You are on page 1of 15

MGA EPIKO NG PILIPINAS

 Agyu (Epiko ng Ilianon)


 Alim (Epiko ng mga Ifugao)
 Bantugan (Epikong Mindanao)
 Bidasari (Epikong Mindanao)
 Hudhud: Ang Kuwento ni Aliguyon (Epiko ng mga Ifugao)
 Humadapnon (Epikong Panay)
 Ibalon (Epikong Bicolano)
 Indarapatra at Sulayman (Epikong Mindanao)
 Labaw Donggon (Epikong Bisaya)
 Lam-ang (Epikong Ilokano)
 Maragtas (Epikong Bisayas)
 Tulalang (Epiko ng Manobo)
 Tuwaang (Epiko ng mga Bagobo)
 Ullalim (Epiko ng Kalinga)
Agyu (Epiko ng Ilianon)
Ang mga bayaning sina Banlak, Agyu, at Kuyasu ay nakatira sa bayan ng
Ayuman. Sa tradisyong Ilianon sila’y magkakapatid na anak ni Pamulaw. Si Agyu
ay may apat na kapatid na babae, ngunit sina Yambungon at Ikawangon lamang ang
binanggit sa epiko. Isang araw nagpadala si Agyu sa datung Moro ng siyam na
komu-buu-buong pagkit sa pamamagitan nina Kuyasu at Banlak. Nagalit ang
datung Moro dahil kakaunti ang pagkit pambayad, kaya’t kanyang ibinalibag ang
pagkit kay Kuyasu na tumama sa may ulser. Gumanti si Kuyasu at kanyang sinibat
ang datu na tinamaan sa dibdib. Nahulaan ni Agyu na magkakagiyera dahil napatay
ang datu. Nagtungo sila sa Ilian at ipinasiya ni Agyu na magtayo ng kuta sa bundok
ng Ilian. Ang mga mandirigmang Morong nagdaan sa Ilog Palangi ay dumating at
nakita ang kutang ginawa ng mga Ilianon. Nakipaglaban sina Agyu sa mga Moro at
halos naubos ang mga kaaway.
Pagkatapos ng tagumpay, ipinasya ni Agyu na lumipat sa bayan. Pinili niya
ang bundok ng Pinamatun. Hanggang narating nila ang bayang Tigyandang at dito
sila sinalakay. Lumaban ang mga tauhan ni Agyu sa pampangin ng look ng
Linayagon. Nang sila’y naubusan ng tauhan, ang batang anak ni Agyu na si
Tanagyaw ay nagprisintang sasagupa sa mga kaaway. Napatay niyang lahat ang
kalaban nang ikaapat na araw. Narating ni Tanagyaw ang bayang
Bablayon. Nanghihilakbot ang mga tao rito at nang malaman niyang lulusubin sila
ng mga kaaway o mananakop nanlaban at napatay ni Tanagyaw ang mga
mananakop. Dahil dito ay ipinakasal ng datu ang kanyang anak kay Tanagyaw.
Di nagluwa’t ang bayan ni Agyu ay nanganib din sa mga mananakop na galing
sa ibayong dagat. Ang mga lalaki, bata at matanda ay sinabihang lumaban ngunit
sila’y natalo. Hinulaan ng propeta ang malagim nilang wakas ngunit sinalungat at
pinarusahan siya ni Tanagyaw. Nagbihis siya ng sampung suson makasiyam ang
kapal at dinampot ang kanyang sibat at kalasag na hindi nasisira. Nilabanan niya
ang mga mananakop sa dalampasigan. Naghambalong ang mga patay, patung-
patong, na parang bundok at burol.
Itinalaga ni Agyu ang bayan sa kanyang matagumpay na anak na nanirahan
doon kasama ang kanyang kaakit-akit na asawa.
Alim (Epiko ng mga Ifugao)

