You are on page 1of 10

ANG KWENTO NI MABUTI

Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang
pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang
hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero.
Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko
lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa
isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa
kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa
kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing
anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng
halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging
pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa
buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa
bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang
lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng
mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong
lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin ..
mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong
kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon.
Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa
aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa
palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y
nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig
nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang
bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan
ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating
dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin..
kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag,
pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo
niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang
sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang
kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-
aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay
ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa
aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at
natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw
sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang
kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na
lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na
aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng
kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa
kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin
siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang
nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon.
Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon
sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot
niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-
ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang
paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y
nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong
kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga
handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig
ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya
ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay
ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At
habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa
pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok
ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may
mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-
aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang
tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na
pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang
nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon,
magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga
pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi
niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat
nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli
niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang
kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng
manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay
namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang
anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang
lahat.

Buod ng “Kwento ni Mabuti” ni Genoveva Edroza Matute


Ang maikling kuwentong ito ay tungkol sa isang guro at ina na kung bansagan ng kanyang mga
estudyante ay “Mabuti”.
Si Mabuti ang naging dahilan upang maunawaan ng isang mag-aaral sa katauhan ni Fe ang tunay
na kahulugan ng buhay.
Si Mabuti may suliraning iniiyakan, tulad din ni Fe. Sa kabila nito, napaghingahan niya ng
damdamin ang guro. Bumuti ang kanyang pakiramdam at naging positibo ang kanyang pananaw sa
buhay.
Natuklasan niya ang isang lihim sa pagkatao nito na nagbunga ng anak. Ang anak na
ipinagmamalaki ng guro sa kabila ng lahat. Hindi niya kinabakasan ng kapaitan ang guro.
Naramdaman ni Fe na sila ni Mabuti ay iisa dahil nadama niya na silang dalawa ay bahagi ng mga
nilalang na nakararanas ng kalungkutan at nakakikilala ng kaligayahan.

Anim na Sabado ng Beyblade (Buong kwento)

Anim na Sabado ng Beyblade


Ferdinand Pisigan Jarin
This essay won Second Prize for Sanaysay in the 2005 Palanca Awards

Beyblade, maraming-maraming beyblade. Isa, dalawa hanggang lima. Makukulay na Beyblade. Pula, itim,
asul, berde, pilak, ginto, dilaw – basta sari-saring kulay. Gawa man sa plastik o bakal, basta may beyblade
na mabibili ‘pag sabado. Inaasahan ko na ito tuwing sabadong magkikita kami ng aking bunsong si Rebo.
Tiyak na magpapabili siya ng paboritong laruang Beyblade. Kaya naman inihahanda ko na ang aking
bulsa. May halagang 30 hanggang 50, o higit pa. Depende sa ganda ng disenyo at yari. Inihahanda ko na
rin ang katawan ko dahil tiyak, mas karga ang gusto niya papunta sa paboritong tindahan sa talipapa ng
aming baranggay. Mga 500 metro rin ang layo mula sa bahay ng aking ina kung saan kami nagkikita
tuwing sabado. Magpapababa lang siya kapag mismong nasa harap na kami ng tindahan at kaya na niyang
ituro at hawakan ang paboritong laruan. Palapit pa lang kami ay sasalubong ng nakangiti ang tindero.
Kilala na kaming mag-ama. Alam na ang iskedyul ng aming pagpunta. Handa ng magturo ng mga bagong
labas na disenyo na maaaring magustuhan ni Rebo. Mas una kasing tinitingnan ni Rebo ang kulay at
disenyo. Pangalawa na lang kung plastik o bakal ang yari. Pero batay sa karanasan, mas makiling si Rebo
sa plastik.Kung ihahambing sa pagkahilig niya sa iba pang laruang umaandar, (trak-trakan man o kotse-
kotsehan), mas madalas niyang laruin ang Beyblade. Siguro’y dahil mas maliit itong di hamak sa trak-
trakan o kotse-kotsehan. At di tulad ng dalawa, maaari itong dalhin kahit saan. Huhugutin lang sa bulsa.
