbayan. Ang tangkang pabilisin ang pag-enmiyenda sa Saligang
Batas ay nabanggit ni Sen. Manny Villar noong 13 Agosto 2008. Aniya:
Meron tayong proposed resolution, ibig sabihin niyan, sisimulan ang diskusyon. Nagugulat nga ako dahil iyong iba
ang akala ay tapos na ang resolution sa Senado. Ang proseso dito sa Senado ay matagal pa. Itong proposal na
inihain ni Sen. Pimentel na pinirmahan naman ng mahigit 12 na mga senador, ay para talakayin ang isyu ng federal

system of government. Mahaba pa iyan. Nais rin nating ipakita na dito sa Senado ay talagang transparent tayo. Lahat
ay iimbitahin, lahat ay pakikinggan. Kung hindi maganda ang lumabas, hindi mananalo iyan sa voting. Kaya ang
resolusyon na iyan ni Sen. Nene ay matagal pa. Hindi pa nga sinisimulang talakayin sa committee kaya nagtataka
ako na parang advance na advance na.
Kung totoo ang sinasabi ni Sen. Villar, ang kaniyang paglagda umano sa naturang resolusyon ay upang pag-usapan
ang panukalang pag-enmiyenda ng Saligang Batas, at hindi nangangahulugan ng awtomatikong pagsang-ayon sa
gayong panukala. Nais niyang maging lantad sa taumbayan ang talakayan, na taliwas sa palihim na
pagmamaniobra, gaya ng naganap sa labag sa KonstitusyongMemorandum of Agreement on Ancestral
Domain (MOA-AD). Ngunit para sa ibang kasapi ng lipunang sibil, ang pagpapasa ng naturang resolusyon ay isang
hakbang palapit tungo sa mithing federalismo. Ang pagpapalit ng liderato sa senado ang ikinatutuwa ng mga
tagasuporta ng federalismo, na inaasahang pabibilisin ang pagsasabatas ngayong ang mga pinuno ng kapuwa
senado at kongreso ay kakampi ng administrasyon.
Bibiyakin ang Filipinas sa labing-isang estado, at kabilang dito ang sumusunod: Estado ng Hilagang Luzon; Estado
ng Gitnang Luzon; Estado ng Timog Katagalugan; Estado ng Bikol; Estado ng Minparom; Estado ng Silangang
Visayas; Estadong ng Gitnang Visayas; Estado ng Kanlurang Visayas; Estado ng Hilagang Mindanao; Estado ng
Katimugang Mindanao; at Estado ng Bangsamoro. Ikakabit naman ang Metro Manila sa Federal Administrative
Region, at animoy palamuti lamang sa nasabing grandeng lunggati. Sa ganitong kalawak na pagpaparte ng mga
lalawigan, nakapagtatakang minamadali ng mga mambabatas ang pagsusulong ng federalismo. Parang ang
federalismo ang mahiwagang pildoras na papawi ng sakit ng bansa, at ito ay isang kaululan kung dadaanin lamang
sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas. Ang masaklap, nais ipadron ang uri ng federalismo sa Filipinas
doon sa uri ng federalismo sa Estados Unidos ng Amerika, Afrika, at Europa, ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit
na maliit ang Filipinas na may multinasyonal na pamayanan. Kahanga-hanga ang ganitong panukala, at dapat ibitin
patiwarik ang sinumang may pakana ng ganitong panggagagad.
Walang malinaw na dahilan sa pagkakabaha-bahagi ng mga lalawigan para maging nagsasariling mga estado. Ang
paghahati-hati ng Filipinas ay mahihinuhang ginagabayan ng mga katwirang pangheograpiya, pampolitika, at
pangwika, at kahit iginigiit ang usaping pangkultura ay malabo dahil hindi batid kung sino ang magtatakda nito. Sa
panukalang susog sa Konstitusyon, ang pagtatalo sa mga sasaklawin ng mga estado ay aayusin ng Commission on
Intra-State Boundary Disputes na pangunguluhan ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government
(DILG). Problematiko ito, dahil ang anumang pag-aaway hinggil sa teritoryo ay maaaring pagsimulan ng digmaan ng
mga estado, at mauwi sa tandisang pagsasarili ng estado upang maging bukod na bansa palayo sa Filipinas.
