You are on page 1of 17

BUGTONG

1. Sa araw ay bungbong, sa gabi ay dahon. Sagot: banig


2. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari. Sagot: siper
3. Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas. Sagot: gamu-gamo
4. Tinaga ko ang puno, sa dulo nagdurugo. Sagot: gumamela
5. Naabot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay. Sagot: kubyertos
6. Malaking supot ni Mang Jacob, kung sisidlan ay pataob. Sagot: kulambo
7. Maliit pa si kumare, marunong ng humuni. Sagot: kuliglig
8. Baka ko sa palupandan, unga'y nakakarating kahit saan. Sagot: kulog
9. May bintana nguni't walang bubungan,
may pinto nguni't walang hagdanan. Sagot: kumpisalan
10. Heto na si Kaka, bubuka-bukaka. Sagot: palaka
11. Magandang prinsesa, nakaupo sa tasa. Sagot: kasoy
12. Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari. Sagot: paruparo
13. Dalawang batong itim, malayo ang nararating. Sagot: mga mata
14. Kay lapit-lapit na sa mata, di mo pa rin makita. Sagot: tenga
15.Sa maling kalabit, may buhay na kapalit. Sagot: baril
TULA
Ako’y Wika

Wikang Filipino ang aking pangalan,


Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!

Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw


Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!

Ako rin ang ama at naging haligi,


Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!

Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa


Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!

Sinalita ako at gamit ng lahat,


Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!

At nakamit mo na ang hangad na laya,


Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!

Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,


Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab, sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas!
Wikang Filipino

Ito ay punyal na ubod ng talim


Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa


Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino


Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat


Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito


Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas


Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan


Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Medaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas


Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay


Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…
Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Filipino

Ang wika ay apoy – nagbibigay-init,


Sa sanggol na hulog ng anghel sa langit,
Ang inang kumalong at siglang umawit,
Wikang Filipino ang siyang ginamit.

Ang wika ay tubig – na nagpapaputi,


Ng pusong may sala at bahid ng dumi,
Manalangin lamang at saka magsisi,
At patatawarin ng Poong mabuti!

Ang wika ay hangin – siyang bumubuhay,


Sa patid na hinga ng kulturang patay,
Ito’y nagbibigay ng siglang mahusay,
Sa mga tradisyon at pagtatagumpay.

Ang wika ay bato – na siyang tuntungan,


Nitong mga paa ng mahal na bayan,
Wika ay sandigan nitong kasarinlan,
Sa bundok o burol, maging kapatagan.

May alab ng apoy at lakas ng bato,


At kinang ng tubig na wari ay ginto,
Wikang Filipino’y matatag na hukbo
Na lakas ng iyong pagka-Filipino!
Ang Teknolohiya at Ang Wika

Pinagkaitan nga ng mga patinig,


Mga pangungusap – kulang sa katinig,
At kung babasahin sa tunay na tinig,
Ay mababanaag ang kulang na titik!
Sa sulating pormal at mga sanaysay,
Ano’ng pakinabang kung putol at sablay,
Kulang na ang letra’y mali pa ang baybay,
Ang akala yata’y lubhang mahinusay.
Sa paglalahad ng totoong damdamin,
Hindi ba nagkulang sa ibig sabihin?
Sa pagsusulit ba at mga eksamin,
Makapasa kaya kung letra’y kulangin?
Mundong makabago at teknolohiya,
Anong naidulot sa ating pag-asa?
Kabataang dugong mag-aahon sana,
Tila katunggali ng sariling wika.
Ngayo’y nagtatampo – Wikang Filipino
Sa wari’y nasunog ang tunay na mundo,
Ang wika na dapat ay isinasaulo,
Ay lubhang nalimot at nagkalitu-lito!

ANG WIKA KO
Ang wika ko’y wikang atin, katutubo,
Na minana pa ni ina sa nuno ng kanyang nuno;
Taglay nitó ang salaysay na taal at mula puso,
At ang ugat ng lumípas na tagbagyo nang tumubò.
Hindi ito natatákot sa pagsákop,
Yumayaman ito kahit lumuluhang nakagápos.
Ngunit kapag nakalayà, asahan mong magsasabog
Ng bulaklak at insenso sa anak ng paghahamok.
Ang wika nga, walang wikang isinílang
Upang maging mas mataas kaysa ibáng salitaan;
Abá, hintay! Walang wikang sa sarili’y yumayaman
Nang higit pa sa may-ari’t gumagámit araw-araw.
Umibig man at manalig sa banyaga,
Ngunit huwag lilimutin ang sarili’t inang wika;
Malango na sa mabango’t bulaklaking dáyong dila
Ngunit huwag isasangla pati diwa mong malayà.
Ang wika ko’y wika nating malikhain,
May hiwaga ng gunitang pag hinukay, lumalalim;
Langhapin mo’t ang linamnam, umaalab kung haplusin,
Kabaak mo, buong-buo, iyong-iyo pag inangkin
ALAMAT
ALAMAT NG IBONG BAHAW