Kay Rebo, tiyak na may huhugutin kahit saang bulsa. Sa bulsa ko, kapag may hawak na siyang Beyblade
na “panlaban,” tiyak ding kamay na lang ang laman.Patagalan ng pag-ikot sa loob ng platapormang bilog
ang labanan ng Beyblade. Ang tumalsik palabas, talo. Ang unang huminto kahit nasa loob pa ng
plataporma, talo. Si Rebo, batay pa rin sa karanasan, madalas talsikan ng Beyblade. Subalit di tulad ng
ibang batang madalas mawalan ng gana dulot ng pagkatalo, patuloy ang paglaban ni Rebo. Lalo niyang
hihigpitan ang hawak sa matigas na pising may mala-lagareng mga ngipin. Tatatagan ang kapit sa mala-
baril na patungan ng Beyblade. At mabilis na hahatakin ang pisi palabas mula sa makipot na butas ng
patungan na magtatanggal at mabilis na magpapaikot sa mala-flying saucer na Beyblade pabagsak sa
plataporma upang muling makipaglaban.Apat na sabadong nakipaglaban ang aking bunso ng Beyblade sa
plataporma ng laro. Labing-isang buwan siyang nakipaglaban sa kanser sa kanyang dugo sa ospital ng
karamdaman. Sa katulad kong guro, bakasyon ang Abril. Sa katulad ng bunso kong mag-aapat na taon,
panahon ito ng mas maraming nakakatandang pinsang makakalaro. Huling linggo ng Marso taong 2003,
nang lagnatin siya ng isang linggo. Matapos ang lagnat, ilang araw na di nagkakain at tuluyang namutla,
pagsapit ng unang sabado ng Abril ng aming pagkikita, halos ayaw na niyang magpababa mula sa
pagkakakarga dulot ng madaling pagkapagod. Hanggang unti-unting lumitaw ang mga pasa. Una’y sa
binti, tapos sa braso, hanggang matagpuan na rin ito sa kanyang paa, dibdib at hita. Ang kanyang labi’y
parang ibinabad na sa suka. Klinika, ‘yung pinakamalapit na klinika ang agad na tinakbo ng isip ko.
“Meron akong limang daan, hahanap pa ako ng pandagdag kung kinakailangan, pangalanan niyo lang ang
mga sintomas na nararamdaman ng anak ko!” Ito ang mga eksaktong salitang gustong-gusto kong sabihin
sa unang doktor na titingin sa aking anak. Subalit umabot na sa tatlong libo, pakikiusap at pangungutang,
tatlong doktor at dalawang klinika, pagpapamanhid sa sarili upang di matinag sa palahaw ng tinutusok na
anak ay di pa rin namin nalaman ang pangalan ng kanyang karamdaman.Mabilis na tibok ng puso na di
normal sa kanyang edad. Kulang sa dugo. Mga tanging interpretasyon ng mga doktor. Mga interpretasyong
di tapos. Kailangan pa ng ibayong pagsusuri ng mas dalubhasa. Marami pang pagtusok at palahaw. Kirot
at nginig ng kalamnan. Dagdag na pagpapamanhid sa katauhan ng mga magulang at iba pang
nagmamahal.Mabigat, subalit pinatatag ko di lamang ang aking tuhod kundi pati dibdib sa pagkakatayo sa
loob ng ospital. Anuman ang maging resulta, kailangangg nakahanda ako. Palibhasa’y pinakamalaking
pampublikong ospital ng bansa, tila mahabang ahas ang pila ng mga taong kinabibilangan ng kanyang ina.
Mahabang pila ng “Hospital Card” na magsisilbing pasaporte upang makausap ang doktor na mas
dalubhasa sa nararamdaman ng aking anak. Nung araw na iyon, ayaw bumaba ni Rebo mula sa aking bisig.
Kahit na maaari din naman siyang kargahin ng kanyang ina. Ang gusto niya, si Taytay lang ang kakarga.