Sa ilalim ng Seksiyon 15, Artikulo 12 ng panukalang susog sa Konstitusyon, ang mga estado ay maaaring lumikha ng
mga nakapagsasariling rehiyon (autonomous region) na pawang binubuo ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad,
at pook na saklaw na may bukod na pangkulturat pangkasaysayang pamana, pangkabuhayan at panlipunang
estruktura, at iba pang katangiang saklaw ng Konstitusyon. Ang ganitong tindig ay mahihinuhang rehiyonalista, kung
hindi man baryotiko, dahil tinatangka nitong biyakin sa maliliit na bahagi ang Filipinas sa ngalan ng kalayaan,
kasarinlan, at kaunlaran.
Ang pagbiyak sa Filipinas ay kaugnay ng isinusulong na multilingguwalismo sa Filipinas, at pakana ng gaya
ng Defenders of Indigenous Languages of Archipelago(DILA) at Save Our Languages Through
Federalism (SOLFED) na pawang may mga patakarang kumokontra sa diwain at wikang Filipino. Nilalayon ng DILA
at SOLFED na ikabit ang usapin ng wika sa usapin ng heograpiya, politika, kasaysayan, at ekonomiya, at nang
maitampok ang kaakuhan ng mga lalawigan. At upang maisakatuparan iyon, sinisikap nitong pahinain ang estado ng
Filipino (na baryedad lamang umano ng Tagalog), gawing lingua franca ang Ingles sa buong kapuluan, at ikubli ang
gayong pakana sa pamamagitan ng pamumulitika. Kung babalikan ang panukalang pagsusog sa Konstitusyon, ang
dominanteng wika sa rehiyon (halimbawa na ang Ilokano at Bikol) ay gagamitin lamang mulang una hanggang
ikatlong grado sa elementarya. Pagkaraan nito, mahihinuhang Ingles na ang gagamitin sa mga rehiyon. Ang ganitong
panukala ay dapat ibasura, dahil hindi ito tumutulong para paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas bagkus
nagpapabilis pa ng pagkalusaw nito.

Pumapabor ang federalismo sa pagpapalawak ng saklaw ng kapangyarihan ng mga politiko. Sa ilalim ng Artikulo 10,
na pinamagatang Lehislatura ng Estado, ang bawat estadong lehislatura ay bubuuin ng tatlong kinatawan ng bawat
lalawigan at lungsod. Ang nasabing mga kinatawan ay ihahalal ng mga kasapi ng sangguniang panlalawigan at
sangguniang panlungsod. Samantala, ang mga kinatawan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda ay hihirangin
ng kani-kanilang sektor. Ang masaklap, kinakailangang rehistratrado ang mga samahan ng mangingisda,
magsasaka, at matatanda sa State Social Welfare Department. Sa ganitong kalagayan, maaaring magamit lamang
sa pampoitikang adyenda ang nasabing mga sektor imbes na pangalagaan ang kalagayan ng mga dukha at
nangangailangan. Ito ay dahil binibigyan ng kapangyarihan ang gobernador ng estado na hirangin ang mga
kinatawan sa tatlong sektor.
Magiging makapangyarihan ang gobernador ng estado, na ihahalal ng mga kalipikadong botante ng mga lalawigan,
lungsod, munisipyo, at barangay na pawang nasa loob ng naturang estado. May karapatan siyang mahalal nang
tatlong sunod na termino, at bawat termino ay may apat na taon ng panunungkulan. Ipatutupad ng gobernador ng
estado ang mga batas na pinagtibay ng Kongreso at Lehislatura ng Estado. Binibigyan din siya ng kapangyarihang
humirang ng mga kawani at opisyales ng kagawarang pang-estado, at pumili ng mga opisyal at empleado ng
kaniyang estado. Ang ganitong panukala ay masasabing malikhaing debolusyon ng diktadura, at pumapabor sa mga
politikong may mahigpit na kapit sa kani-kanilang lalawigan.