Sa isang malayong nayon, ay may nakatirang mag-inang sina Maria at Juan. Ilang buwan pa
lamang na kasisilang ni Juan ay namatay na ang kanyang ama. Napataw sa balikat ni Aling Maria
ang mabigat na tungkulin ng isang ama at ng isang ina. Gayunman ay nagsumikap siyang maibigay
kay Juan ang buo niyang pagtingin at pagmamahal.
Palibhasa'y nasusunod nga ni Juan ang layaw sa kanyang ina ay lumaki siyang tumbalik sa hangad
ng kanyang ina. Sa halip na maging isang masunurin at mabait na bata ay lagi siya sa pasyalan.
Bata pa siya'y lagi nang gabi kung umuwi sa bahay. Natuto siyang magsugal at makihalo sa
masamang barkada kaya nahulog ang ugali ni Juan sa masasamang hilig. Hindi man lamang siya
tumutulong kay Aling Maria.
Lagi siyang kinagagalitan, ngunit palibhasa'y suko yata sa langit ang pagmamahal ng ina sa anak,
wala siyang nagawa. Lumaking may masamang ugali si Juan hanggang sa magbinata.
Isang gabi'y umuwi si Juan na gutom na gutom. Tuluy-tuloy siya sa kusina at naghanap ng pagkain.
Dali-dali niyang binuklat ang lalagyan ng pagkain. Nakita niyang may tira sa kanyang kapirasong
isda at bahaw na kanin. Nagalit siya sa ina Malakas na sumigaw, "Inay... Inay..."
Ang inang napagod sa maghapong paglalaba ay nahihimbing na. Naulinigan niya ang tawag ni
Juan. Dali-dali siyang napabalikwas at patakbong lumabas sa silid. Nakita niya si Juan sa kusina.
"Ano ba namang pagkain ito, Inay?" malakas na usisa ni Juan. "Hindi naba ako kakain ng hindi
bahaw?"
"Magpasiyensiya ka na anak," marahang sagot ng ina. "Hindi nga ako agad natulog at hinihintay
kita. Marahil ay napagod akong masyado kaya nakalimot din ako!"
"Hindi na kayo nakatanda!" mabalasik na singhal sa kawawang ina. Inihagis niya ang taklob ng
palayok na kanyang tangan sa galit.
Nabasag ito at lumikha ng malakas na kalampag.
"Anak, nagtiis ako sa iyong sama at pagkukulang. Ibig kong ikaw ay maging mabuting anak kaya
sinunod kong lahat ang iyong mapita.
Ngunit ito na ang sukdulan. Iyan ba ang igaganti mo sa akin?" bigkas ni Aling Maria samantalang
tumutulo ang luha.
"Marami pa kayong sinasabi," muling bulyaw ni Juan sa kanyang ina.
"Sa iyong ginawa, sana'y ipahintulot ng Diyos na ikaw ay maging isang pangit na ibong tuwing
gabi lamang gagala at laging sisigaw ng bahaw," sumpa ng ina.
Biglang tumalab ang sumpa at pagkawika noo'y unti-unting nagbago ang anyo ni Juan. Nagkaroon
siya ng balahibo. Nagingpakpak ang kanyang mga kamay. Ibinuka niya ang kanyang bibig na
naging tuka at nagsalita siya upang humingi ng tawad. Ngunit walang namutawi kundi ang salitang
bahaw. Lumipad siya sa bintana. Matamang tinitigan ang kanyang nakahandusay na ina at muling
nagsalita, "Bahawww.. .bahawww." Ikinampay ang malalapad na pakpak at nawala sa dilim ng
gabi.
ALAMAT NG PATING
Ang kasabihang parang pating ka kung magpatubo ay batay sa alamat ng pating na kuwento ng
mga taga-Palawan. Noong unang panahon daw ay may isang mayamang Palaweno na kilala sa
pagiging gahamang usurero. Siya si Kablan na lagi nang gustong pagtubuan ang lahat ng
kapitbahay na mangingisda sa kanilang komunidad. Sa sobrang pagpapatubo sa perang
ipinauutang, galit na galit ang mga mangingisdang hindi makapalag sa kaswapangan ng kanilang
kababayan. Sapagkat baon sa hirap ang lahat, napipilitan silang maging sunud-sunuran sa
napakatakaw na mangangalakal. Tanging si Kablan ang may tindahan sa kanilang komunidad.
Binabarat niya ang mga paninda sa siyudad. Ipinagbibili niya ang mga ito na may mataas na patong
sa mga pobreng mangingisda. Hindi sila makaangal sa di makatarungang pagpapautang. Mahusay
na mahusay kumita ng pera si Kablan. Madali ka nitong bibigyan ng paninda kung may sarili kang
bangkang paghahanguan ng mga huling isda sa karagatan. Mas malaki ang bangka, mas malaki
ang huli. Mas malaki ang huli, mas marami rin ang panindang maipapautang sa iyo ng ngingisi-
ngising negosyante. Isang magdadapit-hapon, habang nagpapasasa si Kablan sa marangyang
hapunan, isang uugud-ugod na matanda ang kumatok sa kanyang bahay.
"O ano, tanda, may problema ba?"
"Na...nagugutom ako. Maaari po bang makahingi ng sobra sa hapunan ninyo?"
"Aba oo, yun lang pala," nakakunot-noong sagot ni Kablan. "Pero sa isang kondisyon, kailangang
bayaran mo. Pagkain ko katapat ng pera mo. Basta may tutubuin ako, lahat ay areglado. Kung wala
kang pera umalis ka na dyan at baka hindi ako makapagpigil sa iyo."
"Maawa kayo, ginoo. Hindi ninyo madadala sa hukay ang yaman ninyo."
"Aba makulit ang matandang ito! Lumayas ka rito! Doon ka sumisid sa dagat. Tiyak na may isda
kang mahuhuli! Sige, layas! Layas!" pinagtulakan ni Kablan ang kaawa-awang matanda na
napasubsob sa tarangkahan ng malaking bahay. Sa tulong ng mga batang nagsilapit, ang matanda
ay nakatindig. Napansin ng mga paslit ang nagniningning na baston ng matanda. Nagpasama ang
matanda sa bahay-bahay. Nagbabala ito na may darating na lindol sa kapatagan at magbibitak-
bitak daw ang lupa sa kapaligiran. Matapos magbabala ay itinaas ng matanda ang baston.
Namangha ang lahat nang magdilim ang langit at gumuhit ang matalim na kidlat. Sa pagpanhik ng
matanda sa burol ay bumuhos ang malakas na ulan, at yumanig ang lupa. Sa matinding takot ay
nagsunuran ang mga mangingisda sa di nila nakikilalang matanda. Hindi natinag si Kablan sa loob
ng kanyang tindahan. Tuwang-tuwa pa siyang humalakhak. Nakikini-kinita niya ang paghugos ng
mga mangingisda. Tiyak daw na bibili sila ng mga paninda niya. Naglalaro sa isip niya na ngayong
napakalakas ng ulan lalo siyang magtataas ng presyo. Ipapautang niya ang lahat ng pagkain at
damit na bultu-bultong nakaimbak sa kanyang lalo pang pinalaking bodega. Sa panghihiyang
ginawa ni Kablan, gumanti ang pobreng matanda sa pagsasabing, "Tulad ng takot na itinanim mo
usurero sa lahat ng nangangailangan sa oras ng kagipitan, magiging isda ka rin na katatakutan ng
lahat sa karagatan." Sa muling pagtataas ng tungkod ng matanda, lalong dumagundong ang mga
kulog at tumalim ang mga kidlat. Tulad ng sinabi nito, ang ulan ay hindi na huminto pa. Sa itaas
ng burol, tanaw na tanaw ng lahat na nagdudumaling lumabas si Kablan sa tindahan. Nanginginig
ito sa sobrang takot. Papanhik din sana siya sa tuktok ng burol subalit naabot siya ng rumaragasang
tubig-ulan na lalong nagpalalim sa dagat-dagatan. Ang mahagway na katawan ni Kablan ay naging
mahabang isda na may matulis na nguso at matatalim na ngiping parang kakain kaninuman. Nang
balingan ng tingin ang matanda ay wala na ito sa kanyang kinatatayuan. Nawala itong parang bula.
Magmula noon nakilala na sa Palawan ang pating. Ito ay pinangalanang Hari ng Karagatan na
walang takot kaninuman. Laging kinatatakutan si Kablan sa pagiging usurero sa Palawan, ang
pating naman ay lagi ring kinasisindakan sa kabangisan.
ANG ALAMAT NG PUNO NG PINO