Si Naynay ang pipila at hawakan ko ang kanyang Ate Kala gamit ang libreng kamay. “Kasi sabado, di
dapat agad matapos ang sabado. Di dapat mawala agad si Taytay dahil maghihintay na naman ng
panibagong sabado o araw na tatapatan ng kanyang suweldo bago siya muling makita. Di bale nang
mawalay kay Naynay ng ilang oras, kasama naman siya araw-araw. Basta si Taytay lang muna ang
kakarga, hahawak, kukuwentuhan, kakalaruin, pabibilhin ng “Ays Wis” (ice cream) at “Babuygyam”
(bubble gum) at hihigaan sa dibdib kasi sabado pa!” Alam ko, ito ang mga eksaktong salitang nais niyang
sabihin kung kaya lang idetalye ng kanyang murang isip at bigkasin ng kanyang bulol na dila nung araw na
iyon.Mag-iisa’t kalahating taon na kaming hiwalay ni Joida bilang mag-asawa nang magkasakit si Rebo.
Maraming di mapagkasunduan. Magkaiba ang direksiyong tinitingnan. Idagdag pa ang madalas na
kawalan ng pera. Resulta ng maaga at di handang pag-aasawa. Ayaw ko nang idetalye pa kung paano kami
naghiwalay. Basta magulo. Isa sa mga nakalipas na inilibing ko na sa lupalop ng mga kinalimutang gunita.
Gayunpaman, dumating ang puntong kailangan naming kalimutan ang di pagkakasundo at maging
sibilisado para sa mga bata. Ito na ‘yung panahon na mag-isa na akong namumuhay sa ayaw-ipaalam-
kahit-kanino na lugar. Ang mga anak ko ay itinira naman ni Joida sa bahay ng kanyang Ina’t kapatid.
Pinalad na akong makapagturo sa isang prestihiyoso at malaking pribadong paaralan ng mayayaman at
makaranas na ng paghugot ng sapat ng sahod sa ATM. At di tulad ng ibang amang nag-iwan-ng-tae ang
konsepto ng pakikipaghiwalay, siniguro kong mas malaking bahagi ng aking “dalawang lingguhang
yaman” ay mapupunta sa pagpapalaki ng aking dalawang anak at magtira na lamang sa sarili ng sapat para
mabuhay ng may konting inom ng alak. Mahal na mahal ko ang aking mga anak. Kaya masakit ang
malamang di pala sapat ang pagmamahal para ipananggalang sa pag-atake ng malubhang sakit.“Acute
Lymphocytic Leukemia”. Mas kilala sa tawag na “ALL”. Tipikal na uri ng Leukemia sa mga edad na tulad
ng kay Rebo. Chemo Theraphy ang tanging paraan ng panggagamot. Mahabang panahon ng gamutan.
Induction, Consolidation, Maintenance stage. Tatlong estado ng panggagamot. Anim, apat, pababa sa isa
na matatapang na droga ang dapat pumasok sa murang katawan ng aking anak. Mga drogang papatay sa
mga “Cancer Blast” na namumuo sa loob ng kanyang katawan. Mga drogang walang mata at maaaring
sirain maging ang mga walang sakit niyang laman-loob na pagmumulan ng komplikasyon.Dalawang
linggong singkad na kaming nasa ospital bago nagkaroon ng pangalan ang kanyang karamdaman. Hindi na
kami nakaalis mula sa unang araw na kami’y nagbalak lang magpatingin at umasang sabihan na ang
kailangan lang niya ay mga gamot na magdadagdag ng kanyang dugo. O kaya’y magpapatibok ng normal
sa kanyang puso.Nakakabingi ang pagragasa ng mga eksakto ng detalye at interpretasyon. Subalit pinilit
kong ipasok lahat sa aking utak na unti-unti na ring namamanhid ng mga oras na iyon. Mabilis na humilera
sa isip ko ang larawan ng mukha ni Rebo na punompuno ng kirot mula sa araw-araw na pagtusok ng
karayom tuwing kukuhanan at sasalinan ng dugo. Tutusukin sa braso, paa, balakang, kamay, at kahit saan
pang parte na mayroong ugat na di pa namamaga at maaari pang daluyan ng dugo. Larawan ng puro
pasang si Rebo. Maliit at malaking pasa, mapupula at maiitim na pasa. Larawan ng nakakalbong si Rebo.