Ang epikong Alim ng mga Ifugao ay nagsasalaysay ng isang panahong ang lupain ay
saganang-sagana. Maging ang mga ilog at dagat ay sagana sa isda. Ang mga kagubatan ay
maraming mga hayop na madaling hulihin. Walang suliranin ang mga tao tungkol sa pagkain. Pag
ibig nilang kumain, wala silang gagawin kundi pumutol ng biyas na kawayan at naroroon na ang
bigas na isasaing. Ang biyas ng kawayan ay siya ring pagsasaingan. Noon, ang daigdig ay patag
na patag maliban sa dalawang bundok : ang Bundok ng Amuyaw at ang Bundok ng Kalawitan.
Dumating ang panahong hindi pumatak ang ulan. Natuyo ang mga ilog. Namatay ang
mga tao. Humukay ang ilang natitirang tao ng ilog. Ang tubig ay bumalong. Natuwa ang mga
tao at sila ay nagdiwang. Subalit bumuhos ang malakas na ulan, umapaw ang mga ilog. Tumaas
nang tumaas ang tubig. Nagsipagtakbo ang mga tao sa dalawang bundok subalit inabot din sila
ng baha. Nalunod na lahat ang mga tao maliban sa magkapatid na sina Bugan at Wigan.
Nang bumaba na ang baha, nagpaningas ng apoy si Bugan sa bundok ng Kalawitan. Nakita
ito ni Wigan sa kanyang kinaroroonan sa bundok ng Amuyaw. Pumunta si Wigan kay
Bugan. Nalaman nilang silang dalawa lamang magkapatid ang natirang tao sa daigdig. Nagtayo
ng bahay si Wigan na tinirahan nila ni Bugan. Pagkaraan ng ilang panahon, si Bugan ay
nagdalantao. Dahil sa malaking kahihiyan tinangka ni Bugan na magpakamatay.
Pinigil siya ng isang matanda. Ito'y bathala ng mga Ifugao, si Makanungan. Ikinasal ni
Makanungan si Wigan at si Bugan. Nagkaroon sila ng siyam na anak, limang lalaki at apat na
babae. Nang dumating sila sa hustong gulang, ang apat na lalaki ay ikinasal sa apat na babae. Ang
bunsong lalaki na si Igon ang natirang walang asawa. Namuhay silang masagana.
Paglipas ng ilang panahon, nakaranas sila ng tagtuyot. Wala silang ani. Naalala ni Wigan
at ni Bugan si Makanungan. Sila'y nanawagan dito at hinandugan nila ng alay na daga. Patuloy
pa rin ang tagtuyot. Naisipan nilang si Igon ang patayin at siyang ihandog sa Bathala. Natapos
ang pagsasalat at tuyot.
Subalit nagalit si Makanungan sa ginawa nilang pagpatay at paghahandog ng buhay ni
Igon. Isinumpa niya ang mga anak nina Wigan at Bugan. Sinabi niyang maghihiwa-hiwalay ang
magkakapatid - sa timog, sa hilaga, sa kanluran, sa silangan. Kapag sila'y nagkita-kita, sila'y mag-
aaway at magpapatayan. Kaya't ang mga tribong ito ng mga tao sa kabundukan, magpahangga
ngayon ay naglalaban at nagpapatayan.
Bantugan (Epikong Mindanao)

Si Bantugan ay isang malakas at matapang na prinsipe. Nakatira siya sa


kahariang Bumbaran kasama ng kanyang kapatid na si Haring Madali. Ang hari ay
nagselos sa kanyang kapatid dahil sikat si Prinsipe Bantugan sa buong kaharian.
Dahil dito pinagbawalan niya ang kanyang mga alipin na kausapin o mga usapin
tungkol sa Prinsipe. Nalungkot si Bantugan, at nagpasya na umalis sa kanyang
kaharian at pumunta sa ibang lugar. Sa kasamang palad namatay ang Prinsipe sa
hagdanan ng kabilang kaharian. Nalaman ni Haring Madali ang nagyari sa kanyang
kapatid, nagsisi ang Hari sa kanyang ginawa kaya pinagpasya niya na kunin ang
kaluluwa ng Prinsipe sa langit. Nagwagi ang Hari at nabuhay ulit ang Prinsipe. Ang
nalaman ng kaaway nilang kaharian ang pagkamatay ng Prinsipe, at inisip na
salakayin ang kaharian. Hindi nila narinig ang pagkabuhay ng Prinsipe kaya hindi sila
nagtagumpay.

Bidasari (Epikong Mindanao)


Sa Kembayat, masaya ang lahat sa balitang nagdadalantao ang sultana, nang
biglang sumalakay si Garuda, isang higanteng ibon na salot sa kaharian. Dahil sa
takot at pagkakagulo, napahiwalay ang sultan at sultana sa mag tao at inabutan ng
panganganak ang sultana sa tabing-ilog. Sa pagmamadali, naiwan nila ang sanggol
sa isang bangka. Di naglaon ay napulot ni Diyuhara ang sanggol at ini-uwi niya ito
sa Indarapura. Pinangalanan niya ang sanggol na Bidasari at lumaki siya bilang isang
magandang dalaga sa pagmamahal nila.

