You are on page 1of 4

'Pepedederalismo, pambababoy': Mocha

pinagli-leave
ABS-CBN News
Posted at Aug 06 2018 04:32 PM | Updated as of Aug 06 2018 08:56 PM

Hinimok nitong Lunes ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III si Communications Assistant
Secretary Margaux "Mocha" Uson na pansamantala munang magpahinga sa trabaho
matapos mag-post ang opisyal ng video ukol sa pederalismo tampok ang malaswa
umanong pag-awit at pagsasayaw.

"Di ko lubos na akalain na bababuyin pala nila ang kawsa ng pederalismo. Ilayo na si
Mocha sa pederalismo. Mag-aral muna siya nang mabuti. Mag-leave muna siya," sabi
ni Pimentel sa isang pahayag.

Ibinahagi noong Huwebes ni Uson sa kaniyang 5.6 milyong Facebook followers ang
isang episode ng "Good News Game Show," kung saan tampok sila ng kaniyang co-
host at social media personality na si Drew Olivar.

Sa simula ng video, mapapanood si Olivar na inaawit ang mga linyang "Ipepe, ipepe.
Idede, idede. Ipede, pede, pede, pederalismo!" habang nagsasayaw. Kabilang sa steps
ay ang pagturo o pagmuwestra ni Olivar sa dibdib at sa pagitan ng kanyang mga hita.

Si Pimentel ang pangulo ng PDP-Laban, ang partidong kinabibilangan ni Pangulong


Rodrigo Duterte, na isa sa mga nagtutulak sa pagbabago patungo sa sistemang
pederalismo ng gobyerno.

Ang ama naman ni Pimentel na si dating Senate President Nene Pimentel ay isang
miyembro ng consultative committee na binuo ni Duterte para magbalangkas ng federal
charter.

Pinuna rin ni Pimentel ang umano ay "mali-maling" pagpapaliwanag sa pederalismo sa


video.

"Even without the dance and the song, listen to the statement they read. Mali-mali pa
ang substance!" aniya.

Sa isang bahagi ng video, nagbasa rin si Olivar ng kahulugan ng pederalismo at


sinundan ito ng paglalarawan sa naturang porma ng gobyerno bilang "rainbow" o
bahaghari.

"Ang federalism, parang rainbow 'yan. Kita ninyo 'yung rainbow? Di ba seven ang kulay
na magkakaiba at kanya-kanya ang guhit. Pero pinagsama-sama sila sa isang hilera, at
ganda-ganda nila," ani Olivar.

"Ganyan ang layunin ng federalism, na sa kabila ng ating pagkakaiba, kaya nating mag-
shine nang sama-sama," aniya.
Itinuturing namang pambabastos sa mga kababaihan ni Sen. Risa Hontiveros ang
pagbanggit sa video sa mga maseselang bahagi ng katawan ng babae.

"Ano ang kinalaman ng maseselang bahagi ng katawan ng babae sa usapin ng


pederalismo? Inatasan at hiningan ng tulong si Ms. Uson para ipaliwanag sa publiko
ang issue ng pederalismo, hindi para bastusin ang mga kababaihan at i-sexualize ang
aming mga katawan," aniya.

Para naman kay Sen. Francis Escudero, isang paraan ng pagpapapansin ang ginawa
sa video.

Bukod sa mga senador at mga netizen, isa ring miyembro ng consultative committee ni
Duterte ang bumatikos sa video nina Uson.

Sa kaniyang Twitter account, ipinahayag ni dating Commission on Elections (Comelec)


Commissioner Gregorio Larrazabal ang kaniyang pagkabahala sa video dahil sa
paggamit umano ng "toilet humor" at "sex" sa isang mahalagang paksa gaya ng
pederalismo.
Pagiging 'banta' ni Duterte,
babala ng US na puwede
siyang alisin: analyst
ABS-CBN News
Posted at Aug 6, 2018 08:56 PM

Maituturing na babala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbilang sa kaniya ng U.S.
intelligence community bilang banta sa seguridad ng Amerika, ayon sa isang political
analyst.

Tingin ni Mon Casiple, executive director ng Institute for Political and Economic Reform,
mistulang sinasabi ng U.S. intelligence community na puwedeng palitan daw si Duterte
kung magpapatuloy ang pagtahak ng Pilipinas palayo sa Amerika at palapit sa Tsina.

"From a former colonizer ng Pilipinas, mabigat ang… that's a warning na if you are out
of step, papalitan ka namin... open-ended 'yan, basta mapalitan ka, it may be
impeachment, it may be extra-constitutional," paliwanag ni Casiple.

Sinabi rin ni Sen. Antonio Trillanes IV, kilalang kritiko ni Duterte, na "warning shot" ang
naturang report ng U.S. intelligence community.

Sa Worldwide Threat Assessment na isinumite sa U.S. Congress ng director of National


Intelligence ng Amerika, tinukoy ang pagiging banta ni Duterte at ang kampanya ng
kaniyang administrasyon laban sa droga, katiwalian at krimen, at mga pahayag niya
tungkol sa pagsususpende ng Saligang Batas, pagtatatag ng isang revolutionary
government, at pagdedeklara ng martial law sa buong bansa.

Saad ng isang talata sa naturang dokumento: "In the Philippines, President Duterte will
continue to wage his signature campaign against drugs, corruption, and crime. Duterte
has suggested he could suspend the Constitution, declare a “revolutionary
government,” and impose nationwide martial law. His declaration of martial law in
Mindanao, responding to the ISIS-inspired siege of Marawi City, has been extended
through the end of 2018."

Binanggit din sa dokumento ang puna ng Freedom House na ginagamit ng pamahalaan


sa Pilipinas ang social media para ipakalat ang mga pananaw at kontrahin ang mga
kritisismo sa internet.
Panukalang national ID system, lusot na
sa komite ng Kamara
Monday 6th August 2018 at 4:44pm

MANILA - Inaprubahan ng House population and family relations committee Miyerkoles ang
panukalang batas para sa pagkakaroon pambansang ID system.

Nagbigay ng unanimous approval ang mga miyembro ng komite para sa Filipino Identification Act.

"Kung dati, napakarami nating ID, halos masira ang wallet natin sa dami ng kailangang iprisintang
ID, sa pamamagitan nito ay isa na lang gagamitin nating ID at nag-identify tayo na magagamit ito sa
iba-ibang ahensya ng gobyerno," ayon sa chairperson ng committee na si Laguna Rep. Sol
Aragones.

Sa ilalim ng substitute bill, magiging mandatory para sa bawat Pilipino edad 18 pataas na kumuha ng
national ID.

Libre itong ibibigay sa unang pagkakataon pero magbabayad na kung magpapa-reissue.

Pangangalagaan ng Philippine Statistics Authority ang lahat ng personal data para sa ID at hindi ito
maaaring ilabas nang walang kaukulang permiso.

Mapaparusahan naman ng hanggang 2 taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P500,000


ang sinumang magbibigay ng maling personal information at gagamit nang hindi wasto sa ID, ayon
kay Aragones.

Ipapasa na sa appropriations committee ang panukala para sa funding requirement nito bago iakyat sa
plenaryo.

You might also like