You are on page 1of 3

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran.

Sabi nila, ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di ko nga
alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.

Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.

Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pag lahat sa
iyo, virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi ko
maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas palad ko naman silang
pinakitunguhan, ni hindi ko nga itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi di sila
taga rito kaya siguro talagang ganoon.
Tatlong malilibog na foreigners ang nagpyesta sa katawan ko. Sabi nila na-rape daw
ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan.

Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-
iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. May mga
pagkakaton na nasusuka na ko sa mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag
humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason ako.. Gusto ko mang umayaw,
hindi ko makuhang humindi. Hindi ko din alam kung bakit. Ibang klase din kasi siya
mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga naging anak ko.

Alam mo, parating ang dami naming regalo – may chocolates, yosi at ano ka! May
datung pa! Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit niya lang ako pero pagamit
naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat
ha! Magbasa pa!

Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami! Ewan ko
nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan
namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay.

Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong
malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Palayasin ko na daw. Taon ang
binilang bago ako natauhang makining sa payo. Iniisip ko kasi na parang di ko
kakayanin na mawala siya sa akin… Sa amin! .

Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang demonyo pero ang hirap
magsimula. Hindi nga ako sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa.
Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya,
kaya eto nabaon kami sa utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang yata
pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.
Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko,
siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, kapit sa patalim sabi nga nila. Para akong
isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag
nangangailangan.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa.


Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at humahalina
ay nabibili sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa akin,
nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita ng mga anak ko, na masasandalan
nila ako maski ano pang mangyari.

Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay
namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa Japan,
Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa
akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali ako.

Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang
dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa
punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos di na kami
makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng
utang ko eh. Palaki pa ng palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking
puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka di na nila ako balikan
o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama
lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat para
sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang
bilib sa akin. Napapag-usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin,
nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan.
Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila pumunta.
Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man,
nahihilaw pa.

Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay di kami naging isang
pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isa’t isa. IIlan ang gusto magtulungan,
naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong
nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?
Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong
may mga pinag-aralan pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid
nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno nanggaling ang kasikiman ng ilan sa
mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin.
Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos
mamatay sa hirap ng buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at
walang pagmamalasakit.

Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital
ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko.
Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang
hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang nakakalula ang
materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko
maintindihan.

Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang linggo
pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-
usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin. Gagamitin pa nila ang kahinaan ng
mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito ang
sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may magtanggol
naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: “Ina ninyo ako!
Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!”

Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha,
pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating nag-
usap, di man lang ako nagpapakilala.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.

You might also like