You are on page 1of 7

Paul Ivan B Ceralde

3/28/16

Philo Paper
Pagiging Ako
Bilang panimulang pagmumuni-muni, nais kong hayaan kang mag-isip kung paano
ang mundo nang ikaw lamang ang umiiral? Hindi bat parang malungkot ata ang ganoong uri
ng mundo. Ako lang ang meron, baka nga ako ang Meron. Ngunit anong saysay ng aking
pagmemeron kung ako lang naman pala. Hindi bat parang napakahirap atang isipin nang
isang uri ng pag-iral na ikaw lamang ang umiiral. Parang wala ka atang mapanghuhugutan o
mahahanapan ng saysay sa pamumuhay. Mabuti na lamang at hindi ganoon ang sitwasyon ng
ating pag-iral.
Sa hipotetikal na pag-iisip na ito maaaring makita kung paano tayo: ako, ikaw, kahit
sino ay nagkakaroon ng utang na loob sa sangkatauhan, at sa mundo.
Unang una, sa ating pagkasilang ay hindi tayo biglaan na lamang sumulpot mula sa
wala, at samakatuwid ay hindi tayo nagsimula sa wala. Sa ating pagkapangak ay sinalubong
tayo ng lahat ng meron na umiiral sa mundo, lalong lalo ng ating mga magulang. May
nakatatag nang plataporma ng pag-iral, produkto ng ilang daang taon ng kulutral na progreso,
ilang daang libong taon ng ebolusyon, at ilang milyong taon ng pisikal na interaksyon.
Napakaraming nangyari nang wala tayo, at sa ating biglaang pagdating tayo ay sinalo. At
dahil dito ay mayroon tayong mapanghahawakang katotohanan tungo sa makabuluhang pagiral. Ang lahat ng bagay na nangyari na humantong sa ating pagkakameron ay may ambag sa
ating pagdating sa mundo. Sa ganitong pananaw, nag-uugat ang ating pagkakautang sa lahat
ng nagmemeron.
Ngunit mas mainam ata na ating himayin kung gaano nga ba kahalaga na mabigyang
pansin ang ganitong pananaw.
Sa bawat nibel ng meron1, ay mayroong isang natatanging elemento na naghihiwalay
ng isa sa iba. Nahihiwalay ang mga halaman sa mga materyal na meron dahil sa pagkakaroon
nito ng enerhiya ng buhay. Sapagkat ang mga materyal (e.g. bato, plastic, bakal, etc.) ay
umiiral lamang sa pamamagitan ng pagmamanipesto ng mga molekyul na bumubuo rito.
Ngunit ang mga halaman ay mayroong kakayahang tumubo at tumugon sa mga stimulus na
1 Pambungad sa Metapisika (Ferriols, 2002)