Samantala, ang selosang sultana ng Indarapura na si Lila Sari ay alalang-alala


na iwan siya ng asawa niyang si sultan Mongindra. Inutusan niya ang mga kawal
niya na maghanap ng babaeng mas maganda sakanya. Ang kinuha ng mga kawal ay
si Bidasari na sumama sa pag-aakala na gagawin siyang dama ng sultana.
Pinakulong ng sultana si Bidasari, at sa tuwing wala ang sultan ay pinahihirapan niya
ito. Sa sobrang paghihirap, sinabi na ni Bidasari kay Lila Sari na kung nais niyang
mamatay na siya, kunin niya ang gintong isda sa hardin ni Diyuhara, isuot ito bilang
kuwintas sa umaga at ibalik sa tubig sa gabi. Ginawa ito ni Lila Sari at hinayaan na
niyang umuwi si Bidasari.
Kapag suot ni Lila Sari ang isda, namamatay si Bidasari at binuburol sa isang
palasyong pinatayo ni Diyuhara para sakanya. Kapag binalik naman ni Lila Sari ang
isda sa tubig, nabubuhay ulit si Bidasari.
Hindi nagtagal, natuklasan ito ni sultan Mongindra nang mapadpad siya sa
kinalalagyan ni Bidasari habang siya’y nangangaso. Binalikan niya ito muli ng
sumunod na araw at naabutan niya ang pagbangon ni Bidasari nang gumabi na.
Ipinagtapat ni Bidasari ang lahat ng nangyari at dahil dito, at pati na din sa labis na
pagkabighani sa kagandahan ni Bidasari, pinakasalan siya ng sultan at siyang
pinaupo sa tabi ng trono.
Lumipas ang maraming taon at ang isang anak na lalaki ni Diyahara (na akala
ni Bidasari ay tunay niyang kapatid) ay nagtungo sa Kembayat. Nakilala niya si
Sinapati na napuna niyang kamukhang-kamuka ni Bidasari. Si Sinapati ay pinasama
ng ama niya sa Indarapura para alamin kung si Bidasari na nga ang nawawala niyang
kapatid. Doon, ipinagtapat ni Diyuhara kung saan talaga niya nakuha si Bidasari at
nakumpirma na nila na si Bidasari ay kapatid nga ni sinapati at isa siyang tunay na
prinsesa sa Kembayat.

Hudhud: Ang Kuwento ni Aliguyon (Epiko ng mga Ifugao)


ISANG ARAW nuong Unang Panahon, sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang
isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino
at masipag matuto ng iba't ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula
sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-
bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells).
Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.
Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng
kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon (reto, challenge)
ay hindi si Panga-iwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, siPumbakhayon,
marunong ng hiwaga at bihasa rin sa bakbakan tulad niAliguyon.
Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Pumbakhayon. Kasing bilis ng kidlat, umiktad
si Pumbakhayon upang iwasan ang sibat at, kagila-gilalas, sinalo sa hangin ang sibat ng isa niyang
kamay! Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Pumbakhayon ang sibat at hinagis pabalik
kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na
sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Pumbakhayon.
Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat siAliguyon at
Pumbakhayon hanggang umabot ng 3 taon, hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang
nagpakita ng pagod o pagsuko. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila
humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagkaraan ng 3 taong bakbakan, natuto silang igalang
ang isa't isa.
Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Pumbakhayon at nahinto, sa wakas, ang bakbakan.
Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa (paz, peace) ng kanilang nayon ng Hannanga at
Daligdigan. Buong lugod na sumang-ayon lahat ng tao sa 2 nayon, at ipinagdiwang nila ang
kampihan ng 2 bayani.
Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang 2 nayon. Naging matalik na magkaibigan sina
Aliguyon at Pumbakhayon. Nang sapat na ang gulang ni Aliguyon, pinili niyang asawa si Bugan,
ang batang-batang kapatid na babae ni Pumbakhayon. Inalagaan niya sa bahay si Buganhanggang
lumaki itong napaka-gandang dalaga.
Ang pilining asawa naman ni Pumbakhayon ay ang kapatid na babae ni Aliguyon, si
Aginaya. Ang 2 pamilya nila ay yumaman at iginalang ng lahat sa Ifugao.

