You are on page 1of 3

K12 NG KABATAAN

Talumpating binigkas sa assembly ng SK Mindanao sa Davao.

Mahalaga ang letrang K o Ka sa ating kasaysayan, partikular sa pagbubuo ng bansa at


pagsasabuhay sa diwa ng nasyonalismo. Mula KKK nina Bonifacio, ginamit ang simbolo ng
baybaying Ka upang isalarawan ang rebolusyonaryong hangarin ng mamamayan. Ngayon ang
sikat na K ay may kinalaman sa programa ng DepEd: ito ang K-to-12. Pero kontrobersiyal ang
programang ito at maaari pa ngang magpahamak sa edukasyon ng bansa kung hindi tutugunan
ng pamahalaan ang mga rekisitos na kailangan para itoy magtagumpay. Bukod pa ditoy hindi
pa lubusang nasasagot ang tanong kung ito ba ang pinakamainam na solusyon sa
dambuhalang krisis na bumabalot sa sistema ng edukasyon.

Bilang mag-aaral at kabataan, dapat kalahok kayo sa debate ukol sa K-12. Kayo ang maging
boses ng kasunod na henerasyon na tiyak apektado ng programang ito.

Iwanan natin pansamantala ang K-12 ng DepEd dahil may ibang K12 na nais kong talakayin
ngayong hapon. Dahil kaharap ko ngayon ang mga lider-kabataan ng bansa, may mungkahi
akong labingdalawang K o K12 na sa tingin koy dapat taglayin o abutin ng ating mga kabataan.
Anu-ano ang mga K12 na ito?

1. Karunungan. Kaisipan. Kaliwanagan ng pag-iisip. Hindi ito nakukuha sa pagpasok sa


pamantasan at minsan ang pormal na pag-aaral ay nagiging hadlang pa nga upang pumanig
tayo sa katotohanan. Ang susi sa karunungan ay dapat may bukas tayong pag-iisip. Handang
subukin ang mga bagong ideya o teorya. Ang kritikal at matalas na pag-iisip ay tanda ng
maayos na kalusugan.

2. Kilos. Kapasyahan. Kasipagan. Kusa. Walang saysay ang katalinuhan kung walang aksiyon.
Dapat laging mapagpasya, may kahandaan at inisyatiba sa lahat ng bagay. Sipag hindi lamang
sa trabaho kundi sa pag-abot sa ating mga minimithing adhikain sa buhay. Kung walang
pagkilos ng kabataan, mabagal din ang pag-usbong ng bago o maaaring manatili ang bulok na
luma.

3. Katapatan. Kalinisan. Kabutihang-loob. Mag-ipon ng kagandahang-asal, hindi materyal na


bagay; ito ang sukatan ng tunay na kayamanan. Pero huwag sanang dumulo ito sa mababaw
na moralidad. Katapatan sa ating sinumpaang tungkulin. Kalinisan ng budhi at konsiyensiya.
Kabutihan na may kinalaman sa pagtalima sa piniling prinsipyo sa buhay. Buhay na inalay sa
isang dakilang misyon.
4. Komunikasyon. Epektibong propagandista ang bata; may sariwang perspektiba, edukadong
opinyon na tiyak gagalangin ng iba. Mapalad ang inyong henerasyon dahil nariyan ang ibat
ibang teknolohiya na pinapabilis ang komunikasyon at palitan ng impormasyon. Pero kapag
sobra-sobra na ang daloy o buhos ng datos, lalo na ng maling kaisipan at mga walang
katuturang detalye, dapat tumulong tayo para ang mangibabaw ay katotohanan at kaliwanagan.
Mag-usap, magchat, maging aktibo sa social network nang hindi nawawala sa isip ang
motibong mag-ambag sa pagpapatibay ng ating pagkatao. Komunikasyon para sa kabutihan ng
tao.

5. Karapatan: Kasuotan, Kabahayan, Kabuhayan, Kapayapaan, Katarungan, Kalayaan.


Krusada para sa pagbabago. Kampanya para sa mga batayang pangangailangan ng tao sa
buhay at mga kongkretong kagustuhan na magpapaunlad sa kalidad ng pamumuhay. Hindi
sapat na may pagkain, dapat may dignidad din. Trabaho na may dangal. Walang silbi ang
mansiyon sa isang lipunang walang kalayaan, demokrasya, at pagkapantay-pantay.
Kapayapaan batay sa katarungang panlipunan.