umiiral sa paligid. Naiiba naman ang mga halaman sa mga hayop dahil ang mga hayop ay
mayroong malay. Ibig sabihin nito, ang hayop ay bukas ang diwa ng hayop na umiiral ito, sila
ay kumilos ng ayon sa kanilang insticts, may kakayahan mag-isip at magproses ng mga
pangyayari. Kaya nilang mag-isip sa sitwasyon at tumugon ng naaayon. Sa taas ng nibel ng
meron matatagpuan ang mga tao dala ng ating pagkakaroon ng tinatawag na malay-sarili:
isang kamalayan sa pag-iral ng ating sarili at kamulatan sa mundo nang hindi tayo. Mayroon
tayong kakayahang bigkasin ang ating pag-iral, ang pag-ako natin at mulat tayo sa ating mga
sarili. Hindi tulad ng mga hayop, alam natin kung bakit natin ginagawa ang ating mga
gawawin. Mulat ang ating diwa at pangangatwiran na ating ginagamit araw-araw. May
kakayahan tayong magbigay dahilan at maunawaan ang mga bagay sa ating paligid.
Samakatuwid, mayroon tayong mas malalim na koneksyon sa mundo ng umiiral sapagkat
nagagawa nating ihiwalay ang ako sa hindi ako at hayaang bigkasin ang pareho.
Mayroon tayong kakayahang humananap ng katuturan sa pamumuhay, magkaroon ng mithiin
sa bawat pagkilos, mangarap, umunlad, magpaunlad at magmatino. Nagagawa nating
magpakatao dahil mulat tayo sa katotonan na tayo ay may kakayahan magmatino at nararapat
lang magmationo. Hini naman siguro gugustuhin ng kahit sino na mag-astang hayop na
lamang at mamuhay sa katutubong simbuyo.
Sa pundamental na usapin ng pagmemeron ay umuusbong na kaagad ang pananagutan
ng tao sa lahat ng umiiral sa mundo. Dahil, unang-una, tao tayo. At dahil tao tayo, mas
mataas sa materyal, sa halaman at sa hayop, mas may kapasidad at kapabilidad na mag-isip at
mamulat, ay mayroon tayong pananagutan sa mga ito. Ngunit kasama ng pananagutan na ito
ay siya ring pagtanaw ng utang na loob na nakamit natin ang ganitong katayuan dahil sa tila
pagbibigay daan ng lahat ng ibang meron. Na ang pinagmumulan ng pananagutan na iyon
ay ang kaunawaan sa isang utang na loob sa lahat ng meron dahil nang dahil sa kanila ay
nakakapag-ganito tayo.
Ang obligasyon magmatino na ito na ipinapataw sa tao dala ng mga nakalatag na
kundisyon ay maaaring mahango sa unang kwento ng paglikha sa bibliya 2 kung saan
makikita kung paano inilatag ang lahat ng nilikha, bago tayo, nang sa ganoon ang lahat ay
maisa-ayos at magkaroon ng sapat na kundisyon para sa ating pag-iral. At matapos ng ilaw at
dilim, langit, lupa, katubigan, halaman at hayop ay tayo ang nilikha. Kasama ng pribilehiyo
na inihandog sa atin ng Lumikha ay ang isang kasunduan na tayo ang magpapangasiwa ng
2 Genesis 1:1-2:3

pagusbong at pagpapanatili ng buhay ng lahat ng nilikha bago tayo. Mababasa mula sa


relihiyosong kasulatan na ito ang mismong pagtakda ng pagkakautang na loob sabay
pananagutan natin sa mundo at sa lahat ng meron.
Kung babalikan ang kasaysayan ng tao ay makikita na tayo ay nakarating sa kung ano
mang progreso na meron dahil sa pagtanaw ng utang na loob sa bawat miyembro ng lipunan.
Mayroong relasyon na umiiral maski noon pa na nagpapanatili sa kaayusan ng sangkatauhan.
Mapapansin na sa bawat estabilisadong lipunan ay mayroong matatag na pundasyon ng
populasyon ng mga manggagawa o mga taong gumagawa o kumikilos para sa ikabubuhay ng
mas nakararami. Mahalaga ang mga mangagaso at magsasaka na siyang nagbibigay pagkain
sa lahat. Sa panahon ng digmaan, nagwawagi ang mga bayan na mayroong mas marami, mas
malakas at mas organisadong mga sundalo na tila mga piyesa lamang na ituring kung
labanan. Mula sa malaking lipon na ito ay nagkakaroon ng ilang mga mamamayan na mas
nakaaangat sa buhay. Sila ay mayroong kaparehong halaga sa lipunan sa pamamagitan ng
paggampan nila sa ibat ibang mga gawain tulad na lamang ng pagiging guro, pagtitinda,
pagiging maglalakbay at iba pa. Ang istrktraktura ay nakasaayos sa paraan na ang mga nasa
taas ay mayroon lamang kaparehong o higit na pagdedepende sa mga taong sumasailalim sa
kanila. Ngunit hindi naman nangyayari na itinataob ng mga nasa ilalim na ito ang mga
nakatataas bagkus ay pinagsisilbihan pa nga. Hindi naman siguro dahil sila ay bulag sa
katotohanan nang gamitan na ito kung hindi ay mas pinili lamang nila magbigay daan
tungo sa kaayusan. Bilang tugon, ang mga nasa itaas ay nararapat na magbigay tugon rin sa
pangangailangan ng mga kabilang sa mas mababang estado ng pamumuhay sapagkat sila ang
pundasyon ng kanilang kinatatayuan.
Ang pagiging mulat sa relasyon na umiiral sa bawat miyembro ng lipunan ay siyang
nagpapanatili ng kaayusan. Na kahit saang katayuan ka man kabilang ay kabahagi ka ng mas
malaking larawan at kaya ka nariyan sa kinaroroonan mo ay dahil sa pagkilos ng malaking
makinarya na ito. Hindi mo maaaring masabi na naabot mo ang itaas ng mag-isa ka lang.
Walang taong kayang lumutang. Lahat tayo ay may natatapakan sa pagtaas, at ang kanilang
pagtanggap sa pagtapak na ito ay siyang dapat tanawin natin bilang pagkakautang.
Sapat na siguro ang dalawang bagay na ito upang masabi na ako, ang aking pag-ako,
ang aking sarili, ay nanggagaling sa mga hindi ako, sa mga bagay na hiwalay sa aking
sarili. Sapagkat nagagawa kong bigkasin ang aking pagkatao sa pamamagitan ng aking
pakikitungo sa kalikasan, sa mga bagay na hindi ako. Nahihiwalay ko ang aking sarili mula