Humadapnon (Epikong Panay)


Ang mag-asawang Musod Burubalaw at Anggoy Ginbitinan ay may mga anak na lalaki. Isa
sa kanilang mga anak ay itinuturing na bayani ng mga Sulod Pagandra ng Panay Sentral. Ito ay
ang kanilang panganay na si Humadapnon.
Nang siya’y magbinata, iginayak niya ang kanyang sarili sa paglalakbay. Nais niya’y
matagpuan ang babaeng kanyang pakakasalan. Ang babaeng nagngangalang Nagmalitong Yawa,
nag-iisang anak nina Labaw at Viva Matanayon ng Ilog Hulanod ang siyang nagpatibok sa puso ni
Humadapnon. Kumuha muna siya ng maliit na patalim at sinugatan nito ang maliit na
daliri. Matapos iyon, siya ay naglakbay at nangyaring si Buyung Dumalaplap ang naging kapatid
niya sa dugo.
Habang siya’y naglalayag sakay ng kanyang ginintuang bangka, isang hindi inaasahang
lakas ang dumating. Natangay ang kanyang ginintuang bangka. Salamat na lamang at may
dumating siyang kaibigang hindi nakikita kaya nakaiwas siya sa pagkakaipit sa dalawang
malalaking bato.
Matapos ang trahedyang ito’y muling nagpatuloy sa paglalakbay si Humadapnon
hanggang sa makarating siya sa dagat na ang tubig ay hindi gumagalaw, malagkit, maputik at
maitim. Matagal pa sana siyang aalis sa lugar na iyon ngunit muli na naman siyang tinulungan ng
kanyang kaibigang di niya nakikita, na nagngangalang Saragudon.
Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, narating nila ang lupain ng Taraban. Ang lahat
ng mga namumuno sa lugar na ito ay pawang babae na naggagandahan. Sina Simalubay
Hanginum, Simahuboli Hubunan at Sinaghating Bulawan. Sa kagandahan ng magkapatid ay
naakit si Humadapnon. Isa rin ito sa dahilan kung bakit nananatili pa sila sa lugar na ito sa kabila
ng pinagbantaan siya ng kapatid sa dugo na si Dumalaplap. Nabilanggo siya rito ng halos pitong
taon. Sa kabutihang-palad, may nagligtas muli sa kanya. Ito ay si Nagmalitong-Yawa na matapos
siyang makawala ay bigla itong nawala.
Muli niyang ipinagpatuloy ang paghahanap kay Nagmalitong Yawa. Napadaan siya sa
isang madilim na lupain na kinakitaan ng mga kaluluwa ng kanyang mga ninunong yumao na. Ang
lupaing ito’y nagtataglay ng sampung ilog. Lulan ng kanyang bangka, mula sa bulubunduking ito,
nagkaroon sila ng paglalaban at agad naman niyang nagapi ang mga ito. Mula sa ilog na ito ay
nadako siya sa ilalim ng lupa at dito’y nakasagupa niya ang isang hayop na may walong ulo. At
nagapi niya ang hayop. Sa maraming taon niyang paglalakbay, narating niya ang Ilog ng
Holawod. At dito niya nakita si Nagmalitong Yawa. Ito ay kanyang pinakasalan. Sa gitna ng
pagdiriwang may dumating na isang grupo mula sa kalawakan. Mabilis na kinuha si Nagmalitong
Yawa at ito ay napatay. Buong tapang na nakipagsagupa si Humadapnon sa pinuno ng
grupo. Sapagkat kapwa may angking lakas ay umabot sa pitong taon ang kanilang
sagupaan. Ipinaalam ni Launsina kay Humadapnon na kulang sa pag-iisip ang nakalaban ni
Humadapnon sa Namurata sa himpapawid upang bigyan ng buhay si Nagmalitong Yawa.
Nang muling mabuhay si Nagmalitong Yawa ay saka nila napag-alaman na ang kalahating
katawan nito ay napangasawa ni Amurutha at ang kalahati ay napangasawa ni
Humadapnon. Mula nang magkaliwanagan ay nanaog sina Humadapnon at Nagmalitong Yawa
sa naging pinuno ng mga tao sa Sulod ng Panay.

Ibalon (Epikong Bicolano)


Ayon sa salaysay ni Pari Jose Castaño, batay sa narinig niyang kuwento ng isang
manlalakbay na mang-aawit na si Cadugnong, ang epikong Ibalon ay tungkol sa kabayanihan ng
tatlong magigiting na lalaki ng Ibalon na sina Baltog, Handiong, at Bantong. Ibalon ang
matandang pangalan ng Bikol.
Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-
ramo. Siya'y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na
siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga
tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo
na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang
makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.
Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga
dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na
kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong
magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba
pang mga masasamang hayop sa Ibalon.
Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng
maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala
at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.
Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng
palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.
Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng
kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.
Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang
sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang
mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang
palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang
siyang pumatay kay Rabut.
Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang
natutulog.
Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si
Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang
Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.
Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang
ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng
Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