Nang nalalagasan ng buhok na si Rebo. Larawan ng mga lagas na buhok na nililipad ng hangin at di mo
alam kung saan papadparin. (Sa kalaunan, nangyari ang lahat ng ito.)Teorya ng radyasyon o kaya’y
namanang sakit? Parehong di tiyak. Pinakasimpleng paliwanag, di tumanda ang butong dapat lumikha ng
sapat na dugo upang mabuhay ng malusog ang aking anak. Hindi sumabay sa kanyang pagtanda. Buto,
dugo, pesteng buto! Pesteng dugo! Walang magulang ang nagnanais marinig ang lahat ng paliwanag na
ito. Isa lang ang malinaw: hindi pagtatae o lagnat ang nararamdaman ng aking anak, unti-unti na palang
siyang namamatay.Naaalala ko pa, di ko mapigilang maluha sa loob ng taxi habang ingat na ingat na
hawak ko ang lalagyan ng dugong ipasusuri sa isang malayo at malaking laboratoryo. Lubha akong
nagmadali nung araw na iyon. Kailangang di mapanis ang dugo. Kakaiba ang dugo dahil kinuha pa sa
likuran ni Rebo. “Cultured Blood” ang tawag nila. Isipin ko pa lang ay parang baretang sumaksak sa
dibdib ko ang sakit na tiniis ng aking anak makuha lang ang pesteng dugo na tanging magpapakilala ng
kanyang karamdaman. Apat na kaming pumigil sa kanya maiporma lang ang katawan niya na tila hipon
upang matusok at daluyan ng dugo ang ugat niyang malapit sa buto ng kanyang likuran. Ako, ang kanyang
ina, ang doktor at ang nars, kung tutuusin ay kulang pa kami sa lakas ng kanyang piglas, animo’y
kakataying baboy ang kanyang palahaw. “Wa n’yo ko ‘awak! Wa n’yo ko ‘awak! Taytay! Naynay! Wa
n’yo ko awak tabi!” ( ‘Wag n’yo ko hawak! “Wag n’yo ko hawak! Tatay! Naynay! ‘Wag n’yo ko hawak
sabi!) Wala na yatang pinakamasakit pang pakiramdam ang maaaring maranasan ng mga nagmamahal sa
tanawing pisikal na nasasaktan ang iyong minamahal. Idagdag pa dito ang tila pagtulong mo upang lalo
siyang masaktan. Subalit walang ibang paraan. “Putang-inang sakit ‘yan! Putang-inang dugo ‘yan! Putang-
ina n’yong lahat!” Gustong-gusto kong isigaw ang mga ito subalit pinili ko na lang na itago sa aking utak
at dibdib. Ayaw ko nang magdagdag ng hirap. Ayaw ko nang magdagdag ng sakit. Dahil alam kong simula
sa araw na iyon, di ko na kailangang imbitahin pa ang hirap at sakit. Kusa na silang darating.Tatagal kami
sa ospital. Isang buwan, dalawa, apat, di ko alam kung gaano karami basta sigurado ko, tatagal kami.
Paulit-ulit kong isinaksak ang isiping ito sa aking utak. Nais kong makapaghanda, “gagaling si Rebo,
lalakas si Rebo, di mamamatay ang aking anak!” Kailangang maging handa. Kailangang laging handa.
Kailangan dapat handa!“Tapos po ako ng pagtuturo kaso wala pa ring mapasukan.” “Sabagay, kahit
magtuturo ka ngayon, di mo kakayanin.” “Oo nga po e.” “Di mo ba kaya kahit ‘yung tig-tatatlong daan
lang na kuwarto isang araw?” “Hindi po talaga kaya e.” “Sige, ipakita mo na itong papel sa opisina ng
Social Services. Doon sa bandang kanan.” “Salamat po! Maraming salamat!”Kailangang magpanggap,
magsinungaling, mapunta lang si Rebo sa Charity Ward ng ospital. Dito, kahit paano, kutson ang
mahihigaan ni Rebo, di hamak na mas mainam kesa higaang bakal na de gulong ng Emergency Room.