sa pagmemeron ng iba sa pamamagitan ng aking pagmamalay-sarili. At sa paggamit rin ng


kaparehong pagmamalay-sarili na ito ay nagagawa kong mabigkas ang aking sarili sa gitna
ng pakikisalamuha ko sa aking kapwa tao na mayroon ring pansariling malay-sarili.
Samakatuwid ako ay nabubuo, at patuloy na binubuo tungo sa pamumuhay na matino at
makabuluhan sa likod ng pagmemeron ng hindi ako.
Sa usapin ng pagkakaroon ng utang na loob na ito ay umuusbong ang tanong na
paano?. Paano maging mulat sa katotohanan na ako ay ako, hindi dahil sa akin kundi dahil
sa mga meron na hindi ako.
Ayon kay Schleiermacher, mayroon tayong mga karanasan sa buhay na maaaring
maituring bilang espesyal o sagrado sapagkat itong mga karanasan na ito ay nahihiwalay sa
ating karaniwang pang-araw-araw na gawain. Tinatawag niya itong relihiyosong
karanasanan sapagkat mula sa pagdanas sa mga pangyayaring ito ay natatauhan tayo sa
katotohanan ng ating kaliitan bilang mga nilalang sa sangkalawakan, ngunit kasabay nito ay
ang ating pagkamulat sa halaga ng bawat isa at pagkakautang na loob sa bawat sangnilikha.
Karaniwan sa tao ang mamuhay na unahin ang sariling kapakanan, sapagkat lahat ng
tao, lahat ng nilalang, ay mayroong pagpupunyaging mabuhay. Kaya naman ginagawa natin
ang ating mga ginagawa araw-araw para magkaroon tayo ng pagkakataong gawin at danasin
ang buhay na ating minimithi sa hinaharap. Ang ganitong uri ng pagkilos ay gumagalaw sa
nibel ng malay-sarili na mailulugar sa konkreto o tahasang kategorya. Sapagkat sa pinipili
nating araw-araw na gawain ay nakapagtatatag tayo ng ating pagka-ako na maaaring bigkasin
at maitala sa isang katiting na papel. Ito ang mga uri ng pagkilos na mulat tayo sa
kahihinatnan.
Umiiral ngayon ang relihiyosong karanasan sa mga pagkilos at gawain na labas sa
konkretong nibel na ito. Sapagkat ang ganitong karanasan ay nakadirekta patungo sa kapwa
na mayroong pabalik na nilalaman tungo sa ating sarili. Ito ay iyong mga uri ng pagkilos na
nagbibigay halaga una sa kapakanan ng kapwa, ng walang intensyong pansarili, ngunit
mayroong hindi maintindihan pakiramdam ng pagkabuo, ng saglitang kaganapan, ng
pagdagdag sa sarili na ating natatamasa. Hindi naman natin ito sinadya o minithi. Hindi ito
bahagi ng ating pangkaraniwang gawain na kung saan maaaring maitala sa papel ang
pangyayari at ang mismong nakamit. Ito ay isang hindi konkretong karanasan na nagmula sa
konkretong interaksyon sa kapwa na kung saan nagkakaroon ng mas mabigat na kamalayan
ang bawat isa sa kanilang sarili. Relihiyosong karanasan ang nagbubukas ng ating isipan sa