Indarapatra at Sulayman (Epikong Mindanao)


Ang pamumuhay ng mga tao sa Mindanaw ay ginambala ng apat na halimaw. Ang una ay
si Kurita na maraming paa. Pangalawa ay si Tarabusaw na may mikha ng tao na nakatira sa
Bundok Matutum. Ang ikatlo ay si Pah, isang ibon na nakatira sa bundok ng Bita, labis ang linaw
ng mata, kukong ubod ng tulis, at pakpak na malaki. Ang pangapat ay isang ibon na may pitong
ulo na namiminsala sa bundok ng Kurayan.
Ikinabahala ito ng Haring Indarapatra kaya naman ipinatawag niya ang kapatid na si
Prinsipe Sulayman upang sugpuin ang mga halimaw. Binigyan niya ang kapatid ng singsing at
espada bilang armas sa pakikipaglaban. Isinabit naman ng Hari ang isang halaman sa durungawan
na magsasaad kung ang Prinsipe ay nagtagumpay o nasawi. Tumalima sa utos ng kapatid si
Prinsipe Sulayman at tinunton ang tinitirhan ng mga halimaw. Isa isa niya ito kinalaban at natalo
niya ang unang dalawa. Nilipad ngayon ng prinsipe ang bundok ng Bita upang hanapin si Pah.
Nang makita ito ay kaagad niyang tinaga ang pakpak ngunit sa kanya rin ito bumagsak. Siya ay
bumaon sa lupa at nalibing ng buhay.
Nabatid ng Hari ang kasawian ng Prinsipe dahil sa nalagas ang halaman sa durungawan.
Sumugod noon din ang Hari sa kinamatayan ng kapatid at natagpuan ang piping katawan nito.
Nahabag ang Bathala at binigay sa kanya ang tubig na lunas. Ibinuhos niya ang tubig sa bangkay
at himalang nabuhay si Prinsipe Sulayman.
Pinauwi ni Haring Indarapatra ang kapatid at siya na ang naghanap sa ikaapat na halimaw.
Nang magkaharap ang dalawa ay naglaban sila at ang Hari ang nagwagi. Binati ang Hari ng isang
magandang Diwata na nagpasalamat sa ginawang pagliligtas sa mga mamamayan laban sa mga
halimaw. Nabihag ng kagandahan ng Diwata ang Hari at sila'y nagpakasal. Si Haring Insarapatra
ay hindi na bumalik sa kanyang kaharian at doon na siya namuhay sa pook na kinatagpuan niya
sa babaeng pinili niyang makasama habambihay.

Labaw Donggon (Epikong Bisaya)


Si Labaw ay isa sa tatlong anak nina Abyang Alunsina at Buyung Panbari. Kakaiba si Labaw
dahil nang ipinanganak ito, lumaki ito kaagad. Matalino, malakas at natuto agad itong magsalita.
Nagpaalam si Labaw upang mapakasalan si Anggoy Ginbitan. Pinayagan siya nito at agad
naman silang nakapagpakasal. Sunod naman, ay pinakasalan niya si Anggoy Doroonan. Mayroon
na naman siyang nabalitaang isa pang magandang babae, si Nagmalitong Yawa Sinagmaling
Diwata, na ninais niyang pakasalan ngunit nang dumating siya roon ay kasal na pala ito kay
Buyung Saragnayan. Dahil hindi pumayag si Buyung sa pakiusap ni Labaw, naglaban sila nito.
Nagtagal ang labanan. Parehong malakas si Buyung at Labaw. Nang mapagod si Labaw, tinali agad
ito ni Buyung. Sinabit siya nang parang baboy sa ilalim ng kanilang bahay.
Nang mabalitaan ito ng mga anak ni Labaw na sina Baranugan, anak ni Anggoy Doroonan,
at Asu Mangga, anak ni Anggoy Ginbitinan, agad silang nagpaalam upang iligtas ang kanilang ama.
Pinayagan sila at agad nagtungo kay Buyung. Nakipaglaban sila kay Buyung ngunit dahil sa
angking lakas ni Buyung, nahirapan sila. Kaya naman, humingi sila ng tulong, una sa mga impakto
ngunit hindi pa rin matalo-talo si Buyung, pangalawa naman, sa kanilang lola na si Abyang
Alunsina. Ayon sa kanilang lola, matatalo lang si Buyung kapag pumatay sila ng isang baboy ramo.
Agad naman nilang ginawa to at agad namatay si Buyung.
Nang mahanap na nila Asu Mangga at Baranugan si Labaw ay nabaliw na ito. Ginamot ito
ng kanyang mga asawa paguwi nila. Nang gumaling na si Labaw, inutusan niya ang kanyang mga
anak na magpunta kung saan naroroon si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata dahil nabalitaan
niya na mayroong dalawa pang kapatid na babae si Nagmalitong Yawa at nais niyang ipahanap
ang mga ito. Agad namang umalis ang kanyang mga anak upang sundin ang utos niya.

