You are on page 1of 8

Si Pinkaw

ni Isabelo S. Sobrega

Naalimpongatan ako sa pagtulog nang hapong iyon sa sigawan at nanunuyang tawanan ng mga bata
sa kalsada. Dali-dali akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pingkaw pala
na sinusundan ng mga bata. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian at may
medyas ang isang paa na ewan kung asul o berde. Malayo siya kaya’t di ko Makita nang mabuti. Sa
kabilang binti, may nakataling pulang papel de Hapon na may kabit na lata sa dulo. Sa kanyang ulo,
may nakapatong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.
“Hoy, Pingkaw,” sigaw ng isang bata na nakasundong abot sa tuhod at may itinatawing-tawing sa
daga. “Sige nga, kumanta ka ng blak is blak.”
“Ay, hiya ako,” nag-aatubiling sagot ng babae, sabay subo sa daliri.
“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo,” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat, mahaba
ang buhok at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pingkaw.
Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga.
“Sige agawin natin ang kanyang anak,” sabi nilang pahalakhak habang pasayaw-sayaw na
pinalilibutan si Pingkaw.
Maya-maya’y nakita kong lumuhod si Pingkaw sa lupa at nag-iiyak na parang bata.
“Huwag niyo naming kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa meyor.” Patuloy pa rin ang
panindyo ng mga bata kahit na lumakas ang hagulhol ni Pingkaw.
Nakadama ako ng pagkaawa kay Pingkaw at pagkainis sa mga bata. Kaya’t sumigaw ako para takutin
sila. “Hoy mga bata, salbahe n’yo! Tigilan n’yo ang pagtukso sa kanya.”
Ewan kung sa lakas ng pagsigaw ko’y natakot ang mga batang isa-isang nag-aalisan. Pagkaalis nila,
tumingala si Pingkaw sa akin at nagsabi:
“Meyor, kukunins nila ang aking anak.”
Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. May koronel, may sergeant, may senador siyang tawag sa
akin. Ngayon meyor na naman. “O sige, hindi na nila kukunin yan. Huwag ka nang umiyak.”
Ngumiti siya sa akin. Inihele ang kayang karga. Nahulog ang basahang ibinalot sa lata ng biskwit.
Dali-dali niya itong pinulot at muling ibinalot sa lata.
“Hele, hele tulog muna, wala ditto ang iyong ina…” ang kayang kanta habang ang lata’y ipinaghele
at siya’y patiyad na nagsasayaw.
Natigilan ako.
At naalala ko ang Pingkaw na dati naming kapitbahay sa tambakan, nang hindi pa siya ganito.
Ang paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (sa amin ang tambakan ng syudad) at ditto
nagmumula ang kanyang makakain, magagamit o maipagbili. Madalas siyang umawit dati-rati. Hindi
naman kagandahan ang kanyang tinig -basag at boses-lalaki. Subalit kung may ano itong gayuma na
bumabalani sa pandinig. Ewan kung dahil sa tila malungkot na tinig ng kanyang paghehele o kung
dahil sa pagtataka sa kanyang kasiyahan gayong isa lamang siyang naghahalukay ng basura.
Kadalasan, pabalik na siya niyang galling sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng kartong papel,
bote, mga sirang sapatos, at sa loob ng bag na burin a nakasabit sa gilid ng kanyang kariton,
makikita mo ang kanyang pananghalian. Ito’y mga tira-tirang sadinas, karne norte o kaya’y pork and
beans, pandesal na kadalasa’y nakagatan na at kung minsan, kung sinuswerte, may buto ng fried
chicken na may lamang nakadikit. Sa kanyang yayat na katawan masasabing tunay na mabigat ang
kanyang tinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at nakakakanta pa ng kundimang
Bisaya.
Pagdating niya sa harap ng kanilang barung-barong, agad niyang tatawagan ang kanyang anak:
“Poray, Basing, Takoy, nandito na ako.” At ang mga ito, dali-daling nagtakbuhan pasalubong sa
kanya habang hindi makaringgan sa pagtatanong kung may uwi ba raw siyang dyens na estretsibol;
ano ang kanilang pananghalian, nakabili ba raw siya ng bitsukoy?
Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lamang nalaman ang kanyang tunay na
pangalan. Pingkaw ang tawag ng lahat sa kanya, b’yuda na s’ya. Namatay ang kanyang asawa sa
sakit ng epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Samantala, si
Pisyang Tahur ay sumusumpa sa kanyang paboritong santo na hindi raw kailanman nakasal si
Pingkaw. Iba-iba raw ang ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay, si Poray, ay labis na
mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at masyadong payat. Tuwing makikita mo iting
nakasuot ng estretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, maaalala mo agad ang panakot-uwak sa
maisan. Si Basing, ang sumunod, sungi ngunit mahilig pang pumangos tubo gayong umaagos lamang
ang katas sa biyak ng kayang labi. Ang bunsong ewan kung tatlong taon pa lamang ay maputi at
guwapung-gwapo. Ibang-iba sa kanyang mga kapatid kaya kung minsa’y naisip mong totoo nga ang
sinasabi ni Pisyang Tahur.
Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pingkaw ang mga laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata
mga bote, mga kariton at iba pang nakalagay rito sa napulot sa tambakan katulong ang kayang mga
anak. Kinasanayan na ni Pingkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang
kayang mga anak at ang sungi ang siyang may pinakamataas na tinig,. Pagkatapos, itutulak na niya
ang kariton patungo sa Tsino na tagabili.
Talagang mahal ni Pingkaw ang kanayang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na
sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lamang makikita si Pingkaw na
inaambaan ang kanyang mga anak. “Ang mga bata,” nasabi niyang minsang bumili siya ng tuyo sa
talipapa at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuli nitong tumitingin sa
malalaswang larawan, “hindi kailangang paluin, sapat nang turuan sila nang malumanay. Iba ang
batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang mga bata, kung saktan,
susunod sa iyo subalit magrerebelde at magkimkim ng sama ng loob.”
Sa tunggalian ng pamumuhay sa tambakan na roo, ang isang tao’y handing tumapak sa ilong ng
kapwa tao mabuhay lamang. Nakapagtataka si Pingkaw. Lubha siyang matulungin lalo na sa katulad
niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba
lalo na ng mga bata at matatanda. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing Linggo hindi kukulangin
sa piseta anf kayang ipinamamahagi sa mga nagpapalimos.
Alam ng lahat sa tambakan ang pangyayaring ito. Minsan, nagkasakit ng el to rang sunging anak ni
Pingkaw. Nagtungo ang babae sa suking Tsino. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman
daw ang Tsino ngunit sa isang kondisyon. Bukambibig na ang pagkagahaman sa babae ng Tsino na
ito: pinagdugtung-dugtong ng mga tagatambakan kung ano ang kondisyong iyon sapagkat wala
naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Nalaman na ng lahat ang mga naganap; ang
pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pingkaw sa ulo ng Tsino.
Hindi rin nadala ni Pingkaw ang kanyang anak sa doctor. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng
bayabas at ipinainom sa anak. Iyon nalamang ang nakapagpabuti sa bata.
“Nagpapakita rin na may awa ang Diyos. Kung ninais Niyang mamatay ang aking anak, sana’y
namatay na. ngunit dahil naisip pa Niyang mabuhay ito, nabuhay rin kahit hindi naipadoktor,” ang
sabi ni Pingkaw nang magpunta siya sa talipapa bago pa man gumaling ang kanyang anak.
Minsang nag-uusap ang mga nagsisipagtipon sa talipapa tungkol sa bigas relip, at iba pang bagay na
ipinamimigay ng ahensya na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pingkaw na nagkataong
naroroon, “Bakit iaasa ko pa sa ahensya ang aking pamumuhay? Malusog at masigla pa naman ako
sa pagtutulak ng aking kariton upang tulungan. Marami pa riyang iba na higit na nararapat tulungan.
Ang hirap lang sa ating pamahalaan, kung sino ang dapta tulungan ay hindi tinutulungan. Ngunit ang
ibang mabuti naman ang pamumuhay, sila pa ang nakatatanggap ng tulong. Kabaliwan…”
Iyan si Pingkaw. Kontento na siya sa kanyang naabot sa buhay.
Naganap ang sumunod na pangyayai kay Pingkaw nang ako’y nasa bahay ng aking kapatid na may
sakit. Isinalaysay ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama.