6. Katapangan. Kagitingan. Kabayanihan. Hindi tayo kapos sa halimbawa: Propaganda. La Liga


Filipina. KKK. Mga kabataang lumaban noong Philippine-American War at World War II. First
Quarter Storm. Edsa 1986. Kampanya para sa pagpapatalsik ng Base Militar. Edsa 2001.
Mapusok ang kabataan, at dapat ang galit ay gamitin laban sa mga tiwali. Ang kapangahasan
ay kailangan para sumilang ang bago at pagbabago. Kaaway ng kabataan at pagbabago ang
sinumang nagnanais na ilimita ang potensiyal ng bata na tumulong sa pagpapanday ng bagong
kaayusan.

7. Komunidad. Hindi kanya-kanya, hindi indibidwalismo, hindi mapanirang kumpetisyon. Dapat


bayanihan sa komunidad. Bahagi tayo ng mas malalaking yunit sa bansa. Mayroon tayong
kapamilya, kapuso, kapatid, kalahi, kabarkada, kasambahay, katropa. Ang pasya ng karamihan
ang dapat mangibabaw, hindi ang sakim na pansariling interes. Mas bigyang timbang ang
kapakanan ng nakakarami at hindi ng pinagpalang iilan. Pribilehiyo ang maging kasapi ng
komunidad; hindi dapat yumuko ang komunidad sa dikta ng pribilehiyo.

8. Kolektibo. Katipunan. Kapwa. Kasama. Kapitbahay. Kaibigan. Dapat lahat kabahagi sa pag-
usad ng panahon; walang iwanan. Imbes na pangaraping maging sentro ng mundo, dapat ang
kapangyarihan ng tao ay gamitin para lumikha ng bagong daigdig ng mga tao. Pagkakaisa at
pagbubuklod-buklod para tapusin na ang pang-aapi ng tao sa kapwa tao.

9. Kalikasan. Dahil iisa lang ang ating daigidg. Sino pa ang dapat manguna sa pagtatanggol ng
kalikasan kundi ang kabataan na magmamana sa planetang ito. Kabundukan. Katubigan.
Kapatagan. Kagubatan. Kalawakan. Kalunsuran. Kanayunan.
10. Kultura. Kasaysayan. Mayaman at makulay ang ating nakaraan at ang bakas nitoy buhay
na buhay pa rin sa maraming komunidad. Pero nakakabahala ang paglimot at mababang
pagpapahalaga ng ilan sa ating kultura. Kaugnay nito ang mababaw na pagkilala sa
kapangyarihan ng kasaysayan. Paano tayo lalaban sa ibang lahi sa panahon ng globalisasyon
kung wala tayong malalim na pag-unawa sa ating pagkakakilanlan? Kulturang popular ng ibang
bayan ang ipapasa ng kabataan sa hinaharap kung walang sustinidong pagbabaliktanaw sa
ating nakaraan. Pero kapag armado ng aral ng kasaysayan, magagamit ito ng kabataan sa
paggampan ng kanyang dakilang misyon na lumikha ng bagong kasaysayan.

11. Kinabukasan. Kasaganahan. Kaginhawaan. Kaligayahan. Pag-asa ng bayan kung


gagamitin ang lakas, giting at talino; at handang kumilos para magkaroon tayo ng mas
maaliwalas na kinabukasan. Imposible? Hindi kung kikilos ang marami ngayon; kung babasagin
ang katahimikang tinakda ng mga mapang-api; at kung tuluy-tuloy ang pag-abot sa matamis na
pangarap

12. Kabataan. Dahil ang kabataan ay tinatakda din ng mentalidad, aktitud, at gawi ng tao. Ang
tao ay tumatanda kapag bumibitiw siya sa kanyang prinsipyo. Subalit nananatili siyang bata
habang patuloy na lumalaban, nakikibaka, at nangangarap. Si Harry Potter, the boy who lived.
Si Peter Pan, the boy who never grew up. Si Benjamin Button, pabaliktad ang kanyang pagbata
at pagtanda. Maraming bata pero maagang sumuko sa mga hamon ng buhay; nasilaw at
nalason sa tuksong dala ng salapi, katanyagan, at kapangyarihan.

You might also like