Lam-ang (Epikong Ilokano)


Ang mag-asawang Don Juan at Namongan ay naninirahan sa Nalbuan at kabuwanan noon
ni Namongan. Umalis si Don Juan upang parusahan ang isang pangkat ng mga Igorote ngunit
nagsilang na si Namongan ay hindi pa rin siya bumabalik. Pagkasilang pa lamang ng sanggol ay
nakakasalita na ito at hiniling na Lam-Ang ang ipangalan sa kanya. Hindi nagtagal kinakitaan si
Lam-Ang ng pambihirang lakas.
Lumipas ang panahon at hinanap ni Lam-Ang ang kanyang ama at pinasyang sundan ito.
Dahil sa kalayuan na ng kanyang nalakbay ay minabuti niyang magpahinga muna. Siya ay
nanaginip na ang kanyang ama ay nasa malaking panganib. Nagmadali siya at umalis kaagad
upang maligtas ang kanyang ama. Ngunit huli na ang lahat ng siya ay dumating. Nakita niyang
nagdiriwang ang mga Igorote dahil sa pagkakapatay sa kanyang ama. Galit ang namayani kay
Lam-Ang kaya naman pinaslang niya lahat ng Igoroteng kanyang nakita sa bayan na iyon upang
ipaghiganti ang kanyang ama.
Nang umiwi si Lam-Ang ay ipinatawag niya ang mga dalaga upang siya ay paliguan sa ilog
Amburayan at sa kapal ng kanyang libag ay namatay lahat ng isda roon. Nabalitaan naman niya
kaagad ang taglay na kagandahan ni Ines Kannoyan at kaagad niyang tinungo ang kinaroroonan
nito kasama ang kanyang aso at tandang. Sa kanyang pagpunta sa tirahan ni Ines ay nakasalubong
niya si Sumarang at sila ay nag-duwelo. Napaslang ni Lam-Ang si Sumarang.
Pagkarating na pagkarating ni Lam-Ang sa tirahan ni Ines ay inutusan niya ang kanyang
mga alaga na mapansin siya ng dilag. Tumilaok ang tandang at nasira ang bahay. Ngunit tumahol
naman ang aso at nabuo naming muli. Dahil dito nakita siya ng dalaga. Ipinahayag ni Lam-Ang
ang kanyang pakay at ipinakita sa mga magulang ni Ines ang kanyang pambihirang kayamanan.
Hindi nagtagal ay ikinasal na sina Ines at Lam-Ang. At nakaugalian na ng mga kalalakihan na sa
tuwing pagkatapos ng kasal ay sumisisid sila sa ilog upang manghuli ng raring. Ngunit nangamba
si Lam-Ang na baka siya ay makain ng berkahan—at nagkatotoo nga ang kanyang hinala.
Nagdalamhati si Ines sa pagkamatay ng kanyang asawa. Tinawag ng tandang ang isang maninisid
at sinabing tipunin ang mga buto ni Lam-Ang. At dahil sa kanyang mahiwagang aso’t tandang ay
nabuhay siyang muli.

Maragtas (Epikong Bisayas)


Ang epikong Maragtas ay kasaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal
na datu. Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay
buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng mga taga-Panay.
Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at pinagdugtung-dugtong, ganito ang
mga pangyayari:
Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan
Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng
dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.
Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng
masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang
magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan
sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.
Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming
bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu
Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni
Sumakwel sa balak na paglaban.
Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni
Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya
nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila
magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni
Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila
ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila'y mararangal na
datu na mapagmahal sa kalayaan.
Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila'y tatakas sa Borneo. Palihim silang
naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila
ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang
kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan
nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang
malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu
Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.
Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang
sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa
sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong
kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-
asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-
asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si
Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.
Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na
pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa
paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng
Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay
nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.
Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang
paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.
Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa
pulong iyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu
Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon
at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa
Borneo ay nais makipagkaibigan.
Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay
masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag
na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.
Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga
Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang
kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga
panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang
kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni
Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung
papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.
Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng
maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng
Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo
kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si
Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati
ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman
ng kuwintas, panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang
mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman
ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.
Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at
gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni
Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito'y kuwintas na lantay na
ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan,
kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya
kay Maniwantiwan.
Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang
mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.
Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang
asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa
Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang
kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong
na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu
Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay
sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan
si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa
kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.
Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang
isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu
Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng
Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga "Taga-
ilog". Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.