Ang nakapagtatakay ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal (1991) ay babaguhin na naman, na nakapanghihinayang
dahil nagtatakda ito ng mga pamamaraan kung paano magiging epektibo at makapangyarihan ang bawat
pamahalaang lokal at nang maisalin dito ng pamahalaang pambansa ang mga kinakailangang yaman at
kapangyarihan. Ang anumang pagkukulang ng nasabing Kodigo ang dapat sinususugan sa Kongreso upang
mapalakas ito at pumabor sa taumbayan, imbes na panghimasukan ang Saligang Batas at itaguyod ang
Federalismo. Si Sen. Pimental ang nagsulong ng nasabing Kodigo, ngunit ngayon ay bumabaligtad at pumapabor sa
federalismo. Kung anuman ang pagkukulang ng Kodigo sa yugto ng pagsasakatuparan ay hindi malulutas sa
pamamagitan ng pagtatatag na federal na sistema ng pamahalaan. Kailangan ang matibay na pampolitikang
kapasiyahan ng pamahalaan upang maipatupad ang mga programa at patakaran nito alinsunod sa itinatakda ng
Saligang Batas at kaugnay na batas, kautusan, at alituntunin.
Napakahina ang mga seksiyon sa panukalang susog sa Konstituyon, lalo sa pangangalaga ng kaligiran, pagrepaso
ng pamumuhunan sa likas na yaman, pangungutang sa ibang bansa, kalakalan, at iba pa. Higit na nakatuon ang
mga pag-enmiyenda sa politikang aspekto at hindi sa tunay na ikaaangat ng kabuhayan at ikatitiyak ng magandang
kinabukasan ng mga Filipino. Ang mungkahi koy pag-aralan at pagdebatehan ito nang maigi, hindi lamang ng mga
politiko, kundi ng buong sambayanan. Sa kasalukuyang komposisyon ng Kongreso at Senado ngayon, malaki ang
posibilidad na ang pagbabago sa Saligang Batas ay para pahabain ang termino ng pangulo at ng kaniyang mga
alipuris na mambabatas na dapat nang nagpapahinga dahil sa kahinaan bilang mga mambabatas at tagapagpatupad
ng batas. Ayon sa artikulo ng Center for People Empowerment in Governance(CENPEG), ang panukalang
federalismong isinusulong ni Sen. Pimentel ay umaalingawngaw sa panukala ni Jose V. Abueva, at nagpapalakas sa
kapangyarihan ng oligarkiya sa Filipinas imbes na bigyan ng kapangyarihan ang mga dukha at mahina.
Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng federalismo, at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano
ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng ibat
ibang pangkat etniko, relihiyoso, at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad. Ang ganitong mungkahi ay
ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, at nasa yugto ng digmaan, at wala nang magagawa pa kundi
pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo. Ang federalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong
pangkat na magsulong ng rebelyon, at tuluyang kumawala sa saklaw ng Filipinas. Ipinupunla ng federalismo ang
pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo
imbes na sa kabansaan ng buong Filipino.
Ikalawa, ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan, ani Abueva, ay hindi makauusad sa lumang
sistemang unitaryo kahit pa nakasaad iyon sa Saligang Batas ng 1987 at Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991. Sa
ganitong kuro-kuro, ang dapat inaalam ay kung ano ang mali sa pagsasakatuparan ng mga batas at patakaran ng
pamahalaan. Ang pagsasabing sumapit na sa wakas ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal dahil ang pangunahing

awtor niyon na si Sen. Pimentel ay bumaligtad saka pumabor sa federalismo ay simplistikong palusot sa kabiguan ng
desentralisasyon at debolusyon. Hindi makausad nang ganap ang desentralisasyon at debolusyon dahil hangga
ngayon ay hindi pa nasasapol ng taumbayan ang esensiya ng mga konseptong ito. Ang pagkakamali ay maaaring
malutas kung magtutulungan ang kapuwa pambansa at pamahalaang lokal sa implementasyon ng Kodigo.
Ikatlo, mabibigyan umano ng kapangyarihan ng Republikang Federal ang mga mamamayan, at mapatataas ang
estandard ng kabuhayan at pakikilahok sa pampolitikang aspekto. Ideal itong pangarap, ngunit hindi nito
isinasaalang-alang na ang mga lalawigan ay kontrolado pa rin ng ilang maykayang pamilya, at ang mga pamilyang
ito ang humahawak ng pampolitikang kapangyarihan. Ang korupsiyon, karahasan, at paghahari sa mga pamayanan
ay nakasalalay kung sinong pangkat ang may hawak ng sandata at kayamanan, at napakahirap ipangaral ang
kahusayan sa pamamahala sa mga liblib na nayong kulang sa oportunidad ang mga tao na makapag-aral at
humawak ng kayamanan.
