You are on page 1of 3

TOVERA, Juris Justin M.

Kasaysayan ng Pilipinas
2018-03625 G. Ariel Lopez

Mga Kanlungan ng Kasaysayan : Napangangalagaan, ngunit hindi Nalilinang

Ang mga museo ay tinaguriang kanlungan ng kasaysayan ng ating bansa. Karamihan


kasi sa mga artipakto, obra, at iba pang relikyang nagmula sa iba’t ibang panahon ay
matatagpuan sa mga lugar na ito. Sa pagsisimula ng diskusyon, ipinunto ng mananalita na si
G. Peter John Natividad, collections management consultant sa Lopez Museum & Library, ang
depinisyon ng isang museo.

Ayon sa kanya, binibigyang kahulugan ng International Council of Museums (ICOM)


ang ‘museo’ bilang isang institusyong nagsisilbi sa lipunan at tumutulong sa pag-unlad nito.
Ito ay nangangalap, nangangalaga, nananaliksik, at nagpapakita ng mga pundasyon ng kultura’t
lipunan, nasasalat man o hindi, para mapag-aralan at mapag-alaman ng publiko ang kanilang
pinagmulan. Dahil dito, nagiging isang de factong responsibilidad ng mga museo na maging
isang entidad na nagsisilbing manipestasyon ng kasaysayan.

Sa ngayon, kabilang sa mga pinakamahahalagang bahagi ng kanilang koleksyon ay ang


mga lumang periodikong nailathala matapos ang ikalawang digmaang pandaigdigan, ang mga
liham at papeles ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, ang mga pasking naging
bahagi ng propaganda ng mga Hapones, mga lumang mapa at iba pang mga obrang likha ng
mga tanyag na pintor tulad nina Juan Luna, Felix Hidalgo, at Carlos Francisco. Ang mga
piyesang ito ang silang sumasalamin sa uri ng pamumuhay ng mga Pilipino sa ilalim ng
magkakaibang panahon. Ngunit, hindi maikakaila na ang mga relikyang ito ay sintanda na rin
ng ating historia, kung kaya’t ang pagprepreserba’t pangangasiwa rito ay hindi maituturing na
isang madaling trabaho.

Inisa-isa ng mananalita ang mga prosesong pinagdaraanan ng bawat piraso ng


artipaktong makikita sa loob ng kanilang museo bilang mga hakbang sa pangangalaga nito.
Kabilang sa mga prosesong ito ay ang ang pagsasagawa nila ng leaf casting upang mapreserba
ang mga makasaysayang papeles at iba pang mga mahahalagang artipaktong gawa sa papel.
Malimit din silang mag-fumigate at mag-encapsulate sa tuwing itatago nila ang mga relikya’t
obra upang masigurong hindi ito masisira sa pagkakatago.

Bukod pa rito, ang kanilang viewing exhibit ay nakaayon din sa pangangailangan ng


bawat bahagi ng kanilang koleksiyon, tulad ng regularisadong temperatura, lebel ng liwanag
na nakatutok o nakapalibot sa mga koleksiyon, antas ng kaalansinganan o pagkahalumigmig,
haba ng exposure, at iba pa. Isinasagawa ang mga ito sapagkat sensitibo ang mga relikya sa
kapaligiran nito – at kahit ang katiting na pagkakamali lamang sa pagsasaayos ng mga ito ay
lubhang makaaapekto sa kondisyon ng mga obra’t iba pang artipakto.

Malaliman at masusi ring inaaral ng mga tauhan sa museo ang istorya ng bawat bahagi
ng mga koleksiyon - hindi lamang para sa mga impormasyong ilalagay nila sa kaligiran nito,
kundi dahil na rin sa kagustuhan nilang maihatag ang mga ito sa paraang masasalamin ng
pagkakalagay ng mga piyesa ang mga pinagdaanan at kahalagahan ng mga ito sa kasaysayan
ng ating bansa. Dahil dito, masasabi talagang hindi basta-basta ang preparasyon ng mga
tagapangasiwa ng mga museo upang maihatag lamang ang historia ng Pilipinas sa publiko.

Habang nakikinig sa pagtatalakay, hindi ko maiwasan ang pag-agos ng mga ala-ala sa


aking balintanaw - katulad na lamang ng mga lakbay-aral na aking nilahukan noong ako ay
nasa elementarya pa lamang. Kadalasan kasi ay sa mga historikal na museo kami isinasama ng
aming mga guro upang masulyapan ang kuwento ng iba’t ibang aspeto ng ating lipunan – mula
sa pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino, sa paglaban ng mga bayani para sa kalayaan ng
ating inang bayan, hanggang sa mga makalumang makata’t manlilikha, mga kontemporaryong
manunulat at artista na gumawa ng mga obrang sumasalamin sa takbo ng pamumuhay at
kulturang Pilipino sa iba’t ibang era. Nakalulungkot nga lamang isipin na noon, hindi ko pa
natitipuhan at napahahalagahan ang mga bagay na iyon sapagkat naging mas interesado ako sa
agham at teknolohiya kumpara sa sining at historia.

