You are on page 1of 2

Drug Test sa Positibong Pananaw

Mahigit dalawang taon na mula nang maglabas si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor
Briones ng isang ordinansa na magtatalaga ng mandatory drug test sa mga pampubliko at pribadong
paaralan sa bansa. Napakahalaga ng panukalang ito sapagkat nakakabahala na ang patuloy na pagtaas
ng bilang ng mga kabataan na nasasangkot sa droga. Nakalulungkot na tila ba nakalimutan na ng mga
kabataang ito ang kanilang tungkulin sa bayan anupa’t imbes na pag-asa ang kanilang ibinibigay
problema pa ang hatid nila. Sa tulong ng mandatory drug testing na ipinatupad ng DepEd magkakaroon
ng pagkakataon na maisalba ang mga kabataang ito at muling maging kapaki-pakinabang sa bayan.

Ayon sa Deped Order No. 40 taong 2017, ipasasailalim ang mga mag-aaral mula junior high school
hanggang senior high school sa isang mandatory drug testing. Layunin ng ordinansang ito na malaman
kung gaano kalala ang pagkalulong ng mga mag-aaral sa droga, matukoy kung gaano kaepektibo ang
mga programang inilalaan ng paaralan may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot, hadlangan ang
bisyong ito ng mga mag-aaral at ipasok sa rehabilitasyon ang mga magpopositibo rito kung
kinakailangan. Tunay ngang napapanahon ang ordinansang ito lalo na sa ngayon kung saan mahigpit na
kalaban ng lipunan ang droga, wala na itong pinipiling edad mapabata man ay nabibiktima na nito.

Sa pagtatantiya ni PDEA Director-General Aaron Aquino, mula 2011 hangang hunyo ng taong 2018,
lumalabas na mahigit 2,111 na menor de edad, na may gulang na anim hanggang 17 na ang kanilang
naaresto at nasagip nang dahil sa paglabag sa anti-drug law. Nakalulula ang bilang ng mga kabataan na
bata pa lamang ay nasisira na ang buhay nang dahil sa ipinagbabawal na gamot. Kaya naman nararapat
lamang ang ipinatupad na ordinansa ng DepEd nang sa gayon ay matukoy hangga’t maaga pa kung sino
ang mga kabataan na naliligaw ng landas. Hindi nga dapat sukuan ng pamahalaan ang mga kabataang ito
sapagkat biktima rin sila ng magulong sistema na umiiral ngayon sa lipunan.

Sa katunayan, ang ilang mga kabataan na naaadik sa droga at nagiging pusher ay biktima rin ng mga
sindikato. Sinasamantala ng mga sindikatong ito ang umiiral na batas kung saan binibigyan ng
proteksiyon ang mga menor de edad laban sa pagkakulong pagkatapos nitong gumawa ng krimen,
alinsunod ito sa Seksyon 6 ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Nakababahala nga ang ganitong kalakaran sapagkat inuutusan nila ang mga kabataang ito na magbenta
ng droga maging sa loob ng paaralan. Kung kaya’t hindi nakapagtatakang patuluyan ang pagtaas ng
bilang ng mga kabataang naaadik sa bawal na gamot sapagkat magpahanggang sa ngayon ay nanatili ang
mga ganitong gawain. Kung susuportahan ng mga magulang ang ordinansang ito tiyak na makatutulong
silang mapangalagaan ang napakagandang kinabukasan na meron ang kanilang mga anak.

Sa kabilang banda, may iilan pa ring mga magulang ang mahigpit na tumututol sa ordinansang ito ng
DepEd, ayon sa kanila mailalagay lamang sa nakahihiyang sitwasyon ang kanilang mga anak. Kung pag-
iisipan hindi naman masama na isipin ng mga magulang ang magiging reputasyon ng kanilang mga anak
subalit higit namang mas mahalaga na masigurado ang kaligtasan ng mga ito laban sa droga. Higit
anuman tunay ngang mas importante na maisalba ang nanganganib na kinabukasan ng mga kabataan.
Kung gayon, imbes na batikusin ng mga magulang suportahan na lamang sana nila ang ordinansang ito
sapagkat ito’y inilaan para rin sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Itinuturing nga na droga ang ugat ng kriminalidad kaya naman ang sinumang nalululong dito ay
lubusang nasisira ang kinabukasan. Sa isinagawang pagpapatupad ng DepEd sa mandatory drug testing
nagkaroon ng pag-asa ang mga kabataang nabibiktima ng droga na muling ayusin ang tila ba naging
patapon nilang buhay. Kinakailangang magtulungan ng mga magulang at kinauukulan sa pagsasalba sa
mga kabataang ito, sa pagtutulungan ng dalawang ito tiyak na maraming kabataan ang muling
mapupunta sa tamang landas. Nasa kamay nga ng mga kabataan ang magiging kalagayan ng bansa sa
hinaharap kaya naman nararapat lamang silang pagtuunan ng pansin at tulungan nang sa gayon
masigurado rin ang magandang kinabukasan ng ating bansa.

You might also like