You are on page 1of 5

Mining Act of 1995: Dalawang Dekada ng Sinaid na Yaman

Sa darating na ika-3 ng Marso ang ika-20 taon na mula nang isabatas ang Republic Act 7942 o Mining
Act of 1995. Dalawang dekada na buhat nang itinulak ng rehimeng US-Ramos ang patakaran ng
liberalisasyon o malayang pamumuhunan ng mga dayuhan sa industriya ng pagmimina. Ito daw ang susi
sa pag-unlad ng industriya ng pagmimina na mag-aambag naman sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Ngayong 2015 din ang huling taon ng panunungkulan ni Pres. Noynoy Aquino. Nagpatuloy ang
liberalisasyon sa pagmimina sa ilalim ng kanyang administrasyon, na pinalakas pa nga ng Executive
Order 79 o Mining Order ni Aquino.

Mahalaga ngayon, kung gayon, na tasahin ang mga resulta ng liberalisasyon sa pagmimina: ano na ang
idinulot ng Mining Act of ’95 sa Pilipinas? Nangyari ba ang pangakong pag-unlad ng pagmimina na
patuloy na inaawit ng kasalukuyang gobyerno at ng mga korporasyon sa pagmimina hanggang
kasalukuyan?

‘Economic growth,’ ramdam ba?


Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, ang halaga ng buwis, bayarin at mga royalty na nakolekta ng
pambansang gobyerno mula 1997 hanggang 2013 ay umabot ng P132.39 bilyon. Kalingkingan palang ito
ng P1.31 trilyon na kabuuang halaga ng produksyon ng minerales sa Pilipinas sa parehong panahon,

Batay sa datos ng BIR, ito ay 9-10% lang ng total na halaga ng produksyon sa pagmimina na pumapasok
bilang buwis. Ibig sabihin, sa bawat P10 na nakukuha ng mga minero sa ating yamang mineral, P1 lang
ang naibabalik sa sambayanan.

Higit pa sa tubong lugaw ang kinikita ng mga lokal at dayuhang korporasyon sa pagmimina. Noong 2013,
naglagak lamang ng US$1.311 bilyon ang mga korporasyon sa pagmimina pero may kabuuang kita sila
na PHP157.1 bilyon o US$3.5 bilyon.

Ibig sabihin, sa bawat piso nilang binuhos bilang kapital, PHP3.50 ang bumabalik sa kanila. Lalong higit
ang tantya mismo ng Chamber of Mines in the Philippines sa pamumuhunan sa pagmimina sa Pilipinas,
kung saan ang bawat piso na pamumuhunan ay nagluluwal ng P31 kabuuang kita sa tantyang panahong
mula 2011 hanggang 2017. (Figure 1)

FIGURE 1. Kabuuang puhunan – US$1.572 bilyon.

Kabuuang Gross Revenue – US$49.329 bilyon mula sa panahong 2011-2017. Datos mula sa isang
presentasyon ng Chamber of Mines in the Philippines.
Ito ay kalingkingan naman ng kabuuang reserbang minerales ng bansa, na tinatayang umaabot sa
halagang P37.30 – P44.41 trilyon ($840 bilyon hanggang isang trilyon).

Para mabigyan kayo ng ideya kung gaano kalaking halaga ito, kayang tumbasan ng ating reserba ng
minerales ang ating Gross Domestic Product (GDP) ng 10 beses, at ang ating utang panlabas ng 14
hanggang 17 ulit pa.
Ramdam ba ng mamamayang Pilipino ito? Kung tatanungin natin ang mga kababayang nakatira sa mga
komunidad na apektado mismo ng pagmimina, marahil hindi. Nananatiling mataas ang poverty incidence
sa mga rehiyong laganap ang pagmimina, tulad ng CARAGA, SOCSKSARGEN, at Eastern Visayas.

Ang mapait na katotohanan ay ito: mula 1997 hanggang 2013, ang karaniwang kontribusyon lang ng
industriya ng pagmimina sa employment rate ay naglalaro sa 0.44% o 149,235 trabaho, at ang
karaniwang kontribusyon sa GDP ay 0.7% lang.

Ibig sabihin, kahit nag-export ang Pilipinas ng minerales at produktong mineral na nagkakahalagang
P1.13 trilyon ($25.52 bilyon) sa parehong panahon, napakaliit ng pakinabang, kung meron man, sa lokal
na ekonomiya.