maaaring katotohanan na mayroon nga tayong pagkakautang na loob sa ating kapwa at na ang
buhay na ito ay hindi lamang umiikot sa ating pansariling pangangailangan mamuhay kung
hindi ay mayroon ring pangangailangang mamulat sa totoong mga nagmemeron na labas sa
ating sarili na siyang nanghihikayat sa ating magpaka-tayo, magpakatao.
Sa pagkilala sa karanasan na ito ay mas napapalawak natin ang ating abot-tanaw sa
mundo. Namumuhay tayo hindi lamang para sa ating sarili kung hind para sa lahat ng
kasabayan nating umiiral na siya ring may kagagawan kung bakit nagagawa nating mamuhay
bilang mga tao. Binubuksan ng ganitong karanasan ang usapin tungo sa hindi ako na
nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa pag-ako ko.
Naalala ko ang aking guro sa paksa ng kimika noong hayskul. Nagtapos siya ng
kanyang PhD ng Pharmacology sa isang prestihiyosong unibersidad sa Britanya. Nakwento
niya sa amin na karamihan ng kanyang mga kasamahang nagtapos ay nagtatrabaho sa
industriya ng mga gamot at malalaking kompanya ng mga kakanin na kung saan silay
kumikita ng malaking salapi. Ngunit hindi raw niya makita ang sarili niya sa ganitong uri ng
pamumuhay. Sapagkat ayon sa kwento ng mga kaibigan niya, ang uri raw ng trabaho na
meron sila ay iyong matatawag mong stagnant o tila walang damdamin ng pag-unlad bilang
tao. Mas pinili niyang bumalik sa bansa at maglingkod sa pamamagitan ng pagtuturo. Sa
ganitong paraan ay patuloy raw siyang natututo at nagkakaroon ng pagkakatoon na
mapalawak ang perspektibo sa pamumuhay sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga
estudyante at kapwa guro. Patuloy na pagtubo mula sa karanasan ng kapwa at pakikilahok sa
mas bukas na pakikipag-uganyan, iyon raw ang nagbibigay sa kanya ng ganang magtrabaho.
Sapagkat para sa kanya mas mahalaga ang pakiramdam ng pag-unlad ng sarili kesa sa pagunlad na idinidikta ng mundo.
Ang nais ko lang maiparating sa anekdota na ito ay na mayroon talagang matinding
damdamin ng pagpupumilit na nadaranas ang tao na hanapin ang kanyang kahulugan at na
magkaroon ng mas malalim na saysay at integral na pag-unlad 3 kasabay ng pagpupunyagi
nitong mabuhay. Hindi lamang tayo mga nilalang na lumilipas, lumalaki, tumatanda at saka
nawawala. Hindi lamang tayo bahagi ng isang malaking Sistema ng makinarya na kumikilos
sa pagdaloy ng panahon. Tayo ay mga nilalang na nagnanais ng paghipo sa kaganapan at na
patuloy inaasam ang kaunlaran ng ating pagkatao. Ang kalikasan nating ito ay hindi
umuusbong sa ating mismong pagmemeron kung hindi ay produkto ng ating
3 Populurum Progressio (Papa Pablo VI, 1967)

pakikipagbanggaan sa pagmemeron ng lahat ng mga bagay sa mundo. Ang ating pagnanais na