Isang araw, matapos silang mag-agahan ng kayang mga anak, bigla na lamang namilipit ang mga
bata sa sakit sa tiyan. Ewan kung dahil sa sardines o sa kung ano mang panis na kanilang nakain.
Natuliro si Pingkaw. Nagsisigaw. Tumakbo siya sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit
wala silang maitulong maliban sa pagsabihan siyang kailangan dalhin ang mga anak sa ospital.
Walang nagdaraang mga saasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pingkaw ang kanyang
mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng isang doktor na malapit lamang, ngunit wala ang doktor at
naglalaro ng golp, ayon sa katulong.
Itinulak niyang muli ang kariton at nagpunta sa bahay ng isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre
nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.
Kaya nagugulkuhang itinulak na naman ni Pingkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. May
doktor doon ngunit wala naming gamut para sa nalason.
Halos hindi makakilos sa pagod si Pingkaw, bukod pa sa kanyang lubhang pagkalumbay sa pagiging
maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahinto upang isakay
ang kanyang mga may sakit na anak ngunit wala ni isa sa mga ito ang tumigil. Maya-maya napansin
niyang hindi na kumikilos ang kanyang panganay. Para siyang sinakluban ng langit nang mabatid
niyang hindi na ito humihinga. Umiiyak siyang nagpatuloy sa pagtulak ng kariton para iligtas ang
buhay ng natitira pa niyang dalawang anak. Maraming tao ang may pagkamanghang nagmasid sa
kanya, subalit wala kahit isa mang lumapiot upang tumulong. Tumalbug-talbog ang katawan ng
kanyang mga anak sa kariton habang nagdaraan ito sa mga lubak-lubak ng kalsada.
Pakiramdam niya’y isang daang taon na siya nang makarating sa pambansang ospital. Matapos ang
pagtuturuan ng mga doktor at narses na ang tinitingnan lamang ay mga pasyenteng mayayaman na
wala naming sakit, binigyan din ng gamut ang dalawang anak ni Pingkaw.
Nang gumabi’y namatay si Poray, ang pinakamatanda. Dalawang araw pa ang lumipas, sumunod
namang namatay ang bunso.
Nakarinig na naman ako ng kaguluhan. Muli akong dumungaw. Si Pingkaw na nagbalik, sinusundan
na naman ng mga pilyong bata.
“Hele-hele, tulog muna, wala ditto ang iyong nanay…” ang kanta niya, habang ipinaghehele ang
binihisang lata
ALAMAT NG ISLA NG PITONG MAKASALANAN
Noong unang panahon, isang matandang mangingisda at ang kanyang pitong anak na dalaga
ang naninirahan sa isang tahanang nakaharap sa baybayin ng Dagat-Bisaya. Ang kanilang
tirahan ay nasa bayan ng Dumangas, isang baying nasas gawing hilagang-silangan ng lalawigan
ng Iloilo na bahagi ng isla ng Panay. Araw-araw makikita ang pitong dalagang masayang
nagsasagawa ng mga gawaing-bahay o kaya nama’y nasa dalampasigan at nagtatampisaw o
masayang lumalangoy, naghahabulan at nagtatawanan. Tila sila mga nimpang kaygaganda
habang nakikipaghabulan sa mga alon sa baybayin.
Ang kagandahan ng pitong dalaga ay bantog hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa
malalayong lugar. Kaya naman, hindi kataka-takang ang kanilang tahanan ay dinarayo ng
maraming binatang naghahangad na makuha ang kamay ng isa sa mga dalagang napupusuan.
Mahal na mahal ng ama ang mga anak at ang labis niyang ikinakatakot ay ang makapag-asawa
ang sinuman sa kanyang mga dalaga ng mga lalaking maaaring maglayo sa kanya. “Sana, kung
makahanap man ng mapapangasawa ang aking mga anak ay tagarito lang sa aming islaupang
hindi sila mapalayo sa akin,” ang naibubulong ng ama sa sarili habang pinagmasdan ang
kanyang mga anak na abala sa mga gawaing-bahay.