Saan ba pumupunta ang yamang mineral ng


Pilipinas? Kung titignang mabuti ang lahat ng 46 na
proyekto ng malakihang pagmimina sa Pilipinas,
lahat ay pagmamay-ari ng mga dayuhang
transnasyunal na korporasyon (TNC), at kundima’y
direktang nagluluwas sa iba pang bansa; 90% ng
minerales sa bansa, ayon sa MGB, ay ineexport
pangunahin sa mga abanteng kapitalistang bansa
tulad ng Australia, Canada, Japan, Korea, China,
Britanya, at Estados Unidos.

Halimbawa: ang Philex Mining Corporation, ang


pinakamalaking Pilipinong kumpanya ng pagmimina,
ay pangunahing nagluluwas ng mga mineral
concentrates tungong Japan. Katuwiran ni Manny
Pangilinan, tagapangulo ng Philex, mas mura ang
operasyon ng mga smelting plant sa ibang bansa kaya direkta nilang dinadala doon ang kanilang mga
ginto at tanso. Ganito marahil ang katuwiran ng napakaraming dayuhan o komprador na mga minero ng
nickel na nagtatayo ng sarili nilang mga smelting plant sa Pilipinas.

Sa madaling salita, nakaranas tayo ng dalawang dekada ng pagsasaid ng yaman — na umaabot na nga
ng di bababa sa trilyong piso ang halaga — sa ilalim ng Mining Act of 1995.

Pambansang patrimonya, para kanino?


Sa ganitong katangian ng pagmimina na ang oryentasyon ay pagluluwas ng minerales bilang hilaw na
materyales para sa ibang bansa, at ang industriya ay kontrolado ng mga dayuhang transnational mining
corporations o mining TNC, hindi kailanman ito uunlad at tutulong sa ekonomiya ng bansa.

Ipinamimigay sa mga korporasyon at nilulustay ng gobyerno ang ating pambansang patrimonya, ang
likas-yaman ng Pilipinas na ang tunay na nagmamay-ari ay ang sambayanang Pilipino at siya ring dapat
unang makinabang.

Dito makikita ang naging palpak na pamamahala ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas. Una, ang
kontrol at pagmamay-ari sa industriya ng pagmimina at ating minerales ay ipinamimigay ng gobyerno sa
pamamagitan ng liberalisasyon. Ang gobyerno ay nagmimistulang isa lang taga-areglo (regulator) na
kung kani-kanino inilalako ang ating mga minerales. Nasa kamay ng dayuhan at pribado kung papaano
patatakbuhin ang produksyon sa minahan at paano ito pakikinabangan.

Walang ginagawa ang pamahalaan upang gamitin at pagsilbihin ang industriya ng pagmimina para sa
industriyalisasyon ng bansa at para tugunan ang lokal na pangangailangan ng mga mamamayang
Pilipino. Lagi lang nakaasa ang gobyerno sa pagbibigay ng kakarampot na buwis ng mga pribado at
dayuhang korporasyon sa pagmimina.
Kung hawak ng estado ang industriya ng pagmimina, at kung ito ay gobyerno ng mamamayan, para sa
mamamayan, ang miminahin ay ilalaan natin sa kung ano ang siyang kailangan ng lipunan, at mahaba
ang listahan nito: kasangkapan at makinarya sa agrikultura, mga sasakyan, mga pabrika, at iba pa.

Sa tinutulak na polisiya ng gobyernong Aquino, tila dagdag-bahagi lang sa kita ang nakikita nilang paraan
upang igiit ang pambansang soberanya. Tinutulak nila ngayon ang HB 5637 na layunin lang dagdagan ng
10% hati ang gobyerno sa kita ng mga minahan — ni walang tinatakda kung saan at paano gagamitin
ang ating yamang-mineral.

Katanggap-tanggap ba ang ganitong simplistikong pagtingin sa pambansang patrimonya ng bansa? Para


maintindihan ninyo kung bakit ganito lang ang gustong makamit ng gobyernong Aquino: alam ba ninyo na
ang katuwiran nila kung bakit hatian lang sa kita ang pinoproblema nito sa polisiya sa pagmimina ay dahil
“world-class” na daw ang mga probisyon ng ating batas sa pagmimina hinggil sa kapaligiran at
kapakanan ng komunidad?

Masasabi nga bang luntian na ang industriya ng pagmimina sa Pilipinas? O ito ba, katulad ng maraming
pangako ng pang-ekonomiyang kaunlaran na binanggit sa taas, ay panlilinlang na naman? (ITUTULOY)

Si Leon Dulce ay ang kasalukuyang tagapag-ugnay ng kampanya ng Kalikasan People’s Network for the
Environment. Ito ay una sa serye ng mga artikulo patungo sa ika-20 anibersaryo ng pagsasabatas ng
Mining Act of ’95.

