You are on page 1of 2

Minsan may isang Kinawawa

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako.


Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang
pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Ang bangobango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga alam kung sumpa ito,
dahil dito naletse ang kinabukasan ko.
Tara makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit. Ang hirap
pag lahat sa iyo virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit
kaya nila ako ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na
kase di sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na
foreigners ang namyesta sa katawan ko, na-rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko
makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari,
hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan
yung mga sadistang Hapon at Coo. Kase, ibang-iba ang hagod
niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang
klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga
naging anak ko.
Parating ang dami naming regalo - may chocolates, yosi, ano ka!
May datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang
ako pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin
natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang
tinatakbuhan ko. 'Yun nga lang, lahat ng bagay may kapalit. Nung
kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal
kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko
tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong
pinapatay. P*** ng I**! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa
katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na
ang tanga tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak
ko, napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado
na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa
kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa
namin para ibayad sa mga inutang namin.
Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin. Ayun,
mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba
nag-US, Europe. 'Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala
naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan
namin, siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa
kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang
kinabukasan naming lahat. Dumating ang panahon na di na kami
halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na
kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira
sa akin. Napakasakit tanggapin na malinlang. Akala ko ay
makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas na
ipinakilala ng mga anak ko Hindi pala. Ang tanga ko talaga.
Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at
pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking
mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko
na lang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang
mga anak ko.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang,


namumuhi at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad
ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki
talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na
kulang. Paano na lang ang mga anak ko naiwan sa aking
punyetang puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nagabroad kong mga anak. Hindi na importante kung laspagin man
ang ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak ko.
Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako.
Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag usapan pa din. Sa tuwing
nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak
ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang
gagaling nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila
pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin. Tama man o mali. Proud
ako sa kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang nararamdaman para sa
akin.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May
malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kinikilalang ina. Halos
lahat sila galit sa isa't isa. Walang gusto magtulungan,
naghihilahan pa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang
sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin.
Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa
sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na
nga kilala sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga
anak ko. Isang buwan pa, magbabagong taon na. Natatakot ako
sa taong darating. Ngayon pa lang usap usapan na ang susunod
na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol
naman sa akin, ipaglaban naman nila ako.
Gusto kong isigaw: "INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"
Sige, dumadrama na ako. Masisira na ang make up ko nito eh.
Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.
Pilipinas nga pala.