Isang araw nga ay isang pangkat ng makikisig na binatang mangangalakal ang dumating sa
kanilang bayan. Nabalitaan din pala ng mga binata ang kagandahan ng mga dalaga kaya’t
nagsadya sila sa baying iyon hindi lang para sa kanilang mga kalakal kundi para makilala rin ang
mga dalaga. Sakay sila ng magagara at mabibilis na bangka.
Mamahaling regalo ang ibinigay ng mga binata sa mga dalaga. Naging mabilis ang
pagkakaunawaan ng pitong dalaga at ng pitong binatang estranghero.Inanyayahan nilang
magtungo sa kanilang bayan ang pitong dalaga na agad namang nagsipayag.
Subalit hindi nagging madali ang paghingi nila ng pahintulot sa kanilang ama. “Hindi niyo pa
kilala nang lubusan ang mga binatang iyan. Bakit kayo sasama? Hindi ako papayag.” Ang
matigas na wika niya kahit pa nagpupumilit ang kanyang mga anak na sumama sa mga binata.
Isang araw, habang nasa dagat at nangingisda ang ama ay gumawa ng isang mapangahas na
pasya ang mga dalaga. “Sasama ako sa aking kasintahan, sa ayaw at sa gusto ni Ama,” ang wika
ng panganay na si Delay.
“Ako man, ako man,” ang sunod-sunod na sabi ng iba pang dalaga. Sinamantala ng
magkakapatid ang pag-alis ng ama upang mangisda. Bitbit ang kani-kanilang mga pansariling
gamit ay sumakay ang mga suwail na anak sa tatlong bangkang dala ng mga binata palayo sa
kanilang tahanan.
Nang sila’y nasa bahagi na ng baybayin ng Guimaras kung saan nangingisda ang kanilang ama ay
natanaw niya ang tatlong bangka ng mga estranghero lulan ang kanyang pitong anak na dalaga.
Buong lakas na sumagwan ang ama para mahabol ang kanyang pinakamamahal na mga anak
subalit lubhang mabagal ang kanyang maliit na bangka kompara sa makabagong bangka ng mga
estranghero kaya hindi na niya nahabol ang mga anak.
Buong pait na lumuha at nagmamakaawa ang ama sa kanyang mga anak. “Mga anak, huwag
kayong umalis. Bumalik kayo! Maawa kayo,” ang walang katapusang pagsigaw at
pagmamakaawa ng ama habang patuloy siya sa paggaod subalit hindi siya pinakinggan ng
walang turing niyang mga anak. Laylay ang mga balikat sa matinding pagod sa paggaod at sa
labis na kalungkutan sa paglisan ng kanyang mga anak, walang nagawa ang matanda kundi
lumuha nang buong kapaitan. Wari’y nakidalamhati rin sa kanya maging ang kalangitan
sapagkat ang maliwanag na sikat ng araw ay biglang naparam at sa halip ay napalitan ng
nagdilim na himpapawid. Gumuhit ang matatalim na kidlat na sinabayan ng malalakas na
dagundong ng kulog. Biglang pumatak ang malakas na ulan kaya’t walang nagawa ang matanda
kundi umuwi na lamang.
Sa kanyang pag-uwi ay isang napakatahimihik at napakalungkot na tahanan ang kanyang
dinatnan. Hindi napigil ng matanda ang muling pagluha nang masagana. Wari’y sinasabayan din
ng malalakas na patak ng ulan sa bubungan ng kanyang ulilang tahanan ang walang katapusang
pagluha ng kaawa-awang matanda. Labi-labis ang kanyang kalungkutan at pangungulila sa
kanyang mga anak. Sa kabila ng ginawa ng mga suwail na anak ay ang kanila pa ring kaligtasan
ang inaalala ng ama lalo pa’t masamang panahon ang kanilang nasalubong sa paglalakbay.
Kinaumagahan, hindi pa sumisikat ang araw ay pumalaot na ang matanda. Inisip niyang
maaaring sumilong ang bangka ng mga estranghero dahil sa sama ng panahon nang nagdaang
gabi. Baka sakaling mahabol niya pa ang kanyang mga anak. Subalit anong laking pagtataka niya
nang siya’y nasa laot na. Nakatanaw siya ng maliliit na islang tila isinabog sa gitna ng laot sa
pagitan ng kanilang isla ng Dumangas at isla ng Guimaras. Sa lugar na ito siya nangisda kahapon
at alam niyang walang islang tulad nito sa lugar nang nagdaang araw.