ito samakatuwid ay maipapalagay natin sa bawat tao na ating nakasalubong sa buhay, sa
hangin na ating hinihinga, sa ating mga magulang, mga lupang tinatapakan. Sa madaling
salita, sa sangkalahatan.
Ayon sa dokumentaryong I am (2012) ni Tom Shadyac4, ang pagiging tao ng mga tao
ay mahahanap sa ating pagiging komunal na mga nilalang. Isa sa mga pangunahing dahilan
kung paanong nagawang malampasan ng species ng mga tao ang hamon ng ebolusyon
bagamat itoy isa sa mga mahihinang uri sa pisikal na usapin ay dahil nagawa nating
magkaroon ng sistematikong uri ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkilos
bilang isang komunidad. Mulat tayo sa ating sarili at sa pag-iral ng ating kapwa bilang mga
nilalang na parehong instrument at wakas maski noong tayoy mga salbahe pa.
Kung gayon ang tao pala sa kalikasan nito ay komunal, nabibilang sa grupo at hindi
lamang namumuhay magisa. Kaya nga siguro tayo binigyang kataga bilang social beings. At
kaya rin siguro nahugot ang pahayag na no man is an island. Dito na rin siguro umiiral
talaga ang kakanyahan ng religious experience sa pagpapakatao. Sapagkat kung tutuusin,
wala talagang pagkilos ang tao na ginawa lang nito mag-isa. At mas lalong walang karanasan
ang tao na dinanas lang nito mag-isa. Lagi nating nararanasan ay ang karanasan ng isang
kabuuan na mas malaki sa atin at sa pagdanas na ito ay tayo mismo ay nagiging bahagi ng
kabuuan na iyon. Kung hindi natin papansinin ang ganitong karanasan, ang ganitong
pagkakataon na maging bahagi ng mas malaki, hindi bat napakalaking kawalan ata noon sa
ating pagkatao. May malaking butas na maiiwan kung hindi natin magawang tanawin ang
ating pagiging bahagi ng sangkatauhan. Kung isasara lamang natin an gating sarili sa ating
sariling minimithi at mamuhay ng buhay na tayo lamang ang pumapa-ibabaw, napakababaw
ata noon. Sayang ata ang lahat ng panahon na hinubog ng kalikasan ang mundong iyong
kinalalagyan kung mamumuhay ka lang ng para sa iyong sarili. Makasarili at hindi makatao
ang ganitong buhay.
Karaniwang kinakalabasan ng pananaw ng pakikibahagi ay ang mapagpakumbabang
prinsipyo ng pamumuhay. Sapagkat nakikita natin na tayo ay nakakatayo dahil mayroon
tayong tinatayuan, mayroon tayong pagtanggap na tayo ay umaasa sa iba, sa hindi tayo,
upang umiral. Mayroong matinding pagkakaisang umiiral sa aking sarili at sa sanlibutan na
nabibigyang pagkakataon dahil sa kamulatan na ito. Ito ay tinatawag ni Schleiermacher
4 I am (Tom Shadyac, 2002)

bilang absolute dependence. Sapagkat nakikita natin na ang ating pag-iral ay hindi naman
pala purong produkto ng ating sariling pagpupursigi lamang kung hindi ay mayroon talagang
pakikipag-ugnayan na umiiral sa atin at sa lahat ng meron sa mundo. Makikita na kailangan
natin ang iba para magkaroon ng ako, at hindi kayang magkaroon ng ako ng walang iba.
Kapareho naman nito ang pangangailangan rin ng iba sa akin. Isang matinding absolutong
pangangailangan na tila nagbibigay sa atin ng saysay para umiral.
Sa ating patuloy na pagdanas sa relihyosong karanasan ay mas lalong napapatindi ang
ating pagtamasa ng pakiramdam na tayoy bahagi ng walang hanggan bagamat tayoy may
hangganan. Sa pagbukas ng ating mga mata sa posibilidad ng pag-iral ng walang hanggan,
matapos ng ating pagdanas sa pakikiisa sa sanlibutan at sa ating pagtanaw ng utang na loob sa
bawat sangnlikiha ay hindi maiiwasang maituro ang isang Diyos bilang pinagmumulan ng
lahat ng meron. Sapagkat hindi ata maaari na nararamdaman ko ang pagkiling na ito sa
kapwa na labas sa aking sarili nang walang nakatataas na elemento na nanghihikayat sa akin
makibahagi. Hindi maiiwasang sambitin ang posibilidad ng isang Diyos na pumapatnubay sa
atin upang danasin ang mga karanasang ating nasasalubong sa buhay na siyang biglaang
nakapagbabago sa ating pananaw at nagbubukas ng mas malawak na abot-tanaw ng ating
kaunawaan.
Bilang isang taong nagmamatino, hindi ata matino isipin na ang lahat ng pakiramdam
na ito ay nag-uugat lamang sa ating budhi bilang mga tao. Nararamdaman natin na kahit
tayoy magkakaiba sa nibel ng pagpapakatao, maski sa nibel ng pagmemeron ng bawat
meron, ay tayoy konektado at kabahagi pa rin ng isang sistemang pinalilibutan ng buhay at
meron. Ang bawat pagtibok ng ating puso ay tila nakaritmo sa bawat siklong umiiral sa
kalikasan at tila isang awit na nakikisabay sa kumpas ng pagtibok ng buhay ng bawat
nilalang. Tayo ay bahagi ng lahat ng nagmemeron na ito. Tayo ay nakapako sa kaisahan na
ito. Ngunit sa ganitong paraan ay nalalampasan natin ang kalakihan ng ating mga ulo at
nagagawang mamuhay ng mas malaya, labas sa makamundong pagnanasa at makasariling
intension tungo sa buong purong kaunlaran ng sarili at pagpapatalas ng katinuan.

You might also like