Noong unang panahon, sa Lalawigang Bulubundukin ay may isang mabait at masipag na dalagang
ulila na sa ama't ina. Siya ay si Sanggumay. Pagtatanim ang kanyang ikinabubuhay.

Maraming katutubo ang pumupunta kay Sanggumay upang humingi ng bunga ng mga tanim
niyang halaman. Binibigyan naman niya ang lahat ng humihingi sa kanya ng mga gulay at prutas.

Sa kabila ng kabaitan ni Sanggumay ay wala man lamang siyang kaibigan. Wala ring binatang
nanliligaw sa kanya. Ang dahilan ay ang kanyang balat na magaspang na tulad ng balat ng
punongkahoy. Dahil dito, malungkot ang dalaga. Naisipan niyang manirahan na lamang sa ibang
pook.

Nagtungo si Sanggumay sa kalapit na bundok at doon naman nanirahan. Ngunit hindi rin naging
maligaya ang dalaga. Wala siyang ikinabubuhay sa lupang iyon kaya madalas na wala siyang
makain. Naisip niyang tumira sa isa pang panig ng bundok. Dito niya natagpuan ang hinahanap na
kaligayahan. Naging maligaya siya sa pakikipaglaro sa mga ibon, mga hayop, at mga bulaklak.
Hindi napapansin ng mga bago niyang kaibigan ang pangit niyang balat.

