You are on page 1of 2

SI MARIANG MAPANGARAPIN

Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa't masasabing
isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay
nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at
nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman
nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria!
Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa
kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria.
Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng
pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya
ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na inahing manok na
alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni
Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang
linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang
itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog.
Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang
itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka
lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-
kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang
umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang
sunung-sunong.

Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.


Ang Punong Kawayan

Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang katangian. Mabunga ang Santol,
mayabong ang Mangga, mabulaklak ang Kabalyero, tuwid at mabunga ang Niyog. Ngunit sa isang tabi
ng bakuran ay naroroon ang payat na Kawayan.

Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.

Tingnan ninyo ako, wika ni Santol. Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga bata.

Daig kita, wika ni Mangga. Mayabong ang aking mga dahon at hitik pa sa bunga kaya maraming ibon sa
aking mga sanga.

Higit akong maganda, wika ni Kabalyero. Bulaklak ko'y marami at pulang-pula. Kahit malayo, ako ay
kitang-kita na.

Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon at mabunga, wika ni Niyog. Tekayo,
kaawa-awa naman si Kawayan. Payat na at wala pang bulaklak at bunga. Tingnan ninyo. Wala siyang
kakibu-kibo. Lalo na siyang nagmumukhang kaawa-awa.

Nagtawanan ang mga punungkahoy. Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan.

Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy. Pinalakas niya nang pinalakas ang kanyang
paghiip. At isang oras niyang pagkagalit ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga bunga at
nangabuwal ang puno ng mayayabang na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob na si Kawayan ang
sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.

Mensahe: Ang kababaang-loob, papuri ang dulot.

You might also like