You are on page 1of 1

Ina Therese R.

Ardan Oktubre 9, 2018


GEFILI2 – EN1 Dr. Fortunato
Ang Kaalaman Bilang Kapangyarihan
Sa “Intelektwalismo at Wika” ni Renato Constantino, isa sa mga tinalakay niya ay
kung sino nga ba ang “intelehenteng” Pilipino. Inilarawan niya ang kanilang mga
katangian, at pati na rin ang katangian ng mga akala natin ay intelehenteng Pilipino.

Binigyang diin ni G. Constantino na ang Pilipinong tunay na intelehente ay dapat


na may “interes na pag-aralan at baguhin ang kabuuang lipunan para sa interes ng
karamihan.” Sa madaling salita, ang tunay na karunungan ay hindi nakabase sa dami ng
nalalaman, sa halip ay nakikita ito sa responsableng paggamit ng kaalaman tungo sa
ikauunlad hindi lamang ng sarili, kung hindi pati na rin ng kapwa.

Sa kabilang dako, mayroon namang mga Pilipinong ipinagmamalaki ang kanilang


mga sarili bilang mga intelektwal, Ayon kay G. Constantino, ang karamihan sa kanila ay
mga “semi-intelektwal” lamang, at ang iba rin naman ay mga tinatawag na “mental
technicians.” Karamihan sa mga taong nabibilang sa mga pangkat na ito ay ang mga
taong may kapasidad na makapagtamo ng “magandang edukasyon” sa ating bayan.
Nakikita nila ang edukasyon bilang isang instrumento lamang upang makamit ang
kanilang mga pansariling ambisyon, ngunit wala o kulang sa kanila ang pagnanais na
gamitin ang pribilehiyong ito para sa interes ng karamihan. Sila ay kontento na lamang
sa kanilang natamo kaya’t pabor sila sa kasalukuyang sistema ng lipunan at ng
edukasyon.

Nakalulungkot isiping totoong ito ang kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan.


Higit na malaki ang bilang ng mga taong mas inuuna ang pansariling hangarin ng
kumbinyenteng buhay kaysa sa mga taong nagmamalasakit sa kalagayan nating mga
Pilipino at ng ating bansa. Subalit sa aking opinyon, kung paanong inabot ng daang mga
taon upang umabot sa ganitong kaisipan ang mga Pilipino, ay maaaring ganoon din
katagal bago muling mapaalab ang pagmamahal natin sa sariling bayan at ang hangarin
na maisulong muli ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Gayun din naman ay
kinakailangan nito ang pagkilos ng madla, na nagsisimula sa pangunguna ng iilan.

Naniniwala akong hindi pa huli ang lahat upang piliin nating humakbang sa daan
ng kaunlaran para sa ating bansa. Ang pagtamo ng karunungan at ang paggamit nito
upang mabago ang ating lipunan para sa interes ng karamihan ay maaaring gawin nino
man. Malaki o maliit man ang ating nalalaman ay nasa ating mga kamay kung paano
natin ito gagamitin o ibabahagi.

You might also like