Sa kabila ng kaligayahan at katahimikan sa piling ng mga itinuturing niyang kaibigan, may


kakulangang nadarama si Sanggumay. Sa puso niya ay hinahanap pa rin niya ang pagmamahal ng
kanyang kapwa-tao. Sa ganitong pagkakataon, labis ang kalungkutang nadarama ng dalaga.

Isang hapon, matapos mapagod ang dalaga sa pakikipaglaro sa maliliit na hayop, magpahinga siya
sa tabi ng isang punungkahoy. Noon niya nakitang mabuti ang pagkakatulad ng balat niya at ng
balat ng puno. May naramdaman siyang kaligayahan. Naisip niyang ang mga punungkahoy ay
malapit sa mga tao. At ito'y pinakikinabangan ng marami.

Dahil sa matagal nang gustong mapalapit ni Sanggumay sa puso ng mga tao, nagdasal siya.
Hiniling niya sa Diyos na sana'y maging isang punongkahoy rin siya. Sa gayon, lalo siyang
makapaglilingkod sa mga tao at hindi na makikita ang kanyang kapintasan.

Isang himala! Noon din ay biglang inantok ang dalaga at nakatulog sa tabi ng punongkahoy.
Nakangiti ang dalaga habang natutulog. At kasabay noon, biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Kinabukasan, si Sanggumay ay wala na sa kinaroroonang tabi ng punongkahoy. Sa pook na iyon,
may tumubong isang magandang punongkahoy na ang balat ay magaspang at ang mga dahon ay
pinong parang buhok.

Ang punongkahoy na iyon ay mabilis na lumaki at nang magtagal ay namunga nang marami. Nang
bumuka ang mga bunga, nalaglag ang mga buto sa pagaspas lamang ng hangin. Tumubo ito sa
lupa at naging panibagong puno. Sa pagdaraan ng panahon, dumami nang dumami ang nasabing
punongkahoy sa bundok na iyon. Nang magtagal, ito ay nakilala na sa pangalang puno ng pino o
pine tree.

Ipinagkaloob ng Diyos ang hiniling ng mabait na si Sanggumay. Siya'y naging punongkahoy na


dumami at pinakinabangan ng mga tao.
ALAMAT NG PINAUPONG BANGKAY

Asal ang tawag sa silyang upuan ni Kamatayan ng mga Igorot. Paano ito nagsimula?
Noong unang panahon, may isang Igorot na nagtanim ng kalabasa sa gilid ng bundok. Tuwang-
tuwa siya nang mapagbunga niya nang marami ang kalabasa. Isang hapong kasasalok lang niya ng
tubig sa likod bahay ay nagulat siya sa ingay ng magkakapatid na matsing. Pinaghahatak nila ang
kalabasa na walang paalam.
"Hoy! Hoy, mga magnanakaw!" habol ng Igorot. Mabilis na nagtatakbo ang mga matsing.
Kinaumagahan, habang dinidilig ng Igorot ang mga pananim ay natanawan niya ang magkakapatid
na matsing kasama ang kanilang mga magulang at ng buong tribu. Sa dami nila ay pinamutlaan ng
mukha ang Igorot. "Hoy Igorot! Bakit hinabol mo ang mga anak ko?" galit na usisa ng Inang
matsing. "At bakit pinagbintangan mo silang mga magnanakaw," nanginginig sa galit na usisa ng
Amang matsing. "Walang magnanakaw sa lipi namin!" nanlilisik ang mga matang sigaw ng tribu
habang pinaliligiran nila ang Igorot. "Walang magnanakaw sa amin." ulit na sigaw nila. Buo ang
loob na nagpaliwanag ang Igorot.
"Kinuha nila ang mga kalabasa na walang paalam. Hindi ba pagnanakaw ang tawag doon?"
Hindi marunong makinig sa paliwanag ang mga matsing. Galit nilang nilapitan ang Igorot.
Hinawakan ng matutulis na daliri, kinurot at kinagat.
Nanlaban ang Igorot. Matapang din ito. Pero nag-iisa lang siya. Nasukol ng mga matsing ang
pobre. Mahahapdi ang mga kalmot. Masasakit ang mga kagat. Duguan ang buong katawan ng
Igorot. Inakala ng mga matsing na patay na siya. Hindi nila alam na nagpatay-patayan lang ang
kaawa-awa. Habang iginagawa ng ataol na panglibing ay iniupo muna ang Igorot sa isang Asal na
silyang upuan ni Kamatayan. Tinalian nila ang ulo nito upang maayos na mapaupo ang Igorot.
Tuwang-tuwa ang mga matsing na sa kanila na mapupunta ang buong kabahayan ng Igorot.
Mapapasakanila na rin ang lahat ng kalabasa sa gilid ng bundok.
Habang naghahanap ng lugar na mapaglilibingan sa kagubatan ang mga matatandang matsing, ang
mga kabataan ang pinagbantay sa inaakala na nilang bangkay. Nagulat ang mga batang matsing
nang dumilat ang Igorot. Nagsisigaw sila sa takot. Sa lakas ng sigaw ay napilitang magbalik ang
mga nakatatanda.
"Buhay ang Igorot! Buhay ang Igorot!" Sapagkat naipikit na muli ng Igorot ang mga mata bago
pa dumating ang Ama at Inang matsing kaya nakagalitan nila ang mga anak na inakala nilang
nagsisinungaling. Nang muling umalis ang nakatatanda ay dumilat na naman ang Igorot. Inutusan
nito ang mga bata na kalagan siya. Sa takot ng mga batang matsing ay sumunod sila.
"Maghanda kayo ng kawa at magpakulo ng tubig!" sigaw ng Igorot.
Nanginginig ang mga batang matsing na sinunod ang utos ng nanlalalim ang mga matang Igorot.
Pinagtatali ng Igorot ang mga batang matsing at isa-isang pinakuluan hanggang sa mamatay. Dali-
daling umalis sa kanyang bahay ang Igorot. Binagtas niya ang makitid na daang hindi matutunton
ng mga kaaway. Galit na galit ang mga matsing sa paghihiganti ng Igorot. Pinaghahanap nila ito
pero hindi nila nakita kahit man lang anino. Sapagkat makamandag ang mga kagat ng matsing
nanlupaypay ang hapo nang katawan ng Igorot. Pero kahit nanghihina na sa pagsasalaysay ay
pinilit nitong bigyang diin na kailangang pangalagaan ng mga Igorot ang anumang pinaghirapan
nilang bagay sa daigdig.
Nang ipikit ng Igorot ang mga mata, inakala ng mga kaibigang didilat din siya matapos iupo sa
silyang Asal ng Kamatayan. Pero nabigo sila sa kahihintay. Iyan ang simula ng tradisyong
pagpapaupo ng bangkay sa Asal. Pagpapaupo sa naiidlip na kamatayang bukas makalawa ay
pinaniniwalaang mabubuhay.
ALAMAT NG PAKWAN