Tulalang (Epiko ng Manobo)


Nagtungong gubat upang manguha ng rattan si Tulalang nang may lumapit na matanda
at sinabi na huwag na silang mag-alala at hindi na sila magugutom kailanman. Pagkalipas ng
pnahon, nanirahan sila sa isang “torohan” o palasyo. Inilagay nila ang kapatid na babae sa
pinakailaliman na bahagi ng pitong patong na basket na nakasabit sa kuwarto ni Tulalang. Ang
dalaga ay may kapangyarihan magpalit ng hugis na naisin niya. Gadaliri lamang ang laki nito.
Sinalakay ni Agio ang kaharian ni Tulalang. Nagtulong-tulungan ang magkakapatid na sila
Tulalang, Mangampitan at Minalisin sa pagsugpo kay Agio.
Nang matmaan ng sibaat si Agio, bumalik ito sa dati nitong anyo na pulubi at makalipas
ang ilang sandali naging makisig na binata ang pulubi. Natutulog sa ilalim ng punongkahoy si
Tulalang nang may isang uwak na dumumi sa kanyang mukha. Ipinagbigay alam na may darating
na isang napakalaking higanteng kumakain ng tao at sinabi din kung saan ito matatagpuan. Sinabi
ng isang matandang babae ang tungkol sa higante at bihag nitong dalaga.
Nailigtas ni Tulalang ang babae sa higante. Inalok si Tulalang na ito magpakasal ngunit
tumanggi. Nang malaman ng babae na wala na silang hari, pumayg na din ito magpakasal kay
Tulalang. Umuwi si Tulalang bago magpakasal. Nalaman niya na sinalakay muli ang Kulaman at
kinuha ang kapatid na babae. Iniligtas niya ito at nakalimutan ang pangakong magpapakasal.
Nadakip ng grupo ni Bagyo ang kapatid na babae. Inaya ni Bagyo na magpakasal ang babae sa
kanya ngunit ito ay tumanggi kaya naman ito ay nilaslasan ng kamay. Nagbalat kayo si Tulalang
bilang isang batang lalaki at nagging alila. Itinakas niya ang kapatid na babae. Naghinala si Bagyo
na si Tulalang ang batang lalaki kaya naman muli nitong sinalakay ang Kulaman. Bago umalis
huminga muna si Bagyo at ang kanyang mga tauhan sa isang bote at isinabit ito sa loob ng
palasyo.
Nang maglaban ang dalawang pangkat, napansin ni Tulalang na sa bawat napaptay na
kaaway ay dalawa ang pumapalit. Nagpanggap bilang kulasisi si Tulalang at nakuha ang bote na
pinag-iwanan ng mga kaluluwa ng hari at kawal nito. Napilitang sumuko ang hari at mga tauhan
nito dahil tinakot na babasagin ito. Nagtagunpay si Tulalang. Sinabi niya na ang “sarimbar” na
galling sa langit ay darating upang sila ay kunin. Nagdala ng balita ang hangin na isang baboy ramo
ang sasalakay sa Kulaman at isang bigante ang haharang sa “sarimbar” patungong langit. Napatay
si Tulalang ang baboy ramo at higante. Tanghaliang tapat nang bumababa ang “sarimbar”.
Sumakay ang mga tao dito. Ang mga kapatid ni Tulalang at ang mga mamamayan ay nagging
maligaya sa kalangitan at nagtamo ng buhay na walang hanggang.

Tuwaang (Epiko ng mga Bagobo)


Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay ng mga
kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan, lakas
at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula sa
kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan
ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong
tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai sapagkat
ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si Tuwaang sa gagawin niyang
pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa
pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin na hindi ito ang gamiting sasakyan
sapagkat siya'y nagmamadali.
Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng
itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim. Pumunta
si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa
kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng
Kuaman. Pumanhik si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog siya sa
pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng Buhong. Nang
magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng dumating sa
lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya
si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng
Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dalaga, subalit nais kunin ng Binata ng
Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Tuwaang at kay
Batooy.
Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay
dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na pinagtataga ng Binata ng
Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang
saglit nakabulagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy.
Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang
lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol
ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang punong malivutu. Gayon
din ang nangyari sa binata ng Pangumanon. Ginamit naman ni Tuwaang ang iba pang sandata
niyang palihuma, gayon din ang balaraw hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay
na nagtapon ng baling puluhan ang dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang
magkaubusan na sila ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig
durugin sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang ang
Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang sasayad na ang katawan,
ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang
dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni
Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung
at nagliyab ang binata ng Pangumanon at namatay.
Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila'y
nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman. Pagdating nila sa Kuaman ay may
ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na
sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang
sasakyang lumilipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat
ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing walang
kamatayan.