Kinabahan ang matanda at kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyag puso ang mabilis na
paggaod papunta sa mga mumunting isla. Anong laking panlulumo niya nang makita ang
nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng kanyang mga anak na nakalutang sa paligid.
Binilang niya ang mumunting isla. Pito! Pito rin ang kanyang mga anak na dalaga. Humagulgol
ang matanda. Parang nahulaan niya ang nangyari. Nalunod ang kanyang mga anak nang ang
sinasakyan nilang mga bangka ay hinampas ng malalakas na along dala ng biglang pagsama ng
panahon kahapon at sumadsad sa mga korales at matatalas na batuhan kaya nagkahiwa-
hiwalay ang mga ito.
Ang mga mumunting isla ay tinwag na Isla de los Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong
Makasalanan. Ito ay bilang pag-alala sa pagsuway at kasalanang nagawa ng pitong suwail na
dalaga sa kanilang mapagmahal na ama.
Hinilawod- Ang pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon
Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na
umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si
Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan
sa kanilang kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na
nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.
At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong Yawa Sinagmaling
Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may
kapangyarihan din.
Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa, sabi ni Buyung Saragnayan sa kanya.
Handa akong kalabanin ka, sagot ni Labaw kay Saragnayan.
Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni
Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.

Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni Saragnayan. Samantala ang
kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang
panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung
Baranugun. Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya. Sa
tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni Saragnayan. Ang
dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda na at ang
kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang buhok.

Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan bago ninyo siya
labanan! sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.
Opo ama, sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay Abyang Alunsini upang
itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.
Nalaman ni Baranugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at pinangangalagaan ng
isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay nagtungo sa kabundukan upang patayin
ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na siyang buhay ni Saragnayan.
Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam na siya kay
Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang kalabanin ang dalawang anak ni Labaw. Si Baranugun
lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-
manong laban. Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay
nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni
Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.
SI IPOT-IPOT AT SI AMOMONGO
Isang gabi, tahimik na lumilipad-lipad upang dumalaw sa kaibigan si Ipot-Ipot (isang alitaptap). Tulad ng
dati’y dala-dala niya ang kaniyang ilawan. Maya-maya’y nakasalubong niya ang isang buskador ng
gorilyang nagngangalang Amomongo . “Hoy, Ipot-Ipot, bakit ba lagi mong dala-dala ang iyong ilawan?
Nakatatawa ka tuloy tingnan. Ha-ha-ha!” ang sabi ni Amomongo habang palundag-lundag na tumatawa
sa harap ng alitaptap.Tiningnan muna siya ng alitaptap bago ito matatag na sumagot. “Alam mo,
Amomongo, dinadala ko ang aking ilawan, una, upang makita ko ang aking daraanan;at pangalawa,
upang makita ko ang mga lamok at nang sila’y aking maiwasan,” paliwanag nito.
“Gusto mong iwasan ang nga lamok? Isa kang duwag! Takot ka sa lamok! Duwag! Duwag! Ha-ha-ha!”
pambubuska ni Amomongo kay Ipot-Ipot.Hindi na lang pinansin ng alitaptap ang pambubuska ng gorilya.
Nagpatuloy na lamang siya sa tahimik niyang paglalakbay. Subalit hindi roon tumigil ang buskador na
gorilya. Tinungo nito ang iba pa niyang mga kalahing unggoy at saka ipinagsabing ang alitaptap ay duwag
at takot sa lamok kaya’t laging nagdadala ng ilawan saanman ito magpunta. Nagtawanan ang iba pang
gorilya na nakarinig sa kuwento tungkol sa pagiging duwag ng alitaptap.Hindi nagtagal at kumalat na rin
ang kuwento sa iba pang mga hayop sa kagubatan. Nang lumaon ay nakarating ito kay Alitaptap. Halos
liparin ng alitaptap ang pagtungo sa bahay ni Amomongo. Nadatnan niya itong natutulog. Itinapat ng
alitaptap ang kanyang ilaw sa mukha ni Amomongo upang magising ito. “Hoy, Amomongo , gising! Bakit
ipinamamalita mo raw na duwag ako? Sadya nga yatang maitim ang budhi mo. Sige, bukas ng gabi,
pumunta ka sa plasa at sa harap ng lahat ay patutunayan kong hindi ako duwag.”