Humigit-kumulang sa tatlong daan taong namalagi sa Pilipinas ang mga Kastila. Layunin ng
Espanyang sakupin ang mga katutubo. Naging kasangkapan ng mga Espanyol ang Katolisismo
upang lalong mapadali nila ang pamamalakad dito. Bagamat sa Limasawa, Leyte nagdaos ng
unang misa, may isang paring Kastilang nagngangalang Padre Novelles ang nakarating sa
lalawigan ng Nueva Ecija.
Sinikap niyang kumbinsihin ang mga katutubo upang maging Katoliko. Upang magawa ito, pinag-
aralan niyang makapagsalita ng kanilang wika. Madali naman siyang natuto. Sapagkat matagal na
ring sumasamba sa mga anito ang mga katutubo, hirap na hirap si Padre Novelles na manghikayat.

Lalong pinagsikapan ng paring Kastila ang pagtuturo ng buhay at mga aral ni Hesukristo.
Binigyang diin niya ang pagpapasakit ng Anak ng Diyos. Isinalaysay niya ang pagkapasan sa krus
upang iligtas lamang ni Hesus ang mga makasalanang tao sa daigdig.

Sapagkat misyunero, marami ang naliwanagan sa katotohanan. Pero kahit marami ang sumunod
sa itinuturo ng paring Espanyol ay may isang barangay na bulag pa ring sumasamba sa mga anito.
Ito ang barangay na pinamumunuan ni Datu Diliwariw. Ayaw ng Datung paniwalaan ang mga aral
na itinuturo sa Katolisismo. Sa labis na pagkagalit ipinadakip mismo ng datu sa mga nasasakupan
ang misyunerong nangangaral.

Sapagkat batay sa turo ng Katolisismo ay nagpasan ng krus at ipinako sa kabundukan si


HesuKristo. Ito rin ang parusang ipinataw ng di binyagang datu sa paring Katoliko.

Awang-awa ang maraming katutubo sa pagpapasan sa krus si Padre Novelles. Ang maalikabok at
baku-bakong lansangan ng Nueva Ecija ay kanyang dinaanan. Sa bundok ng mga anito na ngayon
ay kilala bilang bundok ng Caraballo itinindig ang krus. Habang nagbabaga ang araw ay
isinakripisyo ng misyunero ang abang buhay. Katulad ni Kristo, isang matulis na sibat ang tumapos
sa hininga ng paring Katoliko. Ang sariwang dugo sa dibdib nito ay mayamang umagos sa lupang
pinagtindigan ng krus.