Ikaapat, sinabi ni Abueva na ang federalismo ay makahihimok sa mga pinuno, negosyante, at taumbayan na maging
responsable at tanganan ang kanilang kapalaran. Ipinapalagay dito na makikilahok ang mga tao sa mga
pagpapasiya sa pamahalaan, ngunit maituturing itong panaginip hanggat hindi nabubuo ang mga maly,
organisadong mamamayan. Ang pag-unlad ng panukalang labing-isang nasyon ay sasalalay sa naimbak nitong
yaman, mulang likas yaman hanggang impraestruktura, komunikasyon, at transportasyon. Sa sitwasyon sa Filipinas,
ang paghahari ng mga maykayang pamilya at armadong pangkat ay matitiyak sa federalismo dahil tuwiran nitong
mahahawakan sa leeg ang taumbayan.
Ikalima, mapabibilis umano ng federalismo, ani Abueva, ang paglinang sa kaunlarang pampolitika, pang-ekonomiya,
panlipunan, at pangkultura. Magkakaroon umano ng inter-estadong kompetisyon sa pagkuha ng kapuwa domestiko
at banyagang pamumuhunan, propesyonal, manggagawa, turista, at iba pa. Lalago umano ang mga lalawiganing
wika, kultura, at sining. Maganda ito ngunit mananatiling pangarap lamang ito para sa ilan, dahil ang gayong
kompetisyon ay hindi nagpapamalas ng kompletaryong paghahayag ng kalakasan ng bawat nasyon, bagkus
naglalantad pa ng pagtatangi sa iba na mauuwi sa pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Nabansot ang mga
lalawiganing wika at kultura dahil na rin sa matagal na kapabayaan ng mga lokal na politiko, negosyante, at
intelektuwal na pawang pumanig sa paglinang ng Ingles at banyagang kultura, at hindi ito malulutas sa kisapmatang
federalismo. May itinatadhana na ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal at ang National Commission for Culture and the
Arts (NCCA) kung paano mapalalago ang katutubong kultura, ngunit ang nakapagtatakay hindi ito alam ng mga lokal
na opisyal kaya hindi naipatutupad nang ganap sa kani-kanilang lugar.
Pinakamahalagang aspektong binanggit ni Abueva na makapagpapalalim umano ng demokrasya ang federalismo
habang lumalaon. Sa ganitong palagay, animoy mahina ang demokrasya sa buong Filipinas. Kung mahina ang
demokrasya sa bansa, ang dapat pinagtutuunan ng mga politiko ay kung paano mapapalawak at mapatitibay ang
demokrasya at mauuwi ito sa dating implementasyon ng mga programa at patakaran sa mga lalawigan. Kung ang
parehong mga politiko at kaanak nila ang maghahari sa ibat ibang nasyon o rehiyon, ang pangarap na demokraya
ay para sa lalong ikalalakas ng oligarkiya dahil nasa sirkulo nito ang kayamanan, kapangyarihan, at koneksiyon
upang manatili sa poder.
Hindi malulutas ang problema ng bansa sa simpleng pagbabago ng Konstitusyon. Kung babaguhin man ang
Konstitusyon, kinakailangang pagbotohan muna ito ng mga mamamayang Filipino at isailalim sa Kumbensiyong
Pansaligang Batas, at hindi basta pakikialaman lamang ng mga mapagdududahang mambabatas ng Kongreso.
Maraming matitinong batas ang napagtibay sa Kongreso ngunit hindi ipinatutupad dahil na rin mismo sa maruming
pamumulitika. At yamang hindi ito ipinatutupad, ang dapat palitan ay ang mga namumuno sa pamahalaan at hindi
ang mga batas. Marahil, napapanahon nang makialam at gumising ang taumbayan at maghimagsik sa mapayapang
pamamaraan. Kailangang maging maly ang bawat Filipino sa ipinapanukalang federalismo at sistemang federal
na pamahalaan dahil ang ganitong pakana ay yumayanig sa pundasyon ng Filipinas at nagpapaalab para
magkawatak-watak ang mga Filipino ngayon at sa hinaharap

You might also like