“Hoy Ipot-Ipot, huwag ka ngang balat sibuyas. At ngayo’y naghahamon ka sa isang labanan? Iyang liit
mong iyan? Pupulbusin kita. Ha-ha-ha! Sige nga, sino ang dadalhin mo para labanan ang isang malaking
gorilyang tulad ko?” nagmamalaking tanong ni Amomongo.
Mag-isa akong pupunta subalit kung gusto mo ay dalhin mo pa lahat ang mga kaibigan mo,” matatag na
sabi ni Ipot-Ipot.
Lalong tumawa nang tumawa si Amomongo. “Mag-isa kang pupunta! Hah! Maganda ’yan para makita
mo kung ano ang gagawin ng malalakas na nilalang na tulad namin sa munting alitaptap na tulad mo.”
Nalaman ng iba pang hayop ang tungkol sa napipintong labanan. Kinabukasan ay napuno ang plasa ng
mga hayop na gustong makapanood sa labanan ng nag-iisang alitaptap at ng malalaking gorilya.
Maagang dumating si Ipot-Ipot. Mayâ-mayâ pa’y dumating na rin ang pulutong ng mga gorilya. May
dalá-dalá ang mga itong malalaki at mahahabang pamalo. Masigla siláng nagtatawanan sapagkat para sa
kanila, ang paghahamon ni Ipot-Ipot ng labanan ay isang malaking kahibangan.
Pagkakita ni Amomongo kay Ipot-Ipot ay inutusan niya agad ang mga kalahing atakihin ang naghihintay
na alitaptap. Subalit mabilis itong lumipad at dumapo sa ilong ni Amomongo. Nag-unahan ang mga
unggoy sa pagpalo sa alitaptap nakadapo sa ilong ng kanilang kasamahan subalit mabilis itong nakalipad
palayo kaya’t ang ilong ni Amomongo ang inabot ng mga pamalo. Bumagsak ito sa lupa. Pagkatapos ay
sa ilong naman ng isa pang gorilya dumapo ang alitaptap. Muling sinugod ng iba pang gorilya ang
alitaptap subalit tulad ng nangyari kay Amomongo, hindi rin nila tinamaan ang alitaptap kaya’t ang ilong
na naman ng pangalawang gorilya ang tinamaan. Bumagsak din ito sa lupa.
Gayon nang gayon ang nangyari sa iba pang gorilya. Pinapalo nila ang alitaptap na nakadapo sa ilong ng
isa sa kanila subalit sa halip na tamaan ito, ang mga gorilya ang isa-isang bumabagsak sa lupa dahil
mabilis umilag ang alitaptap kay’t silá-silá ang nagkakatamaan. Hanggang sa isang kisap mata ay
bumagsak sa lupa ang lahat ng gorilya.
“Ngayon, sino sa inyong mga gorilyang ang magsasabing duwag ako?” ang mataginting na tanong ng
maliit na alitaptap. Yukong-yuko ang ulo ng mga gorilya. Bahag dahil sa kahihiyang dala ng nangyari
kaya’t hindi sila makapagsalita. Tiningnan muna sila ng alitaptap na umiiling-iling sa kinahinatnan ng
isang palutong ng mga unggoy at saka ito tahimik na lumipad palayo upang ipagpatuloy ang kanyang
sariling lakad tulad ng dati.