ALAMIN: Mga isyung tampok sa #SONA2017


ABS-CBN News
Posted at Jul 24 2017 11:36 PM | Updated as of Jul 25 2017 01:58 AM

Pagmiminang sumira sa kalikasan,


pinagbabayad ni Duterte
Tinalakay ng Pangulong Duterte kung
gaano katindi ang epekto ng pagmimina sa
likas na yaman ng bansa.

Binanggit pa ni Duterte ang episode


kamakailan ng "Failon Ngayon" na
nagkaroon ng malalimang pagtalakay sa
mga nasirang sakahan at iba pang
pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga
residente dahil sa pagmimina.

Inalok pa nga ng Pangulo ang mga dumalo sa kaniyang SONA na personal na bisitahin ang mga
lugar na pininsala ng pagmimina tulad ng isang ilog na nagkulay itim na umano.

Kaya naman pinapipili ni Duterte ng resolusyon ang mining companies: gumastos para sa
rehabilitasyon ng pinagminahan, o kaya'y magbuwis nang malaki.

"Hindi ko kayo [mining companies] kalaban, as a matter of fact, you give government P70
billion, pero actually maliit lang 'yan," ani Duterte.

"Spend to restore the virginity of their [mining] source or I will tax you to death," hamon niya.
Hinamon niya rin ang mining companies na magdeklara ng tamang income at buwis kung ayaw
nilang habulin sila ng gobyerno.

---

Mga 'abusadong' minero, binalaan ni Duterte


Muling nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga abusadong minero na pagbabayarin sila
ng kompensasyon sa mga magbubukid at mangingisdang nasalanta ang kabuhayan dahil sa
epekto ng iresponsableng pagmimina sa kalikasan.

Sinabi ng Pangulo na nakita sa "Pamana ng Mina" documentary ng "Failon Ngayon" sa ABS-


CBN noong Hulyo 9 ang trahedyang dulot ng iresponsableng pagmimina, hindi lang sa
kalikasan, kundi maging sa kabuhayan ng buong komunidad.

Ayon sa Pangulo, dapat bayaran ng mining companies ang mga apektadong magbubukid at
mangingisda dahil sa iniiwang nakatiwangwang ang lupang pinagminahan na sumisira sa
kalikasan.

"The devastation doon sa mga palayan, wala na. Di na sila makapagtanim. Mga fish pond nila.
It's all poisoned! If he [magbubukid] has lost 100,000 hectares, tutal mayaman naman 'yang
mining. Bayaran mo [minero]," ani Pangulong Duterte.

Nagpahiwatig si Duterte na tuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad nila ng batas laban sa
iresponsableng pagmimina.

Sang-ayon din ang Chamber of Mines of the Philippines na panagutin ang mga minerong
lumalabag sa batas.

Tiniyak nitong nagpapatupad ang kanilang mga miyembro ng environmental protection at


enhancement measures, kasama na ang tree planting.

Mahalagang tutukan ng gobyerno ang pagmo-monitor, lalo na sa small scale miners para
masigurong walang pag-abuso sa kalikasan.

Tiniyak din ni Environment Secretary Roy Cimatu na tuloy din ang mga repormang sinimulan ni
dating Secretary Gina Lopez sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pero kamakailan lang, naglabas si Cimatu ng administrative order na nagbabalik ng


kapangyarihan sa regional directors ng Environmental Management Bureau (EMB) para mag-
issue ng environmental compliance certificate (ECC).

Taliwas ito sa dating utos ni Lopez na tanging DENR Secretary lang ang maaaring mag-apruba
ng ECC sa rekomendasyon ng EMB director.

Layon ng bagong administrative order na mapabilis ang proseso ng pagkuha ng ECC.


Lumabag umano sa mga kondisiyon ng ECC ang ilan sa 23 mining companies na ipinasara ni
Lopez.

Nirerepaso pa ng DENR ang apela ng mga kompanyang ito sa DENR.

Pangako ni Pangulong Duterte, susunod niyang haharapin ang mga issue sa pagmimina
pagkatapos ng krisis sa Marawi

Sources:

http://www.gmanetwork.com/news/publicaffairs/reportersnotebook/570969/epekto-ng-pagmimina-
sa-kalikasan-tatalakayin-ng-reporter-s-notebook/story/

http://bulatlat.com/main/2015/02/12/mining-act-of-1995-dalawang-dekada-ng-sinaid-na-yaman/

http://news.abs-cbn.com/news/07/24/17/alamin-mga-isyung-tampok-sa-sona2017

You might also like