Ullalim (Epiko ng Kalinga)


Ang kwento ay nagsimula sa nakatakdang kasal nina Ya-u at Dulaw nang makapulot ng
nganga o ua (na tawag ng taga-Kalinga). Ang magkasintahan ay naanyayahan sa isang pistahan
sa Madogyaya. Nang sila ay nasa Madogyaya, naakit ang pansin ni Dulliyaw kay Dulaw hanggang
si Dulaw ay magkagusto sa kanya. Sa pagplano na ligawan ni Dulaw si Dulliyaw ay naisip nitong
painumin ng alak si Ya-u hanggang sa malasing. Habang si Ya-u ay natutulog sa ibang bahay ay
saka niligawan ni Dulaw si Dulliyaw. Pinakain nito ang babae ng nganga at sinabi niya sa babae
na sa pamamagitan ng pagtanggap niya ng nganga ang ibig sabihin ay tinanggap na niya ang pag-
ibig na kanyang iniaalay. Bago siya umalis ay sinabi niya sa babae na siya ay babalik
kinabukasan. Naiwan na nag-iisip ang dalaga.
Kinabukasan sa kalagitnaan ng gabi ay dumating si Dulaw sa bahay nina Dulliyaw. Habang
sila’y kumakain ng nganga, sinabi nito sa babae na siya ay nagpunta roon upang isama ang dalaga
sa kanilang bahay. Nagulat si Dulliyaw sa winika ng lalaki. Iyon lamang at nagkagulo na ang mga
tao sa nayon. Sa pagtakas nila ay nakasalubong sila ng isang lalaki na may dala-dalang palakol at
balak silang patayin. Bago sila maabutan ng lalaki ay nakaakyat na si Dulaw sa isang puno upang
tumakas. Samantala wala namang mangahas na siya ay lusubin kaya naipasiya ni Ya-u na tawagin
ang mga sundalong Español ng Sakbawan.
At noon nga si Guwela na kumander ng Garison ay umakyat sa kaitaasan ng Kalinga na
kasama ang mga sundalo. Iniutos niya na dakpin si Dulaw na nakaupo pa rin sa puno. Napag-
alaman niya na marami ang tutol sa ginawa niya kaya wala na siyang lakas na lumaban nang siya
ay lagyan ng posas. Sa utos pa rin ni Guwela siya ay dinakip at nakulong sa Sakbawan.
Makalipas ang tatlong taon na pagkakabilanggo, naging payat na siya. Humingi si Dulliyaw
ng nganga kay Dulaw. Kinuha ni Dulaw ang huling nganga sa bahay at ito’y pinagpirapiraso. Bago
niya ito maibigay kay Dulliyaw bigla na lamang itong nawala.
Samantala, sa pook na Magobya naliligo si Duranaw. Sa paliligo niya sa ilog ay nakapulot
siya ng nganga. Kinain niya ito nang walang alinlangan.
Matapos nguyain ang nganga ay bigla na lamang itong nagbuntis hanggang sa siya ay
magsilang ng isang malusog na lalaki at pinangalanan niya itong Banna. Tatlong taon ang
lumipas. Si Banna ay mahilig makipaglaro sa mga Agta, subalit siya’y madalas na tinutukso ng
kanyang mga kalaro. Sinasabi na kung siya raw ang tunay na Banna ang ibig sabihin ay siya ang
anak ni Dulaw na nakulong sa Sakbawan. Sinumbong niya ito sa kanyang ina ngunit pinabulaanan
ito ng kanyang ina.
Sa isang iglap, si Banna ay naging malakas at naghangad ng paghihiganti. Isang
mahiwagang pangyayari ang nagdala kay Banna pati ng kanyang mga kasama sa Sakbawan. At
doon ay kanyang pinatay si Dulliyaw. Sinabi ng isang kasama ni Banna kay Dulaw na si Banna ay
kanyang anak, iyon lang at sila ay dali-daling sumakay sa isang bangka at sa isang iglap ay
nakarating sila sa pook ng Magobya. Mula noon ay nauso na ang kasalan sa kanilang pook.

You might also like