Matapos ipapatay ay hindi mapalagay si Datu Diliwariw. Naalala niya ang itinuturo ng misyunero
na si Hesus daw ay muling nabuhay pagkalipas ng tatlong araw. Upang makatiyak, isinama ng
datu ang pinakamatapat na kawal nang dumating ang ikatlong gabi. Ginimbal sila ng katotohanan,
ang bangkay na kanilang iniwan ay nawala sa kanyang kinapapakuan. Napaluhod ang datu kasama
ng kawal. Inalala nila ang mga aral na itinuro ng misyunero tungkol kay Kristo. Taos puso silang
humingi ng tawad. Sa kanilang pagyuko at pagluha ay may napansin silang munting halaman sa
lupang dinilig ng dugo ng kabanalan. Ang nasabing halaman ay nagbunga ng animo makinis na
ulo ng paring misyunero na kapag biniyak mo ay may lamang tila mapulang dugo ng kabanalan,
matamis at nakaaalis ng uhaw. Magmula noon, ang naging Katolikong datu ay lagi nang
dumadalaw sa pinagpakuang kabundukan. Ang panata niyang iyon ay kalakip ng pagtanggap ng
kaparusahan sa malaking kasalanang nagawa niya sa paring ipinapatay.

Sapagkat tumubo ang kakaibang halaman ay tinawag ang bunga nito na pinagpakuan na nauwi sa
pakuan na ngayon ay naging pakwan. Iyan ang pinanggalingan ng alamat ng Pakwan.
MAIKLING KUWENTO
PAGATPAT

Isang gabing namamahinga na sila, nabanggit ni Dindo ang napuna nito sa dulong hilaga ng
pulo.
"May mga latian pala po sa gawing hilaga ng pulo," sabi niya kay Mang Pisyong. "At marami po
akong nakitang isang uri ng punongkahoy na ngayon ko lang nakita. Malalaki po ito, at may mga
sumusulpot na kung anong matutulis na bagay sa tabi nila, parang maliliit na puno, pero medyo
namumuti-muti."
"Pagatpat ang tawag sa mga punongkahoy na 'yon," sabi ni Mang Pisyong. "Nasa putikan sila, at
ang sinasabi mong matutulis na tumutubo sa paligid ay tinatawag na air roots, bahagi rin ng mga
punong iyon. Nakatutulong sa paghinga ng mga puno dahil nasa putikan nga sila. At ang mga
uring ugat na 'yon ay nagagamit sa mga lambat upang lumutang ito sa tubig. Nagagawa ring cork
o tapon sa mga bote."
"Parang may mga bunga rin po," sabi pa ni Dindo.
"Mayroon nga," ayon ni Mang Pisyong. "At nakakain din ang mga bungang iyon, medyo lasang
keso, puedeng pagkapitas sa puno ay kanin, o kaya ay iluluto. At nagagamit ding gamot, na
pampaampat sa hemorrhage o labis na pagdugo."
"Hindi ko po yata alam ang punong sinasabi n'yo," sabi ni Kiko.
"Kasi, ang mga kilala mong mga puno ay yaong tumutubo sa bundok," sabi ni Mang Pisyong.
"E, ito ngang pagatpat, sa mga latian at putikan matatagpuan."
"Ano po naman ang silbi ng pagatpat?" tanong ni Inday. "Nagagamit din po ba ang kahoy noon?"
"Puwede ring magawang haligi, pinto, sahig, dingding at kahit sa mga pantalan at tulay,
nagagamit din," paliwanag ni Mang Pisyong. "Kaya lamang, mahirap lagariin, at saka ang kahoy
ay may taglay na asin, dahil nga tumutubo nang malapit sa dagat o kaya ay mga ilog na malapit
sa dagat. Ang mga pakong kailangan sa kahoy na ito ay dapat na yari sa tanso at dahil
masyadong matigas ang kahoy, kailangan pa rin ang mga turnilyo."
"Pambihira namang uri ng kahoy iyon," buong paghangang sabi ni Kiko.
"Ang mapupuna ninyo sa ating mga punongkahoy, iba-iba ang silbi sa kapaligiran,"
pagpapaliwanag pa ni Mang Pisyong. "tulad nitong pagatpat, nabubuhay nga sa tabi ng mga
latian at mapuputik na tabing-dagat. At sa gayong paraan, naililigtas nila ang lupa sa pagkaagnas.
Nakatutulong din sa paligid ang kanilang mga ugat na sadyang ginagamit nila upang makahinga
sa maputik na kinaroroonan."
"Kung susuriin po," sabi ni Inday, "talagang mapupuna natin ang Kamay ng Diyos sa iba-ibang
tanim, puno, ibon, hayop at maging mga tao. Iba-iba ang silbi natin... at kung iisipin lamang ng
mga tao ang kabutihan ng Diyos sa pagbibigay ng buhay sa atin at sa ibang mga bagay sa ating
kapaligiran, makikiayon tayo sa kalikasan."
"At laging may kaparusahan ang tao sa mga maling gawa," malungkot na dagdag ni Kiko.
Nagbuntong-hininga, "Noong araw, hindi ko naiintindihang masama pala ang pagkakaingin.
Kainginero ang aking ama, at sa simula ng kanyang pagtatanim ng palay sa bundok, maganda
ang ani, pero habang lumalaon, humina na nang humina. At napilitang maging mangingisda ang
aking Kuya, at ako po naman, Mang Pisyong, nakita n'yo, lumikas na rin ako mula sa lupang
binungkal ng aking ama pagkaraang silaban niya ang mga puno upang magkaroon ng kaingin."
"Ang sinisikap nga natin ngayon, mapaunawa sa mga nagsisipagkaingin pa rin na hindi mabuti
iyon," sabi ni Mang Pisyong. "At ang kabutihang nagagawa ng mga NGO para sa kanila, sila
mismo, ang mga kainginero, ang kinakatulong sa pagtatanim sa mga gulod na panot."
"Ang kaso po," mapait pa rin ang tinig ni Kiko, "maraming mga makapangyarihan sa ating mga
kababayan, mayayaman, mga nasa kongreso at matataas ang puwesto sa pamahalaan ang siya
pang nakasisira sa ating mga kagubatan. Sila ang mga illegal loggers. Mas higit po ang pinsalang
nagagawa nila kaysa mga kainginerong tulad ng tatay ko."
"Totoo rin ang sinasabi mo. Kiko," malungkot ding ayon ni Mang Pisyong, "at hanggang hindi
nasasawata ang pamiminsala ng mga illegal loggers, hindi mawawala ang panganib sa ating
kapaligiran."
"Kung sana po naman, mabilanggo ang mga mayayamang taong nagkasalapi dahil sa
pamiminsala sa ating mga bundok," sabi ni Inday.
"Kaya nga, tayong lahat, dapat laging magsuri sa pagkatao ng mga ibinoboto natin, sa mga taong
hahawak ng pamahalaan, iyon ang una sa lahat," sabi ni Mang Pisyong. "Kapag tapat sa
tungkulin ang mga pinuno ng barangay, alkalde, gobernador, kongresman, senador at pangulo ng
ating bansa, matatakot gumawa ng masama ang naninira ngayon sa ating kapaligiran"