May telebisyon pa. Suwertehan nga lang kung ‘yung gusto niya ang palabas. Marami kasing nanonood.
Mga maysakit (malubha hanggang sa pinaka-malubha), taga-pagbantay ng may sakit (mula sa
nagtatawanan, umiiyak o simpleng tulog), mga dumadalaw sa maysakit (mula sa nagmamadali hanggang
sa nagtatagal). Lugar ng mga sakit na kitang-kita sa lahat ng aspekto ng pagkatao ng mga naroroon. Mga
taong galing sa maralitang bahagi ng lungsod. Sa pinakamalapit hanggang pinakamalayong probinsiya ng
bansa. Lahat umaasang dito gagaling. Lahat naghihintay ng tulong sa mga kilala at ayaw magpakilalang
pilantropo na paminsan-minsang dumadalaw. Lahat kapos sa pera kahit simpleng pambili man lang ng
pinakamurang ineksiyon. Sa lugar na ito, libre man ang higaan at pagkain, kailangang mong bilhin ang
lahat ng gamot at kagamitang kakailanganin sa gamutan. Ako, totoong may trabaho, subalit kailangang
nandito kami upang makatipid. Walo, pito, anim na libo ang halaga ng gamot ni Rebo lingo-linggo. Di pa
kasama ang halaga ng mga ineksiyon, dextrose, mga tubo, espesyal na pagkaing malimit niyang hilingin,
bayad sa laboratoryong wala sa loob ng ospital na nagsusuri sa kanyang dugo hanggang sa pamasahe.
Mapurol ka man sa matematikal na kaalaman, dito, tiyak na tatalas ka, lalo na sa pagkukuwenta ng pera at
malalim na buntong-hininga. Matututo ka ring mang-uri ng tao. Tahimik at maiingay na katabi, palabigay
at palahingi. Masusungit at masayahing nars. Suplado at madaling lapitang doktor. Matalino at tangang
intern ( na nakawalong tusok na sa anak ko ay di pa rin makagpalabas ng dugo. Madalas kong mamura ang
ganito ) Mga walang pusong Laboratory Technician na ayaw tumanggap ng konting dugo kahit na
aprubado ng doktor ang dami, ( “Anong akala n’yo sa dugo ng anak ko? Tinatabo sa balde?! Tang-ina
n’yong lahat!” ) at kalma at halos masisiraan ng ulong kapamilya dulot ng depresyon. Ang mga maysakit,
konsistent sa pag-iingay. Pagsigaw man o palahaw, halong bata at matanda, kung meron mang tahimik sa
kanila. ‘yun ‘yong mga may pasak ng tubo sa bibig. Si Rebo, basta’t nakalagpas na ang ritwal ng pagtusok
at pagkuha ng dugo, ang pinakamalikot at makulit. “Alisin na ang dextrose sa pagkakasabit! Mamamasyal
na ako sa mga kutsong kalapit!” Kaya’t madalas, binibiro siya ng mga naroroon, “’wag ka na dito, wala ka
naming sakit, e!” Madalas din niyang gantihan ang birong ito ng pag-irap, pagdila at ibayo pang
pangungulit. Kaya’t wala pang isang buwan, wala ng di nakakakilala sa Charity Ward kay Rebo bulol at
kulit.Tulong. Laksa-laksang tulong. Kahit anong uri ng tulong ang kinailangan ko para mabuhay ang aking
anak. “Ma, nagpadala na ba ang Tita Naida? E, ang Lola Conching?” “Kap, salamat sa pera ha!”