Sa katunayan, mas ninanais ko pang pumunta noon sa mga pagawaan ng high-tech na


makinarya at mga science exhibits kumpara sa mga historical museums. Bakit? Dahil iniisip
ko na nasa aklat ko naman na ang mga kailangan kong matutunan tungkol sa kasaysayan.
Bukod pa rito, inaakala ko ring mas nakahihigit na pagtuunan ng pansin ang hinaharap kesa
ilubog ang sarili sa nakalipas. Para sa akin, maaari pang mabago ang kinabukasan, ngunit hindi
na maaari pang baguhin ang nakaraan. Subalit paglaon, napag-alaman ko rin na ang nakaraan
ang susi sa kasalukuyan kaya’t sinubukan kong pumili ng mga bahagi ng kasaysayan na aking
natipuhang pag-aralan.

Sa ngayon, may kalaliman na rin naman ang aking kagustuhang ungkatin ang
kasaysayan, lalo na sa rebolusyonaryong aspeto ng historia [tulad ng pag-aaklas at paglaban ng
mga Pilipino kontra sa mga dayuhan, at sa paglaban ng mga mamamayan kontra sa ley marsiyal
at sa diktaturya] – isang bagay na nag-uugat sa aking interes sa mga sosyo-pulitikal na
suliraning nagaganap ngayon. Isa pa, nagagalak ako na kahit papaano’y nagawa kong
mapahalagahan ang mga ginagawa ng mga historyador at tagapangasiwa ng mga museo na
pangalagaan ang mga bagay na bumubuo sa ating kasaysayan sa pamamagitan ng pakikilahok
sa mga makabayang diskurso at sa mga panlipunang usapin.

Sa kabilang banda, nabatid ko ang pagsusumakit at pagsisikap ng mga historyador at


mga mangangalaga ng museo para lamang maipakita sa publiko ang ating kasaysayan. Naisip
ko rin na may mga tao pa ring nagtataglay ng mentalidad na mayroon ako noon – ang uri ng
kaisipang nagsasawalang-bahala sa kasaysayan ng ating bansa; sa haligi ng ating pagkatao.
Para saan pa nga ba ang kanilang mga ginagawa kung tayo mismo ay hindi naman tumutungo
sa mga museo? Para saan pa ang kanilang pagpapagod kung ang mga bagay na kanilang
inihahatag kung kakaunti lang ang gusting makakita nito? At para saan pa ang pagpapanatili
ng mga museo kung ang kasaysayang pinangangalagaan nito ay hindi naman tinutunghayan ng
publiko?

Kahit na lubos akong humahanga at sumasang-ayon sa mananalita dahil sa kanyang


mga pananaw tungkol sa pangangalaga ng ating kasaysayan, hindi ko maiwasang makaramdam
ng pagkaawa’t pagkadismaya – hindi sa kanila, kundi sa mga Pilipinong katulad ko rin na noo’y
ipinagsasawalang-bahala ang bahagi ng ating pagkataong unti-unti nang nakukubabawan ng
mala-kolonyal na pag-iisip at pandayuhang adhikain.

Sa pagtatapos ng talakayan, nagalak akong maisip na ang ating kasaysayan nga ay tunay
na napangangalagaan dahil nariyan ang mga museo’t aklatan na nagsisiwalat ng historia ng
ating bansa, at nariyan din ang mga taong handang pangasiwaan ang mga ito. Ngunit sa
kabilang banda, nalulungkot ako sapagkat hindi pa ito masyadong napahahalagahan ng
karamihan – dahil napagtanto ko rin na kung gaano karaming piyesa’t obra ang nakahatag sa
mga institusyong ito, ay siya namang ikinakaunti ng mga matang gustong sumiyasat dito.

Ang kasaysayan ay isang anyo ng sining, lalo pa’t dito nakasandig ang ating makulay
na kultura. Hindi sapat na mapangalagaan lamang ito nang tumagal pa hanggang sa katapusan
ng panahon. Kailangan din nitong linangin, upang ito ay mapag-alaman din ng mga susunod
na henerasyon.

Sanggunian:

International Council of Museums (ICOM). 2007. Article III – Definition of Terms. ICOM Statutes. Nakuha
noong ika – 20 ng Agosto, 2018 mula sa http://archives.icom. museum/definition.html
Natividad, P. 2018. Museums: Custodians of History. Talastasan sa Kasaysayan. Nakuha noong ika-17 ng
Agosto, 2018 mula sa isang forum sa Unibersidad ng Pilipinas.

You might also like