Tambuli ng Ilig
Noong unang panahon malapit sa Zamboanga Del Sur may mga pangkat na naninirahan, sila
ay ang mga “Subano” Ang ina (G’libon Hap) at ama (Thimuay Gabun) ni Ilig ay isang pinuno sa
pangkat nila. Nung malaki na si Ilig niligawan ni Ilig si Tam. Palagi silang nagsasama sa batis
kasama niya si Tam. Isang araw napagusapan nila Ilig at Tam ang mga banyaga na gustong
sumakop sa lupain nila sabi ni Tam na paghihigantihan natin ang mga banyaga sa pagsakop
nila sa mga lupain ng mga Subano, pero hindi nagustuhan ni Ilig ang desisyong iyon. Tapos
mas tumatagal pa ang samahan nila Tam at Ilig at isang araw nagpasya na sila
na magpakasal na silang dalawa. Sumang ayon naman din ang kanilang mga magulang at nag-
impake na sila sa paghahanda sa kasalan nila, ang mga Taong bayan naman ay nagaabala rin
sa paghahanda sa kasalan nila Ilig at Tam. Dahil nandarayuhan lamang sila ni Ilig at Tam sa
kabilang bukid hinihingi-an din sila ng mga alahas bago makapasok o makagawa ng isang
kilos. Kinagabihan sa pag salo salo nila binawi-an ng buhay ang mga magulang
ni Ilig sina Thimuay Gabun at G’libon Hap. Sabi ng mga Kalalakihan dahil iyon sa pang-aagaw
ng lupa sa kanilang tribo. Sa araw ng libing ng mga magulang ni Ilig, sabi ni IligAma! Ina! Ano
ang nangyari sa amin ngayong wala na kayo? Ano nalang ang gagawin namin? Sabi ng
asawa(Tam) ni Ilig Tama na Ilig. Ipaubaya na lang natin kay Apo Megbebaya ang matiwasay
na pagpanaw nina ama at ina. At kinaumagahan pinauubaya nila kay Apo Megbebaya ang
dalawang minamahal nila sa buhay. At gumawa sila ng iba’t ibang mga ritwal. Sa kabila ng
kabataan ni Ilig nakita nila ang kahusayan niya sa pag-iisip at pagbibigay ng mga desisyon.
Kaya pinauubaya nila kay Ilig ang pamumuno ng pangkat nila. Isang araw patuloy parin ang
pag-aabuso ng mga Banyaga sa mga Subano, Sabi ng isang mamayanan “Lumaban nalang
kaya tayo? Galit ang mga mamayanan sa desisyon ni Ilig na hindi labanan ang
mga Banyaga na sumasakop sa lupa nila. Ang tugon ni Ilig Hindi iyan magugustuhan ni Apo
Megbebaya at gayun din ni Thimuay Gabun.
At sabi niya “Huwag tayong ganyan mga kasama. Pinapahalagahan natin ang Kapayapaan
kaya iwasan natin ang kaguluhan dahil hindi iyan ikatutuwa ni Apo Megbebaya” Sabi ng
isang Mamamayan “Pero Ilig Hahayaan na lang ba natin na agawin ang ating mga lupain? Ang
tugon ni Ilig “Hindi iyan ang ibig kong sabihin kung gusto nilang agawin ang ating lupa, atin
itong ibibigay o ibenta sa kanila. Doon tayo sa kabundukan manirahan tutal naroon naman
ang malapad na kabukiran. Naroon ang matiwasay na pamumuhay kasama ang mga ibon sa
kalawakan.
Dumaan ang maraming araw napansin nila Ilig at kanyang mga kasamahan na mas lalo na
silang umuunalad ang kanilang mga pamumuhay. Sa pagkakaisa nilang lahat magagawa
talaga nilang maunlad ang kanilang pamumuhay. Sumama si Thimuay Ilig sa pangangaso
nila Diut. At biglang nawala si Thimuay Ilig! Noong nalaman nila Bal at Diut na nawawala na
si Ilig laking kaba nila kung nasaaan na si Ilig! Hinanap at Hinanap nila si Ilig hanggang lumipas
na ang gabi. Noong sinabihan nila si Tam na nawawala si Ilig hindi maka panipaniwala ang
kanyang asawa sa mga sinasabi nila na nawawala si Ilig. Napansin ni Diut na tumutunog ang
“Tambuli ni Ilig” ito ay isang senyales na “Ipagpatuloy ang kanilang pamumuno kahit
pumanaw na si Thimuay Ilig ” Sama sama silang lahat at pinagluksaan ang pagpanaw
ni Ilig. Sabi nang kanyang asawa na si Tam“Maraming Salamat Thimuay Ilig”
Sa kabila ng pagkawala ng kanilang pinuno na si “Thimuay Ilig” Pinatuloy padin nilang ang
pamumuhay nila ng Mapayapa.

You might also like