“Kagawad, paano nga uli pumunta ng Sweepstakes office? Salamat nga pala uli dun sa mga koleksiyon sa
mga zone leader. Napaiyak pa pala si mama sa harap.” “Tita Marylyn, bayaran ko na lang ‘pag nakaraos”
“Ano?! Galing ‘to sa koleksiyon ni Tita Jean sa mga estudyante?” “Tita Vic, dito muna si Kala ha! Di
puwedeng umalis si Joida sa ospital, e” “Kala, ‘wag malikot ha! Behave ka dito!”“Tol, nasabihan mo na ba
ang tropa? Konting dugo lang naman ang kukunin para pamalit.” “Mga P’re, salamat ha! Inom na lang
tayo next time. Kain na muna kayo ng ampalaya.” “Mam, sir, absent po ulit ako ngayon, kailangan po kasi
ako sa ospital. Salamat po pala sa tulong ng Faculty Club at iba pang department.” “Sige po. Okay lang I-
pray over si Rebo sa ospital. Hintayin namin kayo.”Di kami nabigo, maraming nagmamahal at dumamay.
Di man ako magtanong, laging maraming tugon ng pagtulong. Paraiso sa gitna ng ilang, tubigan sa gitna
ng disyerto.Umabot pa kami ng limang buwan sa loob ng ospital bago narating ni Rebo ang pinakahuling
estado ng gamutan, ang “Maintenance stage.” Setyembre na noon. Ibig sabihin, minsan isang buwan na
lang siya babalik sa ospital para magpa-chemo. Tatlong taon ang itatagal ng estadong ito. Sa panahong ito,
nakapagdiwang na ang aking anak ng kanyang ikaapat na taon at unti-unti nang tumutubong muli ang
buhok sa kalbo niyang ulo. Lubusang gagaling ang anak ko pagsapit niya ng ika-pitong taong gulang.
Tamang-tamang edad sa pag-aaral. Tiyak kong hindi na siya bulol sa panahong ito.Sa labas ng ospital
nagmistulang batang walang sakit ang aking si Rebo. Laro dito, laro doon. Kain dito, kain doon. Maliban
na lamang sa pagkakataong kailangan naming bumalik sa ospital para sa sesyon ng Chemo Therapy.
Tuwing matatapos ang sesyon, tatlong araw na lantang-gulay ang anak ko. Walang gustong lunukin kundi
malamig na tubig. Walang gustong kagatin kundi yelo. “An ini ‘tay nan aawan o!” (ang init ‘tay ng
katawan ko!) Suka ng suka at todong bugnutin. Ayaw ng maingay. Ayaw ng magulo. Iritado. Pero
pagdating ng ikaapat na araw. Balik na sa normal ang lahat. Gigising ng maaga, sasamang maghatid at
susundo sa kanyang Ate Kala sa eskuwelahan. Makikipaglaro sa kanyang Ate Kala pagkauwi nito galing
sa pag-eeskuwela. Subalit ang pinakagusto niyang gawin, ang humiga lamang sa sofa at manood ng
manood ng pambatang palabas sa telebisyon.Bukod sa pagkikita tuwing sabado at sa mga araw ng
suweldo, pagtawag araw-araw, umaga at hapon ang komunikasyon ko sa aking mga anak. At madalas na
hintayin ito ni Rebo. Maliban na lang sa tuwing dumarating ang “tatlong araw na pasakit” ng Chemo
Therapy. Tsamba na lang kung nais niya akong kausapin. Madalas kong itanong sa kanya kung magaling
na siya at sasagutin niya ito ng malakas na “Magaying na!” (magaling na!) Pinapangako ko rin siya na
‘wag kaming iiwan ng kanyang Ate Kala na sinasagot niyang madalas ng “ayoo na!” (ayoko nga!) Subalit
minsan, pabiro siyang sisigaw sa kabilang linya ng “ Us-o o na! “ ( gusto ko nga! ) Sabay kakanta ng
anumang kanta na natutuhan niya sa telebisyon, kung alam lang niya ang tindi ng panghihina ko sa “us-o o
na!” Kung gaano ako nililiyo ng kaba.Tulad ng ibang bata, sabik na hinintay ni Rebo ang pasko.
