DOMINASYON- talamak at napapanahon ang samu't saring mga balita tungkol sa pag- aagawan ng kapangyarihan ng iba't ibang bansa sa daigdig. Tila hindi nauubos ang "luho" at pag- aasam ng mga bansa upang makamtan ang yaman at kapangyarihan... Huwag na lumayo at bigyang pansin na lamang ang patuloy na nag-iinit na sigalot sa West Philippine Sea. Hindi matapos-tapos ang hidwaan sa pagitan ng mga Intsik at mga Noypi. Lahat ay sumusugal, matikman lamang ang isang patak ng yaman mula sa ngayo'y kilalang- kilala na Scarborough Shoal. Nakakatakot isipin na parang isang ruta lamang ang patutunguhan nito... GIYERA! Kung susuriin, bawat digmaan na naganap sa daigdig ay nagsimula sa iisang bagay. Lahat ay nag-asam ng kapangyarihan at yaman, kakarampot man o malawakan. Ngunit ang iba ay halos mawala na sa katinuan maghari lamang sa buong daigdig. Tulad ni Adolf Hitler na takam na takam sa paghahari sa buong daigdig. Nakakatakot.... Nakakakaba... Pero kailangang maghanda... Hindi na malabo ang mga pangyayaring ito. Kung lalambot-lambot, walang maaabot. Kung duduwag-duwag, ika'y mapapagpag... Kailangang mamulat ang kamalayan ukol sa mga pangyayaring nagaganap sa palagid... Kasi baka sa isang patak, lahat na ay sumalaksak. MAG-INGAT.