SI JESUS AT ANG MATANDANG BULAG

Nang sampung taon pa lamang ang gulang ni Jesus, tulad ng ibang mga bata, mahilig din siyang
maglaro at maglakad-lakad sa mga kalsada para maglibang.
Isang araw, sa pamamasyal niya, nakakita siya ng matandang lalakeng bulag na nag-babantay ng
pinatutuyong palay. Nasa nakalatag na banig ang palay sa gitna ng daan. At ang matanda ay nasa
bangko sa tabi nito.
Palibhasa'y bulag hindi nga makikita ng matanda ang mga manok na lalapit para tumuka sa palay
na binabantayan, kaya ang matanda ay nakikinig lamang sa tok-tok ng tuka ng manok at
bubugawin niya ang mga ito sa pamamagitan ng hawak na pamalo.
Nang makita siya ni Jesus, naisipan ng batang magbiro sa matanda. Umupo siya sa tabi ng banig
na may palay at itinuktok ang daliri sa banig.
"Tuk- tok- tuk- tok."
"Su! Su!" sigaw ng matanda at iwinasiwas ang pamalo sa dakong kinariringgan ng tuktok.
"Tuk-tok! tuk-tok!" talagang nawiwili pa rin sa kanyang pagbibiro ang batang si Jesus.
"Su! Matigas ang ulo ng manok na ito, a," sabi ng matanda.
"Tuk-tok!"
Tuluyan nang nagalit sa "manok" ang matandang bulag at ibinato ang tangang patpat sa dakong
kinariringgan ng tuktok. Tumama ang patpat sa balikat ni Jesus at anong laking himala!
Biglang nakamulat ang bulag at nakakita ng liwanag. Siya nga'y hindi na bulag at ang unang
nakita niya ay isang batang lalake na nakangiti sa kanya.
"Naku, Totoy, tinamaan ka ba ng aking patpat? Ang binabato ko ay manok. Ikaw yata ang
tinamaan ko. Ngunit ano itong himalang nangyari sa akin? Salamat po sa Diyos!"
Lumakad nang paalis si Jesus na hindi nagsalita habang ang matanda'y takang-taka pa rin sa
pangyayari habang tuloy pa rin ang pagpapasalamat sa Diyos.
ANG ARAL NG DAMO

May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng
nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

"G. Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya?" tanong ng anghel.

"Hindi," ang sagot sa tinig na walang sigla, "sapagkat ako'y walang bulaklak."

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. "Bb. Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa
iyong paligid?"

"Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon.
Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!"

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. "Ano ang masasabi mo
sa iyong halimuyak?"

"Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko.
Ang kanyang mga piling ay hinog na!"

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, "G. Saging, kumusta?
Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?"

"Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang
hangin lalo't may bagyo, ako'y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!"

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, "Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?"

"Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga
ito'y nagsisilbing proteksiyon!" pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. "Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?"

"Masaya ako !" sagot ng damo . "Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw
ko rin ng matibay na puno. Gusto ko'y ako'y ako... hindi nananaghili kaninuman pagkat
maligaya!"
ANG MATALIK KONG KAIBIGAN

Tulad ng nakagawian kong gawin, pagkarating ko sa bahay mula sa paaralan, hinanap ko ang
pahayagan. Ipinatong ko ang pagod kong mga paa sa bangkito at inumpisahan kong basahin ang
kolum ni George Nava True tungkol sa kalusugan at mga sakit sa katawan.

Sunod kong tinunghayan ang Entertainment at pagkatapos nito, sinulyapan ko ang mga pangalan
ng mga namatay sa obituary.

Laking gulat ko na lang nang makita ko ang pangalan ng aking matalik na kaibigan. Bigla akong
tumayo na nanikip ang dibdib.

Sinabi ko kay Nanay na namatay si Richard at pupuntahan ko agad sa St. Peter's Chapel kung
saan siya nakaburol.

Sa St. Peter's, sinabi sa information na sa huling silid sa kaliwa naroon ang aking kaibigan.

Sa pagpasok ko pa lamang sa silid ay nakita ko na agad ang iba naming kabarkada. Puro sila
malungkot at halos maiyak-iyak.

Di ko mapigil ang aking luha habang minamasdan ko ang mukha ni Richard sa loob ng kabaong.
May mga tapal ang kanyang pisngi at noo. Lumapit sa akin ang kapatid niyang si Kristine.
"Nabundol ng trak ang kotseng sinasakyan niya."

"Saan nangyari ito?" ang tanong ko.

"Sa may Magallanes Village, sa Expressway, noong Sabado. Wala ngang nakakita kung anong
plate number ng truck. Hit and run ang nangyari."

"Nanghina ako nang mabasa ko sa pahayagan ngayong hapon. Nagmadali nga akong pumarito,"
ang wika ko.

Isang mabait at masayang kaibigan si Richard. Marami siyang kaibigan, mahirap at mayaman.
Buhat pa ng maliliit kami ay magkaibigan na at madalas magkasama, nagbabasketball,
namamasyal, nagsisimba, at iba pang gawain ng mga bata.

Bakit kaya siya binawian agad ng buhay? Labimpitong taon pa lamang siya. Marami pa sana
siyang magagawa at matutulungan. Nasabi ko tuloy sa sarili na hindi nga pala nakatitiyak ang
sinuman kung kailan daratihg ang kamatayan. Maaaring sa araw ding ito, o sa madaling
panahon.

Kailangang maging handa sa lahat ng oras. Kailangan ang paghingi lagi ng awa. at kaiinga sa
Diyos, at ang pagiging mabait.

Nakilibing ako kay Richard at sa tabi ng kanyang hukay ay ipinangako ko na gagawan ko ng


istorya aqg buhay niya at ang ipapamagat ko ay "Ang Matalik Kong Kaibigan."
ANG SAPATERO AT ANG DWENDE

May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos.
Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang sapatos.

Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga sapatos at kay
husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng materyales
para sa dalawang pares.

Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na
yari na ang dalawang pares na sapatos.

Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para sa apat na
pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga.

Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos.
Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng
sapatero.

"Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin," tanong niya sa asawa.

"Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino nga
siya?" alok ng babae.

Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal na
kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose, biglang
pumasok sa bintana ang dalawang kalbong dwende.

Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw


pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at mabilis
din silang tumalon sa bintana.

"Mga dwende pala!" sabi ng babae. "Kay babait nila, ano?"

"Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao."

"Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi."

Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga
matutulunging dwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng
kurtina. Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan nilang
para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak. Pagkatapos nilang
magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa bintana na suot ang mga
bagong damit. Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang dwende ngunit nagpatuloy naman ang
swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob.
SALAWIKAIN
1. Batas ng embudo ang nais matupad,
madali sa papasok, mahirap sa palabas.

2. Bulang tubig ang kapara


Nawawala kapagdaka.

3. Di man makita ang apoy, sa aso ay matutunton.

4. Di matawag na dimonyo at di marunong manukso.

5. Di naman masabing santo't di maalam magmilagro.

6. Habang dumadami ang panukala,


Lalong umuunti ang nagagawa.

7. Habang lumalaki ang saklaw ng daliri


Ang nadadakot mo'y lalong umuunti.

8. Hindi kakamot sa ulo ang babaing walang kuto.

9. Hirap man ang katawan


Huwag lang sa kalooban

10. Huwag kang humagis


Nang di kagisan;
Ang masama sa iyo
Huwag gawin sa kapwa mo.
ALBUM SA
FILIPINO
RAY-VAN EARL M. MATUTINA
IV-HONESTY

You might also like