Kapapasok pa lang ng Disyembre’y madami na siyang pinabibiling damit at laruang bago. Subalit bago pa
man dumating ang mga bago. Kalagitnaan pa lang ng buwan ng pasko. Tumambad na sa amin ang resulta
ng huling pagsusuri sa kanyang dugo. “Cancer Relapse”. Muling paglitaw ng mga “Cancer Blast.” Sa
madaling salita, malubha uli ang Leukemia ng aking anak. Kailangan muling ulitin ang proseso ng
gamutan. Basura na ang dati. Bagong pag-aalala, hirap, pagod, paghingi ng tulong at gastos. Ang
pinakamasakit, bagong kirot ng katawan at pangwawasak ng kaluluwa ang paulit-ulit na mararanasan ng
aking anak. Subalit di na siya pumayag.Tatlong araw bago matapos ang Enero nang sundin ko ang
kahilingan ng aking anak. “ Uwi na ‘ayo ‘tay! Ayaw o na a uspi-al. Di o na aya.” ( Uwi na tayo Tay. Ayaw
ko na sa ospital. Di ko na kaya.) Mabigat sa dibdib. Ang totoo, ang kanyang ina, pati na ang ilang
kapamilya ay nagsabi na sa akin na ipaubaya na lang sa Panginoon ang kapalaran ng aking anak.
Disyembre pa lang nang malamang malubha uli ang kanyang karamdaman. Natatandaan kong nagwala ako
sa ganito kababaw na argumento. Pinakatanga at palasukong argumento ang tingin ko sa ganito. Sinigawan
ko sila. Inaway. Subalit sumunod ako nang si Rebo na ang nagsalita. Gusto ko mang ituloy pa ang laban,
kahit marami pang damdaming masagasaan, pinatigil ko na ang gamutan dahil hindi na niya kaya.
Pinatunayan na ito nang paglitaw ng pantal sa buo niyang katawan di pa man tapos ang muling
kauumpisang sesyon ng Chemo Therapy. Labing-apat na sesyon at Labing-isang buwan ng gamutan ang
pinilit na nilabanan bago sumuko ang aking mandirigma.May pag-asa pa. Dasal, milagro, alternatibong
medesina, kahit anong di makakasakit at makapanghihina, gagawin ko. Bibilhin ko. Mabuhay lang ang
aking anak. Ang aking si Rebo. Ang pinakamamahal kong bunso. “Anong gusto mo anak? Bertdey mo na
bukas? Limang buwan pa a! Pero sige, gusto mo e! Yellow Balloons ? Lahat Yellow? Sige, magpapagawa
ako. Maghahanda tayo dahil bertdey mo na bukas! Yipee!”Unang sabado ng paglabas niya ng hilingin na
niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling
‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw
na ito. Dapat pinakamasaya ang sabadong ito sa lahat ng sabado. Maraming –maraming laruan. Stuffed
Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang
Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito
at marami pang iba sa kanyang kaarawan. Sa kanyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit
hindi pa araw.Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng Beyblade
kasama ang mga pinsan. Tatlong araw bago dumating ang ikatlong sabado, sorpresa ko siyang dinalaw.
Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang Beyblade
bagamat ayaw niya itong bitawan sa loob ng kanyang kamay o di kaya’y bulsa. Ang nakapangagalit, unti-
unti na namang nalalagas ang kanyang buhok. ( “ Putang-inang Chemo Therapy, di na nga tinapos, nakuha
pang kalbuhin uli ang anak ko!” ) Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na
kaya ng kanyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakakadukot na rin siya ng mga matitigas
na butil ng dugo sa loob ng kanyang gilagid. Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong
ikinagulat ng tanungin niya ako ng; “ Tay, may peya a?” ( Tay, may pera ka ? ) Dali-dali kong hinugot at
binuksan ang aking pitaka at ipinakitang meron itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais
niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong
nakabili ng mga kending kanyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting
bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nagpabili siya kasi nais maglambing ng
aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalangam na ang nakabukas ngunit di
nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan.Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong sabado.
Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kanyang muling pagka-irita, sinabunutan niya ang
kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong
kasama sa trabaho ang isang Mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo ng walang bayad.
Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kanyang mata
ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi
ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng
Beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kanyang pagsasalita. Kaya’t kahit nang
dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na Helicopter na
tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin
sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y
humiga ng humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.Huling sabado ng Pebrero ang ikalimang sabado.
Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali
matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kanyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang
kanyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking
pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang
sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino. Isa’t kalahating oras siyang
naghirap. Nabulag, nanigas, nilabasan ng maraming dugo sa bibig, at naghabol nang naghabol ng hininga.
“ Hindi nangyayari ito! Walang nagyayaring ganito.Mabubuhay ang anak ko! Sabi niya hindi niya kami
iiwan ng Ate Kala niya! Nasaan ang mapayapang paraan ng pagkamatay na sinasabi n’yo!” Nais kong
isigaw ito sa lahat ng kapamilyang nakapaligid sa amin subalit walang lumabas sa aking bibig. Pinipi ako
ng malakas nilang pag-iyak. At bilang isang nagnanais maging mabuting ama, nang alam kong di na kaya
pang lumaban ng aking anak, pinabaunan ko siya ng halik at hinayaan ko na siyang lumisan. “ Sige na ‘Bo.
Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.” At saka ako umiyak nang umiyak.Hindi ko man lang
naranasang ihatid siya sa eskuwelahan. Di na namin nagawang makapag-usap nang masinsinan bilang
mag-ama. Magkuwentuhan tungkol sa panliligaw habang nagtatagayan.Magtalo, magdebate, magsama sa
lakaran. Nakuha kaya niyang mangarap kahit apat na taon lang ang kanyang naging buhay? Paano na si
Kala? Sila lamang ang magkakampi mula nang maghiwalay kami ng kanilang ina. Paano ko sasabihin sa
aking panganay na kailanma’y di na niya makikita ang kanyang kapatid? Na ang pagkawala ni Rebo ay
ang pagkawala din ng taong naghahatid at naghihintay sa kanyang pag-eeskuwela. Mangungulila ang
kanyang mga damit, sapatos, libro at laruan, kapatid at kaming mga magulang. Subalit di ko pinayagang
mangulila ang Beyblade.Nakapaloob sa puting supot na binuhol nang maayos. Ang maraming-maraming
Beyblade ay ipinatong ko sa malamig at matigas ng kamay ng may-ari bago tuluyang ibaba at tabunan ng
lupa ang kabaong. Ikaanim na sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling sabado na masisilayan siya
ng mga nagmamahal. Wala na ang Beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng
kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang
magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pag-
aaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.

Buod
May isang batang lalaki na may malalang sakit na nais salubungin ang kanyang kaarawan bago
ang mismong araw na iyon. Ang kanyang ama ay suportado sa bawat kagustuhan niya sapagkat ang
batang ito (Rebo) ay talagang kinakailangang alalayan.
Unang Sabado, tuwang-tuwa pa siya't marami siyang regalong natanggap kasama na rito ang kanyang
paboritong laruan, ang beyblade.
Pangalawang Sabado'y pinasyal si Rebo ng kanyang ama upang pumunta sa karnabal at maglaro roon.
Ngunit hindi niya nais magsayang ng oras kung kaya't hiniling niya sa kanyang ama na agad nang umuwi
upang malaro niya na muli ang kanyang beyblade.
Pangatlong Sabado, hirap na siyang gamitin ang nasabing laruan, hindi na gaano itong nagsasalita at
nakakalbo na ang kanyang buhok. Sa tuwing siya'y naiinis ay bigla na lamang niyang sasabunutan ang
sarili hanggang sa tuluyang makalbo na nga ito.
Pang-apat na Sabado'y lagi na siyang tahimik at hindi na niya malaro ang kanyang beyblade. Malapit na
ang kanyang kaarawan, naisip ng ama na dalhin ang kaibigan niya at pasayahin si Rebo nang walang
bayad.
Pang-limang Sabado, hinihintay ni Rebo na umuwi ang kanyang ama para dalhin siya ng pasalubong
ngunit pagdating ng kanyang ama'y nasaksihan ng ama na pumanaw na ang kanyang anak.
Isinalubong ng buong kamag-anak ang ikaanim ng Sabado nang wala na ang beyblade at ang may-ari
nito. Maginhawa na ang buhay ni Rebo sa langit, habang nagluluksang tinanggap rin naman ng ama ang
pagkawala ng kanyang apat-na